HINIMOK ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang 21 barangