
Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan
HINIHINALANG dahil sa selos kaya tinarakan sa likod ang isang lalaki ng suspek makaraang komprontahin nang huli ang una dahil sa umano’y relasyon nito sa kanyang live-in partner sa Gen Mariano Alvarez (GMA), Cavite.
Ginagamot ngayon sa CARSIGMA Hospital ang biktimang si Glen Veloso dahil sa saksak sa likod mula sa suspek na si alyas Mark Ranjel.
Sa ulat, nagpanagpo ang biktima at suspek sa kahaban ng Congressional Road, Brgy Poblacion 1, GMA Cavite bandang alas-6:30 kamakalawa ng gabi at kinompronta ng suspek ang biktima hinggil sa umano’y relasyon nila ng kanyang live-in partner.
Ang komprontasyon ay humantong sa mainitang pagtatalo hanggang sa nagbunot ng patalim ang suspek at inundayan ng saksak ang biktima saka tumakas sa direksiyon ng Silang, Cavite.
Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa suspek. (Gene Adsuara)
HIMAS-REHAS ang isang kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nahaharap sa mabigat na kasong sexual assault matapos madakma ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Valenzuela City.
Kaagad na binasahan ng kanyang mga karapatan sa ilalim ng umiiral na Miranda rights ang akusado na si alyas “Albie”, 42, Draftsman ng DPWH, makaraang matunton ng mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban sa kanyang tirahan sa Cayetano St. Brgy. Karuhatan alas-8:30 ng gabi.
Binitbit ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Mateo B. Tarejos ng Branch 172 na may petsang Marso 20, 2025 para sa kasong sexual assault sa ilalim ng Art, 266-A Par. 2 in Relation to Section 5(B) ng R.A. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act,
Ayon kay Col. Cayabayn, may inilaan namang piyansa na nagkakahalaga ng P200,000 ang hukuman para sa pansamantalang paglaya ng akusado na pansamantala munang ipiniit sa custodial facility ng Valenzuela Police Station habang hinihintay ang commitment order ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail.
Sa ilalim ng Article 266-A paragraph 2 ng Revised Penal Code, ipinaliliwanag dito na ang sexual assault ay ang paggamit ng akusado ng isang instrumento o bagay sa maselang bahagi ng katawan ng biktima nang wala siyang pahintulot.
Kung mapapatunayan ng hukuman na may katotohanan ang akusasyon, may katapat na parusa ang naturang kaso ng pagkakabilanggo ng mula 12-taon at isang araw hanggang 20-taon at isang araw o habambuhay na pagkabilanggo, kumporme sa magiging hatol ng korte. (Richard Mesa)
MAAARING bumisita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa White House para makapulong si US President Donald Trump sa mga susunod na buwan kasunod ng twin visits ng dalawang top US officials sa Pilipinas.
Sinabi ni Philippine Ambassador Jose Manuel Romualdez na ang pagbisita ni Pangulong Marcos ay maaaring itakda matapos ang pagbisita ni US Defense Secretary Pete Hegseth sa Pilipinas sa Marso 28-29 kung saan nakatakda niyang makapulong sina Pangulong Marcos at Defense Secretary Gilbert Teodoro.
Nauna rito, sinabi ng DND na si Hegseth “will travel to the Philippines to advance security objectives with Philippine leaders and meet with U.S. and Philippine forces.”
Nakatakda ring bumisita sa Pilipinas si US Secretary of State Marco Rubio ngayong buwan ng Abril.
“Most likely after these visits of these 2 officials from the United States, malalaman natin ang exact timing ng President Marcos’ visit to the United States. Sinabi naman sa amin ng White House na definitely we will invite the President to come,” ang sinabi ni Romualdez.
Ani Romualdez, abala pa kasi ngayon Trump sa negosayon para sa bakbakan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
“Wala pa siła są Southeast, South Asian countries. Hopefully, [the visit will be] within the first half,” aniya pa rin.
Nauna rito, nagpaabot naman ng pagbati si Pangulong Marcos kay Trump sa muling pag-upo bilang Pangulo ng Estados Unidos, looking forward aniya siya na “working closely” sa bagong US administration.
“Congratulations to POTUS @realdonaldtrump and to the American people on another peaceful transfer of power in their Nation’s nearly 250-year history. I look forward to working closely with you and your Administration,” ang sinabi Pangulong Marcos kay Trump sa X.
“The strong and lasting PH-US alliance will continue to uphold our shared vision of prosperity and security in the region,” dagdag na pahayag ng Chief Executive. (Daris Jose)
TINANGGIHAN ni dating Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Interim Chief Minister Ahod Ebrahim na maitalaga bilang miyembro ng Parliament.
Sa katunayan, sa isang kalatas ay sinabi ni Ebrahim na:
“I take this opportunity to thank President Ferdinand R. Marcos Jr. for offering me another chance to serve in the Bangsamoro Government, this time as a Member of the Parliament. I have decided to respectfully decline said appointment.”
