• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 10:55 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February, 2025

Task Force for Volcanic Eruptions, itinutulak ni PBBM

Posted on: February 24th, 2025 by Peoples Balita No Comments

NAKIKITA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pangangailangan na bumuo ng isang national task force na binubuo ng mga mahahalagang ahensiya ng pamahalaan, kasama ang local government units, para bumalangkas ng long-term redevelopment  plan para sa mga komunidad na apektado ng pagputok ng Bulkang Kanlaon.

 

Sa isinagawang situation briefing, binigyang diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan na pagsama-samahin ang mga pagtugon ng gobyerno at paghahanda sa natural disasters.

“Let’s decide what are the agencies that should be involved [in the task force]. And then sit down together with all the relevant agencies, and put together a plan,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa nasabing briefing.

Ipinag-utos naman ng Pangulo sa Office of the Civil Defense (OCD) na pangunahan ang national task force at itulak para sa pagtatayo ng permanent evacuation centers para sa displaced residents.

“Such centers must be located outside the six-kilometer danger zone,” dagdag na wika ng Pangulo.

Sa kasalukuyan, may 2,660 pamilya (8,509 indibiduwal) na na- displaced ng nagpapatuloy na volcanic eruption ang nasa 23 evacuation centers sa Western at Central Visayas.

May karagdagang 90,000 katao ang maaaring ilikas kung ang alert level ay itinaas sa alert level 4, ayon kay Science and Technology Secretary Renato Solidum Jr.

Bago pa ang briefing, namahagi ang Pangulo ng tulong sa mga biktima ng kalamidad.

Samantala, 12,632 pamilya (48,528 indibiduwal) sa 28 lungsod at munisipalidad sa Western Visayas. Nagbigay naman ang gobyerno ng P95.6 million na tulong at nag-prepositioned ng P144.04 million na halaga ng relief supplies para sa mga apektadong lugar.

(Daris Jose)

Pagkakaalis sa ‘Grey list’, makapagpapalakas sa foreign investment sa bansa- Malakanyang

Posted on: February 24th, 2025 by Peoples Balita No Comments

MALUGOD na tinanggap ng Malakanyang ang desisyon ng Paris-based Financial Action Task Force (FATF) na alisin ang Pilipinas mula sa listahan ng ‘jurisdictions notorious’ para sa pagiging safe havens ng money laundering at terrorism financing.

Kasunod ng three-day plenary nito, inanunsyo ng FATF na hindi na kasama ang bansa sa sinusubaybayan para sa dirty money, halos apat na taon na simula na makasama ito sa tinatawag na “grey list.”

“Our well-earned exit from the Financial Action Task Force’s (FATF) grey list boosts our drive to attract job-creating, growth-inducing foreign direct investments,” ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin sa isang kalatas.

 

 

“For so long, our investment attractiveness has been dragged down by this dirty money haven label,” ang sinab pa rin ni Bersamin.

Aniya pa, ang pagkakaalis ng Pilipinas mula sa “grey list” ay nagresulta mula sa multiple moves “to finally dismantle structures that could be exploited by money launderers and terrorism financiers.”

 

 

Ang pagkakaalis ng bansa mula sa grey list ay malapit na rin dumating sa dalawang taon matapos na ipalabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Kr., ang isang Executive Order (EO) No. 33 noong Hulyo 2023.

Ang EO ay nagsilbi bilang roadmap para sa pagtugon ng action plan na ipinatupad ng FATF.

“This seal of good financial housekeeping benefits overseas Filipinos as it would make cross-border transactions faster and cheaper as layers of compliance barriers are removed,” ang sinabi ni Bersamin.

 

 

“This hard-fought administration win in its battle against money laundering will be preserved and protected through consistent compliance with global standards,” ang sinabi pa rin nito.

Samantala, inilarawan naman ni Finance Secretary Ralph Recto ang desisyon ng FATF bilang “a significant step for the country to secure a credit rating upgrade under the Marcos Jr. administration.”

 

 

“By upholding the highest standards of financial governance, we will attract more foreign direct investments and expand more trade partnerships that will help accelerate economic growth. With this momentum, our next goal is clear—a credit rating upgrade within the Marcos Jr. administration,” ang sinabi ni Recto.

Ang Department of Finance (DOF), sinabi ni Recto ay may mahalagang papel sa tagumpay na ito bilang isang miyembro ng National Anti-Money Laundering/Counter-Terrorism Financing/Counter-Proliferation Financing Coordinating Committee (NACC), ang inter-agency body na responsable para sa pangangasiwa ng National AML/CTF/CPF Strategy (NACS) at paggabay sa implementasyon sa mga kaugnay na ahensya. (Daris Jose)

PAOCC, hiniling sa BI na ihinto na ang connecting flights kapag nagde-deport ng mga POGO worker

Posted on: February 24th, 2025 by Peoples Balita No Comments

HINILING ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Bureau of Immigration na pigilan ang mga manggagawa ng gaming operators na lisanin ang bansa sa pamamagitan ng connecting flights.

Ang katwiran ng PAOCC, may ilang tumatakas sa proseso ng deportasyon.

Sinabi ni PAOCC Spokesperson Winston Casio, hindi sila papayag na magkaroon pa ng transit flights mula Pilipinas.

“Pinagbigay alam namin ‘yan sa Immigration. Yung ibang Chinese matatalino, kumukuha ng ticket for deportation. Manila-Kuala Lumpur, Manila-Macau-Shanghai. Pagdating ng Macau, pagdating ng Kuala Lumpur, hindi na pumapasok sa connecting flight pauwi sa China. Bawal yun. As far as China is concerned, ang kailangan ay direct flight,” ang sinabi ni Casio.

“We made a plea with the Bureau of Immigration. The unit that deports… We made a plea to them, do not allow transit flights for deportation if it is via voluntary deportation, via departure, or via summary deportation especially if they are Chinese,” aniya pa rin.

Ang gobyerno aniya ng Tsina ay mayroong extraterritorial provision na nagsasaad na ang kanilang mga mamamayan ay makagagawa rin ng kahalintulad na krimen at daranas ng consequences kahit pa nakagawa sila ng krimen ng pagsusugal sa labas ng kanilang bansa.

“Kapag nag-iimbestiga sila sa China, kung anumang resulta ng kanilang imbestigasyon binabalik nila sa commission. Binibigyan nila kami ng copy ng report kaya nahahabol namin dito sa Pilipinas ang kanilang mga boss. It’s very important that they should be set back directly to China,” ani Casio.

Nauna rito, sinabi ng PAOCC na gumasta ito ng P210 milyong piso sa nakalipas na dalawang taon para sa detensyon ng mga manggagawa ng Philippine Offshore Gaming Operators na inaresto mula nang magsimula ang paglansag dito (POGO) noong 2023.

“As of February 14’, may 12 kaso ang isinampa laban sa POGO personalities, habang 8 na ibang kaso naman ang sumasailalim sa preliminary investigation, base sa data mula sa PAOCC.

Samantala, sinabi ng ahensiya na naghahanda na ito ng 13 iba pang kaso na iniuugnay sa illegal gambling operations sa bansa. (Daris Jose)

Sa harap ni PBBM: Veteran journalist na si Jay Ruiz, nanumpa na bilang bagong hepe ng PCO

Posted on: February 24th, 2025 by Peoples Balita No Comments

OPISYAL nang nanumpa sa harap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Veteran journalist na si Jay Ruiz bilang bagong Kalihim ng Presidential Communications Office (PCO).

Pinalitan ni Ruiz si dating PCO Acting Secretary Cesar Chavez na nagbitiw sa tungkulin matapos aminin na nagkulang siya sa kung ano ang dapat asahan sa kanya.

Nagsumite si Chavez ng kanyang irrevocable resignation kay Pangulong Marcos Jr. noong nakaraang Pebrero 5, 2025.

Sa kabilang dako, sa pakikipag-usap sa mga mamamahayag, nangako naman si Ruiz na lalabanan ang disinformation at ipalalaganap sa publiko ang mga proyekto ng administrasyong Marcos.

Samantala, itinalaga at nanumpa naman si Atty. Claire Castro bilang  Undersecretary ng PCO na may karagdagang tungkulin bilang  Palace Press Officer. (Daris Jose)

LTO, mahaharap sa P1.27-B disallowance na may kinalaman sa online portal system project- COA

Posted on: February 24th, 2025 by Peoples Balita No Comments

IPINAG-UTOS ng Commission on Audit (COA) sa Land Transportation Office (LTO) na tugunan ang audit findings kaugnay sa proyekto nito kasama ang Dermalog o mahaharap ito sa disallowance of payments na nagkakahalaga ng P1.27 billion.

Ang Dermalog – isang German information technology contractor – ang nasa likod ng online portal Land Transportation Management System (LTMS) ng ahensiya.

 

Sa isang liham na ipinadala ng COA na may petsang Nov. 29, 2024, nakasaad na ang notice of suspension ay tumutukoy sa Road IT Infrastructure Project – Component A o LTMS ng LTO.

 

“The Audit Team has yet to receive the complete compliance and/or justifications from the Management on these noted observations/issues on the aforesaid [Audit Observation Memorandum],” ang mababasa sa liham para sa LTO.

“On May 21, 2024 and November 26, 2024, the Audit Team issued two follow-up letters to the LTO but still no response has been given by Management as of this date, hence, the issuance of this Notice of Suspension,” dagdag pa nito.

Sinabi ng COA na sinuspinde nito ang pag-audit ng ilang items sa LTMS project sa pagitan ng 2019 at 2022 matapos na ang LTO di umano’y hindi nagsumite ng tugon nito sa AOM.

Ang natuklasan ay base sa assessment ng 13 Technical Evaluation and Inspection Reports (TEIRs) na may petsang mula March 13 hanggang September 13, 2023.

 

Natuklasan din ng COA na mayroong “incomplete submission of documents, non-compliance with contract requirements, and issues on data and linkages.”

“Items suspended in audit, which are not settled within 90 days from receipt hereof shall become a disallowance pursuant to Section 82 of P.D. 1445 and COA Circular No. 2009-006 dated September 15, 2009, prescribing the Rules and Regulations on Settlement of Accounts,” ang nakasaad sa liham.

 

 

Kinokonsidera naman ang LTMS bilang cornerstone ng five-year IT modernization program ng LTO upang maging episyente ang ahensiya at bigyan ang mga kliyente ng kaginhawaan sa online service.

“The system’s portal is a one-stop online shop that seeks to integrate all LTO services in a single contact-less database system and digital platform,” ayon sa ulat.

Matatandaang, Marso ng nakaraang taon, sinabi ng LTO na pinag-aaralan nitong mabuti ang posibilidad na magpapawalang bisa sa kontrata sa Dermalog. (Daris Jose)

Pinas, Japan pinag-usapan ang pagpapalakas ng bilateral defense cooperation

Posted on: February 24th, 2025 by Peoples Balita No Comments

NAGPULONG sina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at kanyang Japanese counterpart na si Gen Nakatani, araw ng Lunes para pag-usapan at galugarin ang mga paraan para isulong ang strategic defense partnership ng dalawang bansa.

“The visit is the best proof that bilateral relations, to include defense and security relations between Japan and the Philippines, are robust, enduring and strong,” ang sinabi ni Teodoro sa kanyang opening remarks sa isinagawang ministerial meeting.

“We look forward to the discussions into even enhancing our partnerships with the shared values of a rules-based international order, a free and open Indo-Pacific, a resilient Japan and the Philippines against unilateral attempts by China and other countries to change the international order and the narrative,” ang sinabi pa rin ng Kalihim.

Ang Pilipinas at Japan, kapwa long-time allies ng Estados Unidos, may malakas na paninindigan laban sa pagpupumilit ng Tsina ng territorial claims nito sa rehiyon, kabilang na ang South China Sea at East China Sea.

Isang reciprocal access agreement (RAA) sa pagitan ng Maynila at Tokyo ang kasalukuyang naghihintay ng ratipikasyon sa Japan, na magbibigay ng basehan para sa kooperasyon sa pagitan ng mga tropa ng dalawang bansa, kahalintulad ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

“As the regional and international security environment have become increasingly complex and intensified, there is an increasing need for Japan and the Philippines to further enhance defense cooperation and collaboration,” ang sinabi naman ni Nakatani sa kanyang opening remarks.

“Under such harsh security environment, I look forward to a deep strategic discussion with you from the broader perspective,” dagdag na wika nito.

 

 

Nauna rito, araw ng Linggo, magkasamang binisita nina Teodoro at Nakatani ang pangunahing military bases sa Luzon.

