• October 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 23, 2025
    Current time: October 23, 2025 5:38 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for March, 2025

DA, pinag-iisipan na bawasan ang imported rice MSRP sa P45/kilo

Posted on: March 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PINAG-IISIPAN ng Department of Agriculture (DA) na bawasan ang maximum suggested retail price (MSRP) ng imported rice ng panibagong P4 kada kilo sa pagtatapos ng buwan.

Ito’y kapag nagpatuloy ang pagbaba ng pandaigdigang presyo at kapag mas pinahalagahan na ang piso.

Tinitingnan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ibaba ang MSRP para sa imported rice sa P45 per kilogram mula sa kasalukuyang P49 per kilogram nito matapos ikasa ang MSRP initiative sa halagang P58 per kilogram noong Pebrero.

“If the current trend in world rice prices persists and the peso remains strong, we might lower MSRP for imported rice to around P45 per kilo by March 31,” ang sinabi ni Tiu Laurel.

Ang mga retailers na nag-exceed sa MSRP ay nire-require na bigyang katuwiran ang presyo sa mga awtoridad.

Gaya ng naunang sinabi ni Tiu Laurel na ang imported rice na 25% na sira ay hindi lalagpas sa P50 per kilogram.

Makikita sa pinakabagong data mula sa DA price monitoring na ang imported rice sa Metro Manila ay pumapalo mula P41.13 hanggang P57.57 per kilogram mula March 3 hanggang March 8, 2025.

Samantala, ang piso ay tine-trade sa P57:$1 level para sa karamihan ng Marso. Nagsara ito noong nakaraang Biyernes , Marso 14 sa P57.251:$1.

Matatandaang inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbabawas sa rice tariffs ng 15% mula 35% simula July 2024.

Sinabi ng DA, ito ang naging dahilan para maibaba ang presyo sa ‘lowest levels’ sa mahigit na dalawang taon, may ilang bigas ang ‘below $400 per metric ton.’

Samantala, tiniyak naman ni Tiu Laurel na ang pagbagsak ng presyo ng bigas at mas mababang taripa ay hindi makaaapekto sa P30-billion annual budget na inilaan sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), na naglalayong magbigay suporta sa lokal na magsasaka sa ilalim ng inamiyendahang Rice Tariffication Law (RTL). (Daris Jose)

Malakanyang kay Baste: Hindi dapat mahinto ng utang na loob ang pagpapatupad ng batas

Posted on: March 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NIRESBAKAN ng Malakanyang si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte matapos sabihin nitong ‘walang utang na loob’ si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang ipalibing ng kanyang ama si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., sa Libingan ng mga Bayani noong 2016.

Sinabi pa ng batang Duterte na ipinalibing ng kaniyang ama si Ferdinand Marcos Sr., pero bilang kapalit, ipinakulong naman ngayon ni Marcos Jr. ang dating Pangulo.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na ”Hindi po dapat mahinto ng utang na loob ang pagpapatupad ng batas. Hindi po dapat traydurin ang pagpapatupad ng commitment with the Interpol.

Sinabi pa ni Castro na nakapagpasalamat na ang mga Marcos kay dating Pangulong Duterte sa nasabing usapin.

Sa ulat, binigyang diin ni Davao City Mayor Baste Duterte na hinding-hindi kailanman mamahalin ng supporters ng pamilya Duterte si Pangulong Bongbong Bongbong Marcos Jr.

Tugon niya ito ngayong nasa Netherlands na ang kaniyang ama, si dating Pangulong Duterte, para harapin ang reklamo na inihain laban sa kaniya sa International Criminal Court (ICC).

Sinabi rin ng batang Duterte na lalaban sila sa anumang panggigipit na ginawa sa kanilang pamilya, kasama na ang mga Pilipinong nakararanas din ng hindi maayos na pagtrato sa Marcos Jr. administration. (Daris Jose)

3 Filipino nationals, nasagip ng NBI

Posted on: March 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NASAGIP ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong Filipino nationals na nagpasaklolo sa ahensya dahil sa pambubugbog sa kanila ng ilang Chinese sa isang scam hub sa Cambodia.

