Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan
NAGPASALAMAT ang Kanyang Kabanalan Francisco sa lahat ng nagdasal at nagpaabot ng mensahe sa kanyang dagliang paggaling.
Sa Angelus ng Santo Papa, binigyang diin nito ang mahigit isang buwang pananatili sa Gemelli Hospital sa Roma ay oportunidad na maranasan ang mapagkalingang pag-ibig ng Diyos lalo na sa mga may karamdaman.
Ayon kay Pope Francis sa pamamagitan ng mga doctor at healthcare workers na walang kapagurang tumutugon sa pangangailangang medical ng mga maysakit ay naipapamalas sa lipunan ang habag at awa ng Diyos na dapat maipadama sa mga may karamdaman.
“In this long period of my hospitalization, I have had the opportunity to experience the Lord’s patience, which I also see reflected in the tireless care of the doctors and healthcare workers, as well as in the care and hopes of the relatives of the sick. This trusting patience, anchored in God’s unfailing love, is indeed necessary in our lives, especially when facing the most difficult and painful situations,” bahagi ng mensahe ni Pope Francis.
Aniya bukod sa pagbibigay pag-asa sa mga maysakit na gumaling sa karamdaman ang pagsisikap ng mga medical professionals ay nagdudulot ng pag-asa sa kaanak at kasamang nangangalaga sa mga may karamdaman.
Iginiit ni Pope Francis na ang kanyang karanasan sa dakilang pag-ibig ng Diyos habang nagpapagaling sa pagamutan ay dapat maranasan at matuklasan ng tao lalo na sa mga panahong nahaharap sa matinding pagsubok ng buhay.
Kahapon ay nagpakita sa publiko ang santo papa sa balcony ng Gemelli sa kauna-unahang pagkakataon matapos maospital noong February 14 at nagbigay ng kanyang pagbabasbas bago tumungo sa Basilica of Saint Mary Major at nag-alay ng bulaklak at panalangin sa Mary Salus Populi Romani. (Gene Adsuara)
NAKATAKDANG magsanib-puwersa ang National Irrigation Administration (NIA) at League of Municipalities of the Philippines (LMP) para sa pagpapalawak ng Bagong Bayaning Magsasaka (BBM) rice sale sa bansa.
Layon ng pagsasama ay gawing accessible ang BBM rice sa mas maraming filipino alinsunod sa food security at affordability targets ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ang BBM rice, nagmula sa lokal na pag-aani ng mga magsasaka sa ilalim ng contract farming ng NIA, ay ibinebenta sa halagang P29 per kilogram sa vulnerable sector kabilng na sa mga senior citizens, persons with disabilities, solo parents, at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries.
Sa ulat, sinabi ni NIA Administrator Eduardo Guillen na target ng NIA na makakuha ng memorandum of agreement (MOA) kasama ang LMP sa second quarter.
“End of April po ang target namin. Ayusin po namin [ang] mechanics,” ayon kay Guillen.
Base sa inisyal na MOA draft na ibinahagi sa PNA, kapwa inaasahan ng magkabilang partido na tiyakin ang “sustainable mechanism” para sa food security sa pamamagitan ng pagbili, paggiling at distribusyon ng bigas.
Ang NIA ang ‘in charge’ sa pagbili ng fresh palay mula sa accredited irrigators’ associations (IAs); paggiling ng bigas; at tiyakin na matatag ang suplay para sa municipal local government units (MLGUs).
Para naman sa LMP, tutulungan nito ang MLGUs na maghanda at magpartisipa sa pagbili at pagbebenta ng BBM rice, at maging ang makipag-ugnayan sa kanilang accredited cooperatives para sa mas malawak na retail sales at abnot-kayang price levels, bukod sa iba pa.
“Kung tutulong po ang LMP, isipin po natin sana lahat ng palengke sa ating bansa pwede mong i-access iyan [BBM rice],” ang sinabi ni Guillen.
Sa ngayon, may 25 million kilograms (25,000 metric tons) ng palay na naani sa ilalim ng contract farming ang nagiling na.
Tinatayang, may 4 million consumers mula 217 munisipalidad sa bansa ang nakinabang mula sa BBM rice sale, ayon sa NIA. (Daris Jose)
MALAPIT nang itayo ang Kadiwa ng Pangulo (KNP) stores sa ilang housing projects ng National Housing Authority bilang bahagi na gawing mas accessible ang mga murang pagkain.