Hindi naman nagbigay ng anumang detalye at rason si Ebrahim sa kanyang naging pagtanggi sa appointment.
Sa ulat, nanumpa sa kanilang bagong tungkulin ang mga bagong appointed members ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament sa harap ni BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua.
Ang BTA Parliament ay isang interim government sa BARRM sa panahon ng transition period, ang nakasaad sa Republic Act No. 11054. May taglay itong legislative at executive powers.
Winika ni Ebrahim na ipagpapatuloy niya ang pamumuno sa Moro Islamic Liberation Front at political party nito, ang United Bangsamoro Justice Party, habang pinalalawig ang paggabay at suporta sa Macacua “as we move towards a brighter future for the Bangsamoro people.”
Samantala, nagpaabot naman ng pagbati si Ebrahim sa kanyang successor, sabay sabing si Macacua ay makapag-aambag ng kanyang mayamang karanasan sa bago niyang papel.
“His leadership and commitment to peace and development in the region are well-documented. I wish him well in his endeavors,” ang sinabi ni Ebrahim. (Daris Jose)
TAKTIKA ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na maghain ng aplikasyon ng asylum sa bansang The Netherlands.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na taktika ito ni Roque para hindi na muling matanong sa kanyang mga isiniwalat sa Quad Comm hearing patungkol sa kanyang mga transaksiyon.
“Kahit hindi pa po siya nag-a-apply ng asylum sa Netherlands alam naman natin na siya ay hindi na nagpakita sa anumang Quad Comm hearing. Siya ay umalis sa Pilipinas at hindi na bumalik, so ano ba ang ibig sabihin nito? Taktika ito para hindi na siya muling matanong pa sa kaniyang mga isiniwalat sa Quad Comm hearing patungkol sa kaniyang mga transaksiyon,” ang sinabi ni Castro.
Matatandaang, sa Facebook live kasi ni Roque noong March 20, inamin ng abogado na tapos na siyang mag-apply at inaantay na lamang niya ang kanyang interview.
Lahad ni Roque, “Lilinawin ko po na ako po ngayon ay isang asylum seeker dahil nakapag-apply na po ako for asylum.
Ang inaantay ko lang po ay ‘yong kauna-unahang interview na kabahagi na ng application process.”
Dagdag pa niya, hindi na raw siya maaaring pabalikin sa bansa dahil bahagi ito ng kanyang karapatan bilang asylum seeker.
Sey pa ni Roque, “‘Yong mere fact na nag-apply ako, ayan ‘yong nagbigay sa akin ng karapatan na hindi na ako pupuwedeng mapabalik sa Pilipinas.
“Maski pa kumuha sila ng warrant of arrest, mag-file ng extradition eh malinaw po ‘yan dahil ito po ay matter of convention rights.”
Ani Roque, kapag bumalik raw siya sa Pilipinas ay ikukulong siya sa kasong human trafficking na wala naman daw ebidensya.
May arrest order na inilabas ang House quad-committee laban sa dating presidential spokesperson dahil sa hindi na muling pagdalo sa pagdinig kaugnay ng ilegal na operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Ang pagiging “asylum” ay isang legal process kung saan binibigyan ng proteksyon at karapatan ang isang indibidwal na manatili sa ibang bansa sa pangamba sa “persecution” at human rights violations sa sarili nitong bansa.
Samantala, depende naman sa gobyerno ng The Netherlands ang naging sagot ni Castro kung ang affiliation ni Roque kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang dahilan kung bakit hindi naaprubahan ang aplikasyon sa asylum ni Roque sa The Netherlands.
“Depende na po iyan sa gobyerno po ng Netherlands kung ito po ay makakaapekto sa kaniyang petition for asylum,” ang sinabi ni Castro. (Daris Jose)
BINUWELTAHAN ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro si Vice President Sara Duterte nang sabihin nito na nabigo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na pamunuan ang bansa at dapat na magbitiw na sa posisyon.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Castro na “Kung pinag-reresign po nila ang Pangulo, sino po ang makikinabang? Kahit sabihin po ni VP Sara, ‘o kayo nagsabi niyan’ siya pa rin po ang makikinabang.”
“Sasabihin po ba na walang kakayanan mamuno, papaano po natin masasabi ito, kung ang pinapairal po natin ay ang batas at very transparent po tayo sa anumang mga transakyon,” aniya pa rin.
Pinasaringan naman nito si VP Sara na tila pabor sa panawagan na magbitiw sa puwesto si Pangulong Marcos na “Hindi po mas kakayanin ng isang tao na mamuno na maraming inililihim, maraming itinatago at hindi nagpapakita ng anumang dokumento, more particularly about the funds.”
Sa ulat, isinigaw ng mga supporters ng mga Duterte sa The Hague ang “Marcos resign!” na ang tugon naman nito (VP Sara) ay “Kayo ang nagsabi niyan, hindi ako ah.”
“Bakit ba kailangan mag-resign? Dahil hindi mo pinapakita sa taumbayan na maayos kang mag-isip at kaya mo ang mamuno,” ang winika pa ni VP Sara.
Samantala, dumalo si VP Sara sa pagtitipon ng mga supporters ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa The Hague bago pa ang kanyang kaarawan sa Marso 28. (Daris Jose)
NAKIISA si Mayor Jeannie Sandoval, kasama ang 42 lovely candidates ng Ginoo at Binibining Malabon 2025 sa Tambobong Festival Float Parade nitong Huwebes bilang bahagi ng pagsisimulan ng pagdiriwang ng lungsod ng ika-426 na Pagkatatag at Ika-24 Anibersaryo ng Lungsod.
“Ating sinimulan ang pagdiriwang ng Tambobong Festival bilang paalala sa ating mga Malabueno sa ating mayamang kasaysayn, tradisyon, at kultura. Nakasama natin ang mga kandidato ng Ginoo at Binibining Malabon mula sa 21 na barangay sa lungsod. Sila ay mga modelo o ehemplo para sa mga kabataan upang maipakita ang kanilang galing, talino, at talento. Ating ipagmalaki ang ating lungsod at ang ating pagiging Malabueno na may pagkakaisa, kagandahang loob tungo sa tunay na pag-unlad,” ani Mayor Sandoval.
Ang float parade ay bahagi ng mga aktibidad para sa pagdiriwang ng 426th Founding Anniversary ng Malabon (Mayo 21) at 24th Charter Day (Abril 21).
Itinampok nito ang 20 detalyadong dinisenyo na mga float na nagdiriwang ng mayamang kasaysayan, kultura, at tradisyon ng Malabon kung saan ipinakikita dito ang pagkamalikhain at pagmamalaki ng komunidad, sabi ng CTCAO.
Sina First Gentleman Ricky Sandoval, City Councilors, Ginoong Malabon 2024 Elishua Balinton at Binibining Malabon 2024 Prima Joy Alamban, ang mga nagwagi sa Tambobong Indakan, habang lumahok naman sa parade ang city government department heads and employees, cultural groups at marching bands.
Ang aktor at basketball player na si Kobe Paras, kasama ang aktres na si Angeli Khang, ay nakiisa rin sa parada upang magsilbing escort at muse nina Mayor Jeannie at First Gentleman Ricky Sandoval.
Nagsimula ang parada sa Malabon National High School, dumaan sa Gen. Luna Avenue, at nagtapos sa Malabon Sports Center.
Pagkatapos ng parada, ang mga kalahok ay binigyan ng masiglang pagtatanghal ng kultura mula sa iba’t ibang grupo sa Hulong Duhat Oval.
“Ngayon pa lang ay atin nang sinumulan ang mga aktibidad na bahagi ng ating pagdiriwang ng anibersaryo ng pagkakatatag ng Malabon. Ito ay mahalaga para sa atin bilang Malabueno dahil dito tayo nagsimula bilang isang bayan, isang komunidad nasi may makulay at mayabong na kultura, tradisyon, at paniniwala. Gayundin ay ating itinatampok ang kakaiba at kamangha-manghang talento ng mga Malabueno. Nawa ay magsilbing inspirasyon ang mga programang ito para sa atin sa ating patuloy na pagsasagawa ng mga serbisyo para sa kapwa Malabueno,” pahayag ni City Administrator Dr. Alexander Rosete. (Richard Mesa)
MULI na namang nakatanggap ng babala ang Cavite State University (CAVSU), Main Campus na papasukin ng dalawang katao ang mga campuses nito at aatakehin.
Sa natanggap na email bandang alas-6:00 kamakalawa ng umga, mula sa isang “anonyyymoussszzz2gmail.com” ng kanilang Central Student Government (CSG) CAVSU na nagsasaad ang isang planong pag-atake sa kanilang main campus sa Indang, Cavite at kanilang mga sattelite campuses.
Nakasaad din sa email na dalawang di nakilalang kalalakihan na nakasuot ng isang kulay itim na caps at naka-corporate attire ang papasok sa nasabing campus gamit ang isang CAVSU Identification Cards na siyang gagawa ng pag-atake.
Hindi naman binanggit kung kailan at anong oras gagawin ang pag-atake sa mga campuses ng CAVSU.
Dahil dito, agad namang ipinag-utos naman ang pamunuan na makipag-coordinate sa pulisya.
Matatandaan na una nang naatanggap ng tawag ang halos sabay-sabay ang limang campuses ng CAVSU kabilang ang kanilang main sa Indang, Bacoor, Carmona, Silang at Cavite City na umano’y pasasabugin.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ang pulisya hinggil sa kasong ito. (Gene Adsuara)