Ayon sa NBI, nakatanggap ang ahensya ng  mensahe at ilang larawan ng mga biktima na humihingi ng tulong kay NBI Director Jaime Santiago at kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr kung saan nagpakita ng mga pasa sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.

Kagyat itong tinugunan ni Dir.Santiago at ipinag-utos na iulat ang usapin sa OIC-Executive Director ng DOJ-IACAT para sa naaangkop na aksyon.

Sa pahayag ng mga biktima sa NBI, nagtungo sila sa Phnom Penh, Cambodia mula Dipolog City noong Enero 7,2025.

Dumaan sila ng Basilan,Tawi-Tawi, Sabah,Malaysia gamit ang ferry bago lumipat sa isang maliit na bangka patungo naman ng Cambodia kung saan sila nakarating noong Enero 17.

Dinala sila sa isang compound na may ilang gusali at hindi pinapayagang lumabas ng kanilang Chinese boss.

Ayon sa NBI, hinikayat silang magtrabaho bilang Customer Service Representatives ng isang Filipino HR ng isang casino company sa Cambodia at inalok ng sahod na P1000USD.

Sa halip na Customer Service Representatives ang kanilang trabaho, ay inatasan silang i-scam ang mga matatandang banyaga sa pamamagitan ng crypto currency sa social media apps tulad ng Signal, Twitter at Instagram.

Bukod pa rito, ang ipinangkong sahod na P1000USD ay naging P300USD na lamang ang kanilang natanggap .

Tinangkang lumipat ng kumpanya ang mga biktima ngunit nang malaman ng amo ay dito na sila sinasaktan ng ilang mga indibidwal na pawang mga Chinese.

Matapos makakalap ng mga kongretong impormasyon at sa pamamagitan ng tamang koordinasyon sa ilang ahensya ng gobyerno , agad kumilos ang NBI at nailigtas ang mga biktima pabalik ng Pilipinas.

Nagpasalamat naman si Santiago  sa Cambodian counterparts  na tumulong sa mga biktima .Ipinunto ni Santiago ang tagumpay ay patunay  ng matibay at walang humpay na pagtutulongan sa pagitan ng dalawang nasyon laban sa transnational crimes. (Gene Adsuara)

8 katao, timbog sa sugal at shabu sa Valenzuela

Posted on: March 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BAGSAK sa kulungan ang walong katao matapos maaresto ng pulisya sa magkakahiwalay na anti-gambling operations kung saan apat sa kanila ay nakuhanan pa ng droga sa Valenzuela City.

          Sa ulat ng Polo Police Sub-Station (SS5) kay Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban, alas-9:00 ng Lunes ng umaga nang maaresto nila sina alyas “Ruel” at alyas “Alex” habang naglalaro ng illegal na sugal na cara y cruz sa Kapitan Nayong, Brgy. Pariancillo Villa.

          Nasamsam sa kanila ang P300 bet money at tatlong peso coins na gamit bilang pangara habang ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu ay nakuha kay alyas Ruel.

          Dakong ala-1:25 ng madaling araw nang maaktuhan ng mga tauhan ng Gen T De Leon Police Sub-Station 2 sina alyas “Arjie”, 27 at alyas “Romulo, 23, na nagsusugal din ng cara y cruz sa gilid ng Serapio Elementary School sa Brgy. Gen T De Leon kung saan nakuha sa kanila ang bet money, tatlong piso coins na gamit na pangara at isang plastic sachet ng umano’y shabu na nasamsam kay alyas Argie.

          Nauna rito, ala-1:15 ng hapon nang maaktuhan din ng mga tauhan ng SS9 sina alyas “Lito”, 47, at alyas “Ronie”, 34, na nagpapataya at tumataya ng sugal na ‘Ending’ sa Isidro Francisco St., Brgy., Maysan kung saan nakuha sa kanila ang isang basketball ending card, bet money, at ballpen habang ang isang plastic sachet ng shabu ay nakumpiska kay alyas Lito.