Sinabi ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ang KNP program ay hindi lamang isang inisyatiba kundi isang konkretong aksyon bilang tugon sa kasalukuyang ‘agricultural at economic challenges.’
“I am pleased to witness another milestone in the Kadiwa ng Pangulo program, expanding its reach to more Filipinos and reinforcing our commitment to food security, affordability, and accessibility,” ang sinabi ni Tiu Laurel.
Sa ulat, lumagda ang NHA at DA sa isang Memorandum of Understanding (MOU) para matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng mga produktong agrikultural sa piling resettlement sites ng NHA.
Pinangunahan mismo nina NHA Gen. Manager Joeben Tai at Agri Sec. Francisco Tiu-Laurel Jr. ang isinagawang paglagda ng kasunduan na layong palakasin ang seguridad sa pagkain at isulong ang sustainability habang tinutugunan ang mga hamon sa sektor ng agrikultura.
“This memorandum of understanding between the Department of Agriculture and the NHA represents a crucial step in integrating food security into housing communities,” ang sinabi ni Tiu Laurel.
“Providing homes is essential, but true community development goes beyond shelter. It must also include sustainable food systems, livelihood opportunities, and economic stability,” dagdag na wika ni Tiu Laurel.
Binigyang-diin naman ni GM Tai na ang KADIWA ay naging mahalagang bahagi ng bawat NHA People’s Caravan upang matiyak na direktang nakikinabang ang mga komunidad sa mga inisyatiba ng programa.
“This is our way of helping residents in NHA housing projects improve their daily lives. The MOU also aims to enhance the livelihoods of our farmers,” ang sinabi ni Tai.
Sa ilalim ng MOU, tutulungan ng DA ang NHA na tukuyin ang mga lugar para sa KNP site establishment at bigyan ang housing body ng technical at logistic support. (Daris Jose)
NAGHANDOG ang Lokal na Pamahalaan ng Malabon ng walong sasakyan para sa deployment ng libreng sakay upang matiyak ang kaligtasan at kaginhawahan ng mga commuter sa tatlong araw na transport strike na idinaos ng isang transport group sa bansa mula Marso 24-26.
“Sa mga panahong tulad nito na may transport strike at inaasahang mababawasan ang mga bumabiyaheng sasakyan ay atin pong inihanda ang Libreng Sakay, upang masiguro na walang maaapektuhan na mga Malabueñong manlalakabay at masiguro ang kanilang kapakanan. Atin pong inaanyayahan ang lahat na agad na makipag-ugnayan sa amin kung may emergency o ibang pang tulong na kailangan,” ani Mayor Jeannie Sandoval.
Kabilang sa mga sasakyang ipinakalat ay 1 bus, 1 APV, 2 L300 Van, 1 truck, at 1 sports utility vehicle (SUV) mula sa General Services Department, 1 Troop Carrier mula sa MDRRMO at 1 tow truck mula sa Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO).
Sinabi ng PSTMO na ang mga sasakyan ay ipapakalat sa mga lugar na higit na maaapektuhan at kung saan iuulat ang mga insidente ng mga stranded na pasahero.
Magtatalaga din umano ang mga miyembro ng Bureau of Fire Protection at Philippine National Police-Malabon ng mga tauhan sa iba’t ibang bahagi ng lungsod para sa pagmomonitor at pagbibigay ng seguridad sa mga residente.
Samantala, magsasagawa rin ng monitoring ang mga barangay officials sa kanilang mga lugar at magpapakalat ng mga available na sasakyan kung kinakailangan.
Sinabi ng PSTMO na titiyakin din ng mga miyembro ng Malabon Jeepney Transport Services (MAJETSCO) na 60 modernong jeepney ang iikot sa lungsod habang ang mga driver at operator ng mga tricycle at minibus ay magpapatuloy sa kanilang operasyon.
Ibinahagi rin nito na ang lungsod ay hindi naapektuhan ng huling apat na transport strike na ginanap ng magkakaibang transport groups noong nakaraang taon.
“Sikisikap po nating hindi mahirapan ang mga manlalakabay sa kanilang pagpunta sa kanilang paroroonan sa loob ng ating lungsod. Paalala po sa lahat na tayo, ang pamahalaang lungsod, ay naririto upang umalalay sa inyo,” pahayag ni City Administrator Dr. Alexander Rosete. (Richard Mesa)
PINALAGAN ang Malakanyang ang ginawang paghahambing ni Vice-President Sara Duterte sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte kay dating Senador Benigno ” Ninoy” Aquino.
