• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 1:35 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February, 2025

Dayuhang huli sa POGO raid, sumailalim sa inquest proceedings sa DOJ

Posted on: February 26th, 2025 by Peoples Balita No Comments

SUMAILALIM na sa inquest proceedings sa Department of Justice noong Pebrero 24 ang mga naarestong dayuhan sa pagsalakay sa offshore  gaming  operations sa ATI Building  sa tapat ng PITX Terminal sa Paranaque City, ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission.

 

“Na-inquest na po natin yung mga foreign nationals na nagpapatakbo ng POGO hub dito sa PITX. And, 20 foreign nationals ang kinasuhan namin dun,” ayon kay  PAOCC Director Undersecretary Gilbert Cruz.

 

Ang mga suspek ay kinasuhan ng qualified trafficcking, ayon kay Cruz.

 

“Makikita mo naman na talagang sila ang nag facilitate nung mga nagtatrabaho sa POGO hub na ito para mag-work ng matagal. Yung ginagawa nila, marami silang violation, bukod dun sa mga dokumento na kulang-kulang na pinakikita nila, and yung pagpapatakbo ng isang POGO hub na wala namang kaukulang mga papeles,” aniya.

Ilang Pinoy na suspek ang kinasuhan habang ang iba ay pakakawalan base sa rekomendasyon ng piskal.

Ayon sa PAOCC, sa  kabuuang  465 indibidwal,  146 ay banyaga at 319 Pilipino, ang nahuli sa raid noong Pebrero 20. (Gene Adsuara)

Bebot na wanted sa droga sa Manila, nalambat sa Navotas

Posted on: February 26th, 2025 by Peoples Balita No Comments

NALAMBAT ng mga operatiba ng Northern Police District – District Special Operations Unit (NPD-DSOU) ang 35-anyos na bebot na wanted sa droga matapos ang ikinasang manhunt operation sa Navotas City.

Ayon sa DSOU-NPD, nakatanggap sila ng impormasyon na naispatan sa Brgy. NBBN ang presensya ng akusado na kabilang sa mga talaan ng mga ‘Most Wanted Persons’ sa Lungsod ng Manila.

Agad bumuo ng team ang DSOU saka ikinasa ang manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-2:20 ng hapon sa Road 10, Barangay NBBN, Navotas City.

Dinakip ng mga operatiba ng DSOU ang akusado sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag sa Section 11(3) ng Article II ng RA 9165 na inisyu ni Presiding Judge Maria Bernardita J. Santos, ng RTC Branch 35, Manila, noong December 22, 2014, na may inirekomendang piyansa na P120,000.00.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa DSOU-NPD Custodial Facility Unit habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman.

Binati ni P/COL Josefino Ligan, Acting District Director ng NPD ang dedikasyon at tiyaga ng mga operatiba sa pagtugis sa mga pugante na nauugnay sa krimen

“This operation showcases the unyielding dedication of our personnel in the pursuit of justice for victims. We are resolute in our mission to intensify initiatives aimed at safeguarding our communities.”. pahayag niya. (Richard Mesa)

Kelot, isinelda sa kinulimbat na mga gadgets

Posted on: February 26th, 2025 by Peoples Balita No Comments

KALABOSO ang 22-anyos na part-time worker ng isang bodega ng iba’t-ibang produkto nang kanyang tangayin sa tanggapan nito ang mga gadgets sa Valenzuela City.

Ani Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban, natuklasan ng Human Resource Manager ng Surewin Household Corp. sa Malakas St., Brgy. Dalandanan na si alyas “ Ela”, 27, ang pagkawala ng dalawang laptop at dalawang cellular phone ng may kabuuang halagang Php105, 000.00 nang buksan niya ang kanilang opisina dakong ala-12:41 ng Linggo ng hapon.

Nang personal niyang rebisahin ang kuha ng CCTV ng kompanya, dito niya natuklasan na ang kanilang part-time na kawani na si alyas Ranuel ang tumangay sa mga gadgets kaya i-nireport niya ang insidente sa barangay.

Sunod na humingi siya ng tulong sa mga tauhan ng Police Sub-Station 6 kaya sinamahan siya ng mga tauhan ni SS6 Commander P/Capt. Doddie Aguirre sa Police Detective Unit ng Valenzuela police.

Sa ikinasang follow-up operation ng mga tauhan ni Col. Cayaban, nadakip ang suspek sa kanyang bahay sa Area 4, Pinalagad, Malinta dakong alas-2:35 ng madaling araw.