          Habang nadakip naman ng mga tauhan ng SS6 ang dalawang lalaki nang maaktuhang nagsusugal din ng cara y cruz sa Brgy. Malanday kung saan nasamsam sa kanila ang bet money, tatlong piso coins na gamit na pangara at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu. (Richard Mesa)

Driver na wanted sa carnapping sa Malabon, tiklo

Posted on: March 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

LAGLAG sa selda ang isang family driver na wanted sa kaso ng carnapping matapos madakip ng pulisya sa isinagawang manhunt operation ng pulisya sa Malabon City, kahapon ng umaga.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, nitong March 14, 2025 nang maglabas ng warrant of arrest si Presiding Judge Ma. Antonia Linsangan Largoza-Cantero ng Regional Trial Court Branch 291, Malabon City laban sa akusadong si alyas “Joh”, 37, ng Brgy. Niugan para sa paglabag sa R.A 10883 (Anti-Carnapping Law).

Kaagad ipinag-utos ni Col. Baybayan sa kanyang mga tauhan ang paghahanap kay alyas Joh hanggang sa makatanggap ng impormasyon ang mga tauhan  ng Warrant and Subpoena Section (WSS) hinggil sa kinaroroonan ng akusado.

Dakong alas-9:30 ng umaga nang tuluyang masukol ng pinagsamang mga tauhan ng WSS at District Anti-Carnapping Unit ng Northern Police District (NPD-DACU) ang akusado sa kahabaan ng Gov. Pascual Ave, Barangay Acacia.

Ayon kay Col. Baybayan, may inirekomenda namang piyansa ang hukuman na P100,000.00 para sa pansamantalang paglaya ng akusado.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Malabon police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman.

Pinuri ni P/Col. Josefino Ligan, Acting District Director ng NPD ang Malabon police sa kanilang hindi natitinag na pangako sa katarungan at seguridad ng komunidad. (Richard Mesa)

Gawad Medalyang Ginto 2025, pinarangalan ang mga natatanging babae

Posted on: March 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

LUNGSOD NG MALOLOS – Sa isang maningning na seremonya na ginanap sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center noong Lunes, ipinagdiwang ng Gawad Medalyang Ginto 2025 ang kahanga-hangang mga nagawa ng mga kababaihang may mahalagang ambag sa kanilang mga komunidad.

Nagbibigay pugay ang prestihiyosong parangal na ito sa mga mahuhusay na kababaihang nagpakita ng hindi matatawarang dedikasyon sa paglilingkod. Kabilang sa mga pinarangalan sina Emeliza G. Laurenciana mula sa Santa Maria na ginawaran bilang ‘Natatanging Babae’ sa kanyang pagganap bilanng Tagapangulo ng Catmon Multiple-Purpose Cooperative at School Directress ng Aquinas de Escolar Academy; Evelyn R. Asingua mula sa Lungsod ng Malolos, pinarangalan bilang ‘Matagumpay na Ginang ng OFW’; Marissa S. Del Rosario mula sa Marilao, kinilala bilang ‘Matagumpay na Babaeng Makakalikasan’; Mary Vianney J. Sato mula sa Plaridel, ginawaran bilang ‘Huwarang Kabataang Babae sa Pamumuno’; at Maria Donna Adora M. Borlongan mula sa Pulilan, kinilala bilang ‘Matagumpay na Babaeng Mangangalakal’.

Bukod dito, pinarangalan din ang Rotary Club of Plaridel Kristal bilang ‘Natatanging Samahan’.

Ang Gawad Medalyang Ginto ay patuloy na nagsisilbing tanglaw ng pag-asa at inspirasyon, kung saan ipinamamalas kung paanong ang determinasyon at katatagan ay maaaring magbunga ng positibong pagbabago. Ang pagdiriwang ngayong taon ay muling nagpapatunay ng mahalagang papel na ginagampanan ng kababaihan sa paghubog ng mas mabuting lipunan.

Dumalo naman bilang panauhing pandangal si Punong Mahistrado Maria Lourdes Sereno ng Korte Suprema ng Pilipinas sa taunang seremonya ng paggawad.

Samantala, binigyang diin ni Gob. Daniel R. Fernando ng Bulacan ang kahalagahan ng pagdiriwang na ito bilang patunay ng lakas at impluwensya ng kababaihan sa kanilang mga komunidad.

“Ang bawat isa sa mga pinarangalan ay huwaran ng pagpapalakas ng kababaihan na siyang layunin ng Gawad Medalyang Ginto. Papuri at pasasalamat po sa ating Panginoon sa pagkakaloob sa atin ng mga natatanging ina ng tahanan at ng lipunan. Kayo po ang gintong yaman ng Bulacan,” anang gobernador.