Napaulat kasi na bahagi ng naging talumpati ni Vice-President Sara Duterte sa meet-and-greet event na inorganisa ng Duterte supporters sa Het Malieveld The Hague, Netherlands ay ang naging tugon nito sa kanyang ama nang tanungin siya kung maiuuwi pa siya ng Pilipinas.
“Magiging Ninoy Aquino Jr. ka…” ang babala ni VP Sara sa kanyang ama na si dating Pangulong Duterte sabay sabing maaaring magaya ito kay dating Senador Ninoy Aquino kung pipilitin pa rin nitong umuwi sa Pilipinas
Para sa Malakanyang, si Adolf Hitler ang katulad ng dating Pangulo.
Ani Castro, mismong ang dating Pangulo ang nagkumpara sa kanyang sarili kay Hitler noong kasagsagan ng kanyang kampanya sa illegal na droga.
Ipinagmalaki pa aniya ni dating Pangulong Duterte noon na kung mayroong tatlong milyon an na-massacre si Hitler, mayroon din tatlong milyong drug addicts sa Pilipinas, at masaya aniya siyang katayin ang mga ito.
Sinabi ni Castro na napakalayong ikumpara si Duterte kay dating Pangulong Beninno Aquino dahil walang record ito ng mass murder taliwas sa dating Pangulong Duterte na maraming naitalang extra judicial killings sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Nauna rito inihayag ni VP Sara sa kanyang talumpati sa mga nagtipon-tipong supporters ng dating Pangulo sa The Hague ang kagustuhan ng kanyang ama na umuwi sa Pilipinas subalit nangangamba aniya ito na baka maging katapusan niya ito tulad ng nangyari kay Ninoy Aquino na pinatay pagdating sa paliparan.
Napaulat na sinabi ni dating Pangulong Duterte na handa siyang mag-ala Hitler kaugnay sa laban ng pamahalaan kontra illegal na droga.
Ani Digong Duterte kung si Adolf Hitler ay nag-massacre ng tatlong milyong Jews, masaya siyang patayin ang tatlong milyong adik sa Pilipinas.
Ani Digong Duterte , kung merong Hitler noon ang Germany, mayroon namang kagaya niya ang Pilipinas.
Sinabi ni Digong Duterte na ito ang nakikita niyang solusyon para matuldukan na ang problema sa ilegal na droga at maisalba ang susunod na henerasyon.
“Hitler massacred three million Jews. Now there is three million, there’s a three million drug addict. There are. I’d be happy to slaughter them. At least if Germany had Hitler, the Philippines would have you know, my victims, I would like to be all criminals to finish the problem of my country and save the next generation from perdition,” ayon sa dating Pangulo.
Ang nasabing pahayag ni Digong Duterte ay muling nag-headline sa international media.
Sa artikulo ng Reuters, nakasaad na inihalintulad ni Duterte ang kaniyang sarili kay Hitler at nais pumatay ng milyun-milyong adik.
Ganoon din ang balita ng Reuters, Telegraph, CNBC at Washington Post.
(Daris Jose)
NAGBIGAY ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ng mga libreng medical at legal services para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) ng Caloocan City Jail.
Umabot sa 150 PDL ang nakinabang ng libreng dental at dermatological health services na isinagawa ng City Health Department (CHD) at ng Caloocan City Medical Center (CCMC), kabilang ang mga konsultasyon at libreng gamut na layuning protektahan at ihanda ang pisikal na kagalingan ng mga bilanggo, lalo na laban sa mga komplikasyon ngayong tag-init.
Nagpasalamat sa mga tauhan ng kulungan at city health workers para sa matagumpay na inisyatiba si Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan at muling iginiit na ang kanyang administrasyon ay nananatiling matatag sa pagtiyak na ang hustisya at karapatang pantao ay lubos na napoprotektahan.
“Lubos tayong nagpapasalamat sa lahat ng mga tumutulong sa ating pamahalaang lungsod na bigyan ng kalinga ang ating mga PDL. Batid po natin na kasalukuyan man po silang naka-detain ngayon dahil sa kanilang mga kinakaharap, pinahahalagahan pa rin po natin ang kanilang mga karapatan at kalusugan bilang mga mamamayan,” ani Mayor Along.
“Pantay-pantay na pangangalaga po para sa ating mga mamamayan ang lagi nating tinitignan, ngunit tinitiyak din natin ang kapakanan at kalusugan ng mga nasa vulnerable sectors ang mas nabibigyan natin ng prayoridad matugunan ang kanilang mga pangangailangan,” dagdag niya.