Binigyan naman si Nakatani ng guided tour ng operational capabilities at nagpapatuloy na defense initiatives sa Basa Air Base sa Floridablanca, Pampanga.

Ininspeksyon din ng dalawang defense leaders ang fuel storage facility, air missile defense system training centers, hangars, at FA-50PH flight simulator sa air base.

 

 

Binisita rin ng mga ito ang Wallace Air Station sa San Fernando, La Union, kung saan ikinabit ang unang fixed air surveillance radar system mula sa Japan.

Ang air surveillance radar system ay bahagi ng radar project ng Philippine Air Force (PAF) na mayroong Japanese electronics firm Mitsubishi Electric Corporation na nagkakahalaga ng P5.5 billion para sa apat na radar units—tatlong fixed at isang mobile.

 

 

Ang mobile radar platform ay pansamantalang inilagay sa Wallace Air Station.

“Any radar system right now, given we have an archipelagic country, is important because the domain extends far beyond our land borders and we have to know if there is any activity within our EEZ… We definitely need to acquire more radars,” ang sinabi ni Teodoro.

Tinuran pa ng Kalihim na “the radar systems will further develop, enhance and sustain the Philippines’ air and maritime domain awareness.”

 

 

“Domain awareness is extremely important so that we have a picture of what is happening on the airspace within our air defense identification zone,” ang sinabi ni Teodoro.

Samantala, sinabi ng PAF, isang panibagong fixed radar mula Japan ang inihatid sa Pilipinas nito lamang Enero ng taong kasalukuyan. Ang final technical inspection and acceptance (TIA) ng radar system ay nakatakda sa Mayo.

 

 

Ang huling fixed radar ay inaasahan na ihahatid sa fourth quarter ng taon. (Daris Jose)

DepEd, bumili ng 87M learning materials para sa alternatibong edukasyon

Posted on: February 24th, 2025 by Peoples Balita No Comments

BUMILI ang Department of Education (DepEd) ng mahigit sa 87 million learning modules at 74,492 tablets para suportahan ang mga mag-aaral sa buong bansa sa ilalim ng Flexible Learning Options (FLO) fund.

Sinabi ng DepEd na ang early procurement activities (EPA) ay mapakikinabangan ng mahigit sa 300,000 mag-aaral sa high-and medium-risk areas sa iba’t ibang lugar sa 16 na rehiyon, pagtiyak na mayroon silang kakailanganing gamit para ipagpatuloy ang kanilang edukasyon sa pamamagitan ng alternative modalities.

“These learning resources are designed to support learners who are studying independently, allowing them to learn at their own pace and make adjustments as needed,” ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara.

“We made a commitment to fast-track learning resources, and we are making good on that promise. EPA is more than just a procurement strategy. It is a game-changer in making sure no learner is left waiting,” dagdag na wika ng Kalihim.

Namahagi naman ang Bureau of Alternative Education (BAE) ng 2.975 milyong modules at 330,000 session guides sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Idagdag pa rito, may P115 million ang inilaan para makapagbigay sa mga rehiyon para sa pagpaparami ng locally developed modules, kabilang na rito ang 41 Accreditation and Equivalency (A&E) Elementary modules at 41 A&E Junior High School (JHS) modules.

Mahigit naman sa 300 Alternative Learning System (ALS) implementers ang dumaan sa specialized training, suportado ng UNESCO, upang masiguro ang epektibong gamit ng mga resources na ito.

Nag-aalok naman ang FLO program ng Alternative Delivery Modes (ADMs) at ALS.

”ADMs offer a menu of alternative learning delivery approaches and programs that cater to learners enrolled in the formal system but for various reasons are at risk of dropping out. It follows the K to 12 curriculum but does not follow the traditional classroom setup. It allows learning through modular distance learning, online distance learning, blended learning, the Open High School System, Night High School, Rural Farm School, and Homeschooling,” litanya nito. (Daris Jose)

BI, prayoridad ang agarang deportasyon sa mga naarestong POGO workers

Posted on: February 24th, 2025 by Peoples Balita No Comments

KASUNOD ng panawagan ni Pangulong  Ferdinand Marcos Jr., hinggil sa total ban ng  Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), tiniyak ng  Bureau of Immigration (BI) na madaliin ang pagpapa-deport sa mga dayuhan na sangkot sa illegal operations.

Paliwanag ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na ang mabilis na pagpapa-deport sa kanila ang prayoridad ng ahensiya habang klinaro din ang paggamit ng ticket na may flights para sa kanilang  deportation.

 

“The longer they stay in the country waiting for schedules, the longer the government shoulders the cost of their detention,” ayon kay Viado.

“We take whatever is available because our priority is to send them out of the country at the soonest possible time.”

Paliwanag na Viado na ang  deportation procedures ay nangangailangan ng tatlong mahahalagang dokumento;  isang valid passport o  travel document, isang National Bureau of Investigation (NBI) clearance upang masigurong waang  pending accountability, at  outbound ticket.

Upang mapabilis ang proseso, nakipag-coordinate ang  BI  Deportation and Implementation Unit sa NBI para mapabilis ang pagpoproseso ng clearances sa loob lamang ng isang araw.

“We all want the same thing—for them to leave our country as quickly as possible,” ayon kay Viado.

 

Binigyan diin ng BI ang naunang kaso noong Enero kung saan grupo ng mga deportees ang mabilis na napauwi sa kanilang bansa sa loob lamang ng isang linggo  na patunay lamang ang commitment ahensiya para sa mabilisang deportasyon.

 

“If we can do it fast, we will find ways to do it even faster,” ayon pa kay Viado. (Gene Adsuara)

2 drug suspects, timbog sa pagbinta ng droga sa pulis sa Malabon

Posted on: February 24th, 2025 by Peoples Balita No Comments

HINDI inakala ng dalawang bagong indentified drug pushers, kabilang ang 36-anyos na dalaga na pulis pala ang kanilang nabintahan ng shabu makaraang maaresto sila sa buy bust operation sa Malabon City.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan ang naarestong mga suspek na sina alyas “Mark”, 47, ng Brgy. Dampalit at alyas “Paula”, ng Marilao Bulacan.

Ayon kay Col. Baybayan, ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa koordinasyon sa PDEA ang buy bust operation nang nagawang makipagtransaksyon kay alyas Mark ang isa sa mga operatiba ng SDEU.

Dakong alas-4:11 ng madaling araw nang sunggaban ng mga tauhan ni Col. Baybayan ang mga suspek matapos magsabwatan na bintahan ng droga ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa M. Sison St., Brgy. Dampalit.

Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 11.10 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P75,480 at buy bust money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5, 26 at 11 sa ilalim ng Article II ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Pinuri P/Col Josefino Ligan, Acting District Director ng Northern Police District, ang Malabon police sa kanilang mabilis at estratehikong pagpapatupad ng operasyon. (Richard Mesa)

Kelot na nanggulo sa bilyaran habang armado ng baril sa Caloocan, kalaboso

Posted on: February 24th, 2025 by Peoples Balita No Comments

BINITBIT sa selda ang isang lalaki na taga-Manila matapos dumayo at manggulo habang armado ng baril sa isang bilyaran sa Caloocan City.

Sa pahayag sa pulisya ng mga saksi, bigla na lamang umanong nakialam ang 24-anyos na suspek na si alyas “Boy Siga” sa mga naglalaro ng bilyar sa M. Austria Street, Barangay 88, saka bumunot ng baril na nagdulot ng takot sa mga tao sa lugar.

Agad namang humingi ng tulong ang isang concerned citizen sa mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals na mabilis namang rumesponde sa nasabing lugar.

Sa tulong ng mga saksi, nakita ang baril ng suspek na isang kalibre .40 pistola na kargado ng bala at nang wala siyang naipakitang mga dokumento hinggil sa ligaledad nito ay pinosasan siya ng mga pulis saka binitbit.

Ayon kay Col. Canals, sasampahan nila ang suspek ng kasong paglabag sa Article 155 of the Revised Penal Code (Alarm and Scandals), RAct 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at Batas Pambansa 881 (Omnibus Election Code) sa Caloocan City Prosecutor’s Office.

Pinapurihan ni PCOL Josefino Ligan, Acting District Director ng NPD ang mabilis na aksyon at dedikasyon ng mga tauhan ni Col. Canals na binibigyan-diin ang kanilang pangako para sa pagpapanatili ng kaligtasan ng komunidad. (Richard Mesa)