Ang Gawad Medalyang Ginto ay isang taunang parangal na kumikilala sa mga natatanging kababaihan na may mahalagang ambag sa kanilang komunidad at sa iba’t ibang larangan tulad ng sining, kultura, pulitika, at serbisyong panlipunan. Layunin nitong palakasin ang mga kababaihan sa lipunan at ipakita ang kahalagahan ng pagkakapantay-pantay ng kasarian sa lahat ng antas ng komunidad.

Seguridad sa data center ng Comelec, hinigpitan

Posted on: March 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

TINIYAK ng Commission on Elections (Comelec) na mahigpit ang ipinatutupad nilang seguridad sa kanilang data center.

Binuksan ng Comelec sa media, poll watchdogs at iba pang stakehol­ders ang kanilang data cen­ter na matatagpuan sa Ayala Circuit Corporate One Building sa Makati City, para sa isang walkthrough.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, tanging piling Information Technology (IT) personnel lamang ng komisyon ang maaaring mag-access sa data server room. Maging siya mismo ay walang authorized access doon.

Bukod dito, marami ang layers ng seguridad na ipinatutupad.

Siniguro rin naman niya na higit pa nilang hihigpitan ang security protocol sa loob at labas ng gusali habang papalapit na ang mismong araw ng halalan.

Magpapakalat aniya sila ng military at police personnel upang magbantay sa lugar.

Ads March 18, 2025

Posted on: March 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

DOTr: Pinag-iisipan kung puputulin na ang kontrata sa BF Corp. na gumagawa ng Unified Grand Central Station ng MRT3, LRT2, at MRT 7

Posted on: March 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PINAG-IISIPAN at pinag-aaralan ng Department of Transportation (DOTr) sa pamumuno ng bagong talagang Secretary na si Vince Dizon dahil sa matagal ng pagkabalam ng pagtatayo ng nasabing istasyon.

 

     Sa isang pahayag ng DOTr, sinabi ng ahensya na kanilang nire-repaso ang termination ng kontrata ng una sa BF Corp.-Foresight Development and Surveying Co. na isang consortium.

 

     Sinabi ni Dizon na pinag-aaralan ng legal team ang final termination ng kontrata para maka-move on na ang proyekto at nang matapos na sa lalong madaling panahon.

 

     “Our legal team is now studying the final termination of the contract so we can move on and finally finish this project. The delay is unacceptable and this project should have been completed by now and already benefiting the people,” wika ni Dizon.

 

     Ang nasabing Unified Grand Central Station ay tinatayo upang pagdugtungin ang 3 pangunahing rail lines sa Metro Manila, ang LRT 1, MRT 3, at ang ginagawang MRT 7. Nagkaroon ng mga problema at setbacks ang pagtatayo kasama na ang epekto ng pandemya.

 

     Dapat sana ay tapos na ang proyekto  ngayon subalit dahil sa pagbabalam ng pagtatayo, ito ay inaasahang matatapos pa sa darating na 2028, kung ang konstruksyon ay masisimulan muli sa madaling panahon.

 

     Sa isang ambush interview kay Dizon ay kanyang sinabi na kailangan ng tapusin muna ang konstruksyon dahil ito ay nagiging sanhi ng inconvenience sa mga motorista at naglalakad na mga tao.

 

     Nakita ni Dizon na ang mga ibang bakal ay nagkalat sa lugar ng konstruksyon at kinakalawang na ang iba na siyang nagiging sanhi ng trapiko sa nasabing lugar sa North Avenue at EDSA. Dagdag pa niya ang maraming barriers na nakatengga sa lugar ay nakakabalam sa mga naglalakad dahil iniikot pa nila ang malayo at nakikipag-siksiksikan pa ang iba para lamang makatawid.

 

     “Some of the metal materials there are scattered and rusting, and no one is working. That is exactly the inconvenience for pedestrians because of the many obstructions and barriers from the construction site, which have been left idle wherein commuters and pedestrians have to take a long detour and squeeze through crowded areas,” saad ni Dizon.