Samantala, nagbigay din ang pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng City Legal Department (CLD) ng libreng serbisyong legal sa mga babaeng PDL bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Kababaihan.
Bukod dito, nakatanggap din sila ng food packs at hygiene kits.
“Pinasasalamatan ko po ang mga abogado natin mula sa CLD sa pangunguna sa isang makabuluhang aktibidad na nagbibigay ng pag-asa para sa ating mga kababayan lalo na ngayon na ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Kababaihan,” pahayag ng alkalde. (Richard Mesa)
TULUYAN ng ipagbabawal ng Bureau of Immigration (BI) sa mga deportation flights na may kaugnayan sa POGO related crimes na mag – layovers ang mga puganteng dayuhan.
Nakasaad sa BI Board of Commissioners Resolution No. 2025-002 na may petsang March 21, 2025, na lahat ng mga dayuhan na ipapa-deport na may kaugnayan sa POGO ay ilalagay sa direct flights sa kanilang bansa maliban kung walang direktang ruta mula sa PIliinas.
“This is unchartered territory since we started mass deportations and arrests this year in compliance with President Ferdinand ‘Bong Bong’ Marcos’ declaration of a POGO ban,” ayon kay BI Commissioner Joel Viado.
“The discussions during senate hearings allowed us to hear other perspective that we have included in our discussions. This is a firm step in strengthening our deportation procedures. Removing direct flights for POGO-related foreign nationals would lower opportunities of them expanding their operations in other countries in the Asian region,” dagdag pa nito.
Ang hakbang na ito ay bunsod sa pagsusulong nina Senators Risa Hontiveros at Sherwin Gatchalian nang mas mahigit na panuntunan sa mga high-profile criminals para manitpulahin ang deportation protocols.
Pinasalamatan naman ni Viado ang mga mambabatas na tumulong sa pagsulong ng repormang ito kaya nakipag-koordinasyon na rin sila sa Department of Justice (DOJ) at sa mga airlines at dayuhang embahada na ipatupad ang nabanggit na direktiba.
“Pinapakita ng polisiyang ito na seryoso ang pamahalaan sa pagsugpo ng transnational crimes at pagpapalakas ng seguridad ng ating bansa. Hindi natin papayagan ang mga dayuhang kriminal na samantalahin ang ating sistema. Ang ating mensahe ay malinaw—kung ikaw ay lumabag sa batas, sisiguraduhin namin na tuluyan kang mapapalabas ng Pilipinas nang walang pagkakataong mapalawak ang inyong sindikato,” ayon pa kay Viado. (Gene Adsuara)
NAKATAKDANG ikasa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa buwan ng Hulyo ang pilot test para sa unified persons with disability identification system.
Matatapat ito sa pagsisimula ng National Disability Rights Week.
Sinabi ni DSWD Assistant Secretary for International Affairs and Attached Supervised Agencies Elaine Fallarcuna na ang pilot testing ay tatakbo mula July hanggang December 2025, kabilang ang 32 local government units sa buong bansa at saklaw ang 200,000 PWDs.
Inaasahan naman ang ganap na implementasyon sa 2026.
“For the last week of June, since there will be a 90-day period to develop the system, we will present it to the Secretary. And then hopefully, by the time that we will celebrate the National Disability Rights Week, the unified ID system will be launched,” ang sinabi ni Fallarcuna.
Layon ng inisyatiba ang masugpo ang paglaganap ng fake PWD IDs, P88.2 billion ang nawala sa buwis. Inanunsyo ito ng mga opisyal mula sa DSWD, National Council on Disability Affairs, at Bureau of Internal Revenue (BIR) sa isinagawang Philippine Information Agency press conference.
Binigyang diin ni Fallarcuna na ang inisyatiba ay naka-ayon sa commitment ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ayusin ang kapakanan ng mga PWD.
Sa bagong ID system, pagsasama-samahin ang mga advanced security feature gaya ng QR codes at pagkakaugnay sa Philippine Identification System para mapigilan ang unauthorized access sa mga benepisyo.
Ipakikilala rin nito ang self-registration feature at digital ID generation para sa streamlined processing.
Nagtatag naman ang NCDA ng isang Data Management Unit para pangasiwaan ang ID issuance.
Sa kabilang dako, binigyang diin naman ni BIR Commissioner Atty. Romeo Lumagi Jr. ang financial impact ng mapanlinlang na PWD IDs, binigyang-diin ang maling paggamit na hindi lamang mauuwi sa tax evasion kundi maging kawalang galang sa lehitimong PWDs.
Hinikayat naman nito ang mga establisimyento na iberipikang mabuti ang authenticity ng ID bago pa magkaloob ng discounts.
Sa ilalim ng batas, ang PWDs ay “entitled to a 20% discount on essential goods and services, including medical fees, transportation, and lodging.”
Ang maling paggamit ng mga nasabing benepisyo ay makaaapekto sa kita ng pamahalaan.
Upang suportahan ang implementasyon ng sistema, binuo ang isang technical working group para magplano o magbanghay ng Joint Memorandum Circular sa pagitan ng Department of the Interior and Local Government, DSWD, at Department of Health.
“The NCDA board approved the creation of the technical working group on the development of the policies in relation to the implementation of the unified ID system,” ang winika ni Fallarcuna.
Pangangasiwaan din ng grupo ang pag-amiyenda sa administrative order na magsisilbing gabay sa pagpapalabas ng PWD ID.
Layon ng mga hakbang na ito na ibalik ang integridad ng PWD ID system, tiyakin na hindi lamang eligible individuals ang makatatanggap ng benepisyo habang pino-protektahan ang government funds. (Daris Jose)
DAPAT maglaan ng mas malaking pondo ang pambansang gobyerno upang mapabuti ang kakayahan ng mga ahensyang nagpapatupad ng batas laban sa cybercrime, lalo na sa patuloy na pagdami ng mga kaso ng cybercrimes tulad ng paggawa at pagpapalaganap ng fake news, ayon kay senatorial candidate Benjamin “Benhur” Abalos, Jr.
Binigyang-diin ni Abalos ang pangangailangang mamuhunan sa teknolohiya at pagsasanay ng mga cybercops sa Pilipinas, dahil hindi na lamang sa mga tahanan at lansangan nagaganap ang krimen, kundi pati na rin sa cyberspace.
Ibinahagi rin niya ang datos mula sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG): “There was a time na ang biggest crime natin was theft. Historically it was theft, but it was overtaken by cybercrimes.”
Sa kaso ng pagpapalaganap ng fake news, inalala rin ni Abalos ang pagkakataon kung saan kanyang ipinatawag ang Philippine National Police (PNP) upang beripikahin ang isang social media post tungkol sa diumano’y naganap na pagnanakaw sa Quezon City, na nagbigay ng masamang impresyon sa kalagayan ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.
Lumabas sa imbestigasyon na ang nasabing pagnanakaw ay nangyari pito (7) taon na ang nakalilipas, ngunit pinalabas ng nag-upload na ito ay bagong insidente.
Dahil dito, binigyang-diin ni Abalos na dapat pagtuunan ng pansin ng pambansang gobyerno hindi lamang ang pagpapabuti ng teknolohiyang magbibigay ng kalamangan sa mga tagapagpatupad ng batas laban sa mga cybercriminal, kundi pati na rin ang pagsasanay ng mga eksperto sa digital na teknolohiya.
“Right now what is important, ibaba hanggang sa level ng bawat city, bawat munisipyo yung technological expertise nito. Ang problema natin ngayon is that yung unit na ito, mga pulis. So, dapat magkaroon ng non-uniformed personnel na i-train ng husto at i-update sa technology. So, if ever talagang dapat pondohan ito para yung response hindi lamang sa Crame, hanggang doon sa pinakababa,” saad ni Abalos sa isang press briefing matapos ang campaign sortie ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas campaign rally sa Cavite.
Bagama’t may mga kasalukuyang hakbang na ginagawa para rito, sinabi ni Abalos na kinakailangan ng isang maaasahang sistema ng suporta sa badyet upang maisakatuparan ito. Ipinangako niyang ito ay magiging isang priyoridad sa Senado, dahil hawak ng Kongreso ang kapangyarihan sa paglalaan ng pondo.
“Actually ginagawa na nila ‘yan inuunti-unti pero ang hirap biglain lahat ito. It should be a continued development program na pwedeng pondohan ng husto,” saad ni Abalos.
“And definitely it is right na ngayon nangyayari that the laws are catching up with technology. ‘Yun ang nangyayari. Sa bilis ng teknolohiya our laws but must catch up with them,” saad ni Abalos. (PAUL JOHN REYES)