Pagnanakaw ang kasong inihain ng pulisya laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office matapos mabawi sa kanya ang mga gadgets na kanyang kinulimbat sa tanggapan ng naturang bodega. (Richard Mesa)

‘Boss’ ng mga tulak, kulong sa P5.1M droga sa Caloocan

Posted on: February 26th, 2025 by Peoples Balita No Comments

LAGLAG sa selda ang isang tulak ng droga na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) nang makuhanan ng mahigit P2.1 milyong halaga ng shabu sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, Lunes ng madaling araw.

Kinilala ni Northern Police District – District Drug Enforcement Unit (NPD-DDEU) Chief PLTCOL Timothy Aniway ang naarestong suspek na si alyas “Boss”, 54, residente ng Brgy. 176.

Sa kanyang ulat kay NPD Acting District Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Lt. Col. Aniway na positibo ang nakatanggap nilang impormasyon hinggil sa malakihan umanong pagbibenta ng shabu ng suspek.

Nang magawa ng isa sa kanyang mga tauhan na makipagtransaksyon sa suspek, agad bumuo ng team si Lt. Col. Aniway saka ikinasa nila ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA.

Agad sinunggaban ng mga operatiba ng DDEU ang suspek matapos tanggapin ang markadong salapi mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer dakong alas-4:47 ng madaling araw sa Phase 3, Package 2, Lot 1, Block 52, Barangay 176, Bagong Silang.

Nakumpiska ng mga operatiba ng DDEU sa suspek ng nasa 320 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P2,176,000 at buy bust money.

Sasampahan ng DDEU ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Articla II ng RA 9165  o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Pinapurihan ni Col. Ligan ang dedikasyon at pagsisikap ng mga operatiba sa kanilang pangako sa pagpuksa sa ilegal na droga at pagprotekta sa komunidad. (Richard Mesa)

‘Aleng Pulis’ ipinuwesto sa NCRPO

Posted on: February 26th, 2025 by Peoples Balita No Comments

INIHAYAG ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director PBGen. Anthony Aberin na ipupuwesto at pamumunuan na ng  mga ‘Aleng Pulis’ ang ilan sa mga  pangunahing posisyon  sa organisasyon.

Ayon kay Aberin, hindi na malilimita sa mga office work ang mga babaeng pulis at sa halip at isasabak na sa mga  key position sa NCRPO at  ipakikita ang kanilang  kakayahan pamunuan ang isang  division.

Nabatid na sinimulan na ni Aberin pagbabago matapos na ipuwesto ang isang babaeng opisyal sa Civil Disturbance Ma­nagement (CDM) kabilang ang elite SWAT teams.

Sinabi ni  Aberin na hindi rin matatawaran ang kakayahan ng mga babaeng pulis sa pagbibigay ng seguridad  sa publiko at maging sa buong bansa.

Hindi aniya usa­pin ang kasarian at sa halip ay kakayahan na ­ipatupad ang peace and order at serbisyuhan ang publiko sa oras ng pangangailangan.

Nasa 25,743 ang mga pulis sa NCRPO at ipinatutupad ang programang “Able, Active, and Allied” kung saan 19 porsiyento ang babae.

Pinas, nagdarasal para sa paggaling ni Pope Francis- PBBM

Posted on: February 26th, 2025 by Peoples Balita No Comments

NAKIISA ang Pilipinas at si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa natitirang bahagi ng mundo sa pagdarasal para sa paggaling at malakas na pangangatawan ni Pope Francis.

 

 

Nagpahayag ng kalungkutan si Pangulong Marcos sa kondisyon ni Pope Francis, na patuloy na nakikipaglaban sa pneumonia sa pareho nitong baga.

”Nakakalungkot na marinig ang malubhang karamdaman ni Pope Francis. Sa mga sandaling ito, kaisa tayo ng buong mundo sa panalangin para sa kanyang kalakasan at paggaling,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

”Nawa’y patuloy siyang patnubayan at palakasin ng Panginoon upang magpatuloy sa kanyang misyon ng pananampalataya at pagmamahal sa sangkatauhan,” dagdag na wika nito.

 

 

Sa ulat, patuloy na umaapela ng panalangin ang maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para kay Pope Francis matapos kumpirmahin ng Vatican na lumala ang kalagayan ng kalusugan nito, at ngayon ay nasa kritikal na kondisyon dahil sa sakit na pneumonia.

“Let us continue to pray for Pope Francis,” apela pa ng CBCP sa kanilang Facebook post.

 

 

Sa naturang paskil, ibinahagi rin naman ng CBCP ang pinakahuling update sa kalusugan ng Santo Papa, na inisyu ng Holy See Press Office dakong alas-7:07 ng gabi ng Sabado, Pebrero 22, oras sa Roma.

Ayon sa Vatican, patuloy na nasa kritikal na lagay ang Santo Papa at nakaranas pa ng asthma-like respiratory crisis na may prolonged intensity, at nangangailangan ng pagkakaloob ng high-flow ng oxygen.

Kinailangan din umanong isailalim siya sa blood transfusions matapos na makitaan sa kanyang blood tests ng thrombocytopenia, na dulot ng anemia.

 

 

Matatandaang Pebrero 14 nang i-confine sa Gemelli hospital sa Roma si Pope Francis dahil sa sakit na bronchitis ngunit malaunan ay nadiskubreng may pneumonia na ito sa magkabilang baga.

(Daris Jose)

Pagpapaliban ng halalan sa BARMM, mas maraming oras para tugunan ang Sulu exclusion concerns

Posted on: February 26th, 2025 by Peoples Balita No Comments

ISANG welcome development ang pagpapaliban sa unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dahil mabibigyan ng sapat na oras ang gobyerno nito para tugunan ang itinuturing na ‘pressing legal concerns’ ukol sa hindi pagkakasama ng Sulu sa BARMM.

Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang maging ganap na batas ang Republic Act 12123, na muling nagtatakda ng BARMM polls mula May 12 ay magiging Oct. 13 na ngayong taon.

“The passage of RA 12123 is a testament (to) the Marcos Jr. administration’s unwavering determination to fulfill the commitments made by the national government under all signed peace agreements, and bringing sustainable development and long-lasting peace to our Bangsamoro brothers and sisters,” ayon kay Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito Galvez Jr.

 

 

Tinanggap naman ni Galvez ang probisyon ng batas na pinapayagan ang kasalukuyang BARMM government na ipagpatuloy “to disburse Sulu’s share of the region’s Block Grant earmarked for 2025.”

Dahil dito, mapahihintulutan ang lalawigan na magpatupad ng mga programa alinsunod sa rules and guidelines ng Department of Budget and Management (DBM).

 

 

Sa ulat, pinal na idineklara ng Korte Suprema na ang lalawigan ng Sulu ay hindi kasama sa BARMM.

Ito ay matapos tanggihan ng Korte Suprema ang mga motion for partial reconsideration na inihain ng BARMM government, Office of the Solicitor General, at iba pa.

Layong baligtarin ng mga motion ang Desisyon ng Korte noong Setyembre 9, 2024, na nagbukod sa Lalawigan ng Sulu sa BARMM.

 

 

Ayon sa korte, ang desisyon ay final and immediately executory at hindi na nito papansinin ang anumang ihahaing pleading.

“The OPAPRU, together with its peace partners, join the Bangsamoro people as we gear up for the upcoming BARMM parliamentary election, which is another major milestone in the Bangsamoro peace process,” ang sinabi ni Galvez.

“With the resetting of the BARMM elections, the national and Bangsamoro governments can now focus on the main task at hand, and that is, to ensure the peaceful, credible, and orderly conduct of this landmark political exercise for the Bangsamoro people,” aniya pa rin.

Una nang naghain ng mga mosyon ang Bangsamoro Government upang maibalik ang lalawigan ng Sulu sa sakop ng Bangsamoro region.

Isinumite sa SC ng Bangsamoro Attorney General’s Office (BAGO) ang motion for leave to intervene at admit attached motion for partial reconsideration.

Sa motion for leave to intervene, nais ng Bangsamoro Attorney General’s Office na lumahok sa kaso kahit hindi ito orihinal na bahagi ng pagdinig.

 

 

Sinabi ni BAGO Officer-in-Charge Atty. Mohammad Al-Amin Julkipli na sa buong panahon na itinagal ng kaso ay hindi naging partido ang Bangsamoro autonomous region. (Daris Jose)

Pinas, tinitingnan ang Alaska bilang potensiyal na liquefied natural gas source

Posted on: February 26th, 2025 by Peoples Balita No Comments

KINOKONSIDERA ng Pilipinas na umangkat ng liquefied natural gas (LNG) mula Alaska kasabay ng pagtatakda ng Trump administration na muling buhayin at pasiglahin ang long-delayed USD44 billion gas pipeline project.

 

 

Nauna rito, nakuha naman ng Alaska ang suporta ni US PResident President Donald Trump na i- develop ang Alaska LNG project, maaaring mag-proseso at maghatid ng 20 milyong tonelada ng LNG taun-taon.

Layon ng proyekto na ikonekta ang gas fields mula northern Alaska sa daungan sa katimugan para sa liquefaction and export, pangunahin na sa Asian market.