 

     Hanggang ngayon ay wala pang pahayag na ibinibigay ang pamunuan ng BF Corp. tungkol sa nasabing problema ng Unified Grand Central Station.

 

     Ang UGCS ay isang joint project ng DOTr, SM Prime Holdings, Inc., Universal LRT Corporation Limited of the San Miguel Corporation, Light Rail Manila Corporation, North Triangle Depot Commercial Corporation, Department of Public Works and Highways (DPWH), at Light Rail Transit Authority (LRTA). LASACMAR

LTO, Transport groups, at iba pang stakeholders bumuo ng Alyansa para mapataas ang insurance benefits

Posted on: March 18th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PINANGUNAHAN ng Land Transportation Office (LTO) sa pamumuno ng kanilang Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang pagbubuo ng alyansa kasama ang iba’t ibang transport groups upang mapataas ang benepisyo ng insurance para sa mga sasakyan.

 

Sa ikalawang bahagi ng pampublikong konsultasyon kasama ang mga transport group at iba pang stakeholders, nangako rin si Asec Mendoza na agad na aaksyunan ang mga reklamo ng mga insurance company laban sa mga ilegal na nagbebenta ng Compulsory Third Party Liability o CTPL.

 

Ayon kay Asec Mendoza, isinagawa ang pagpupulong upang makuha ang pananaw at rekomendasyon ng mas maraming stakeholders para sa pagpapabuti ng serbisyo sa pampublikong transportasyon, isa sa mga pangunahing prayoridad ni DOTr Secretary Vince Dizon.

 

Sa talakayan, nagkaisa ang mga dumalo sa pangangailangang taasan ang insurance benefits, gayundin ang pagpapatupad ng mas mabilis at mas maayos na proseso ng pag-claim kumpara sa kasalukuyang sistema.

 

Dalawa pang mahahalagang pagbabago ang kasalukuyang tinututukan, ang agarang pagwawasto ng maling encoding sa insurance at ang pagtanggal ng participation fee sa buong proseso ng pag-claim.

 

“Maganda ang kinalabasan ng pagpupulong at ito naman ang gusto natin, especially our new DOTr Secretary Dizon to reach out to the people so that we could craft and implement measures that are convenient to all our clients,” ani Asec Mendoza.

 

“Gagawa tayo ng mga huling pagsasaayos sa usaping ito, partikular sa legalidad nito, sa pakikipag-ugnayan sa Insurance Commission bago natin ito iharap kay DOTr Secretary at ipatupad ang mga pagbabagong ito,” dagdag niya.

 

Tiniyak din ni Asec Mendoza sa mga insurance company na personal niyang tututukan ang mga operasyon laban sa mga ilegal na nagbebenta ng CTPL nang walang pahintulot mula sa Insurance Commission.

 

Aniya, magpapadala sila ng mga mystery customer upang matukoy at mahuli ang mga nagbebenta ng CTPL ng walang tamang awtorisasyon, na isasailalim sa operasyon ng LTO at pulisya.

 

“Sa inyong tulong at patuloy na koordinasyon, sigurado akong malayo ang mararating natin sa pagpapatupad ng mga kinakailangang reporma upang mapabuti ang karanasan ng ating mga kababayan sa pampublikong transportasyon,” pahayag ni Asec Mendoza sa mga lider ng transport groups at iba pang stakeholders sa ginanap na pampublikong konsultasyon.

 

Dumalo sa pagpupulong sina Malyn Ramos, pangulo ng MAJETSCO/Busina; Angel Guevarra, kinatawan ng Sterling Insurance Company; Shierto Santillan ng BMIS; Juliet De Jesus ng Mega Manila Consortium; Leonardo Bautista, chairman ng PAGUNOVA Transport; Ariel Lim ng National Public Transport at NACTODA; Boy Vargas, pinuno ng ALTODAP; Jes Bañaga, pangulo ng Pro-movers Transport Alliance; Jojo Martin, pinuno ng Pasang Masda; Saturnino De Guzman ng Partner 7 Transport Operators; Vicky Antonio, chairperson ng Novadeci Transport Cooperative; Elbert Mozoe, pangulo ng BMIS; at Ka Obet Martin, chairman ng Pasang Masda. (PAUL JOHN REYES)