“We plan to procure LNG from Alaska to meet our growing needs to develop our energy sector,” ang pinost ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez sa kanyang X account.

 

 

“Pres. (Ferdinand) Marcos (Jr.) hopes to discuss this and other matters of mutual benefit and interest for both our countries when he meets with Pres. Trump at the soonest possible time,” aniya pa rin.

Sa ngayon, walang tiyak na timeline subalit sinabi ni Romualdez na nagtutulungan ang dalawang gobyerno para magtakda ng bilateral meeting sa pagitan ng dalawang lider ngayong taon.

 

 

Winika pa ni Romualdez na ang alok ng Alaskan ay makatutulong sa bansa na maka-secure ng matatag ng suplay ng LNG maliban pa sa makuha ito sa isang ‘competitive price.’

“Similar to what Japan that made a commitment, we are prepared to make a commitment to be able to buy some of that LNG. This is being offered to us matagal na by US Senator Dan Sullivan (R-Alaska),” ang sinabi pa rin ni Romualdez.

 

 

“They have an abundant supply, so we might be able to get it very cheap—That’s what we are hearing from them that’s why we are considering it as part of our energy mix,” dagdag na wika nito.

(Daris Jose)

Palau President Whipps, dumating sa Palasyo ng Malakanyang para sa bilateral talk kasama si PBBM

Posted on: February 26th, 2025 by Peoples Balita No Comments

DUMATING sa Palasyo ng Malakanyang si Palau President Surangel Whipps Jr., araw ng Lunes, Pebrero 24, para sa bilateral meeting kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Mainit na tinanggap at sinalubong ni Pangulong Marcos at iba pang opisyal ng Pilipinas si Whipps sa Kalayaan Grounds.

Sa magiging pagpupulong ng dalawang lider, inaasahan na magpapalitan ng kuru-kuro ang mga ito, si Whipps hinggil sa pagpapalawak ng umiiral na bilateral cooperation hinggil sa palaisdaan, kalakalan, investment, connectivity at people-to-people ties.

Gagalugarin din ng mga ito ang mga bagong abenida o daan ng pagtutulungan, partikular na sa sektor ng kalusugan at sektor ng paggawa.

Pag-uusapan naman nina Pangulong Marcos at Whipps ang South-South cooperation, regional concerns at karaniwang mga adbokasiya sa multilateral arena.  (Daris Jose)

Mahigit $300-M tulong para sa modernisasyon ng military forces ng PH, exempted sa US foreign aid freeze

Posted on: February 26th, 2025 by Peoples Balita No Comments

INANUNSYO ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na in-exempt ng administrasyong Donald Trump ang $336 million pondo para sa modernisasyon ng military forces ng Pilipinas mula sa U.S. foreign aid freeze.

Ang naturang pahayag ay matapos ang isang pulong balitaan ngayong Lunes matapos kumpirmahin ni Romualdez na natanggap nila ang pahayag ng Estado Unidos tungkol sa exemption na ito.

Samantala ang $336 million ay bahagi ng $500 million na foreign military financing (FMF) na inaprubahan naman ng Kongreso ng Estados Unidos noong nakaraang taon sa ilalim ng administrasyong Biden.

Itinuturing naman ng embahada na ang desisyong ito ay isang mahalagang resulta sa pagsisikap ng bansa na matamo ang magandang alyansa sa Estados Unidos na nagpapakita aniya ng malalim na ugnayan ng gobyerno ng Pilipinas sa administrasyong Trump.

Kaugnay pa nito ang $500 million na military aid ay ipinagkaloob ng U.S. sa Pilipinas upang palakasin ang military forces ng bansa.

Ang naturang tulong ay nagpapakita lang ng bipartisan support mula sa Kongreso ng Estados Unidos na maituturing namang mahalaga para sa modernisasyon ng Philippine Armed Forces partikular sa maritime military forces ng bansa kasunod ng tumitinding tensyon sa China, na paulit-ulit na nanghaharas sa mga barko at eroplano ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Maaalalang pagupo ni US President Donald Trump sa White House noong buwan ng Enero ay iminungkahi na nito ang pag hinto sa mahigit $5.3 billion tulong para sa mga foreign aid ng bansa kasunod ng 90-araw na pagpataw nito ng ”pause” sa foreign development assistance ng bansa.

Kung kaya’t ang Pilipinas, kabilang si Foreign Secretary Enrique Manalo, ay humihiling ng paglilinaw mula sa US tungkol sa mga programang maaapektohan ng foreign aid freeze at nakipag-ugnayan din sa US tungkol sa mga destabilizing action ng China sa WPS. (Daris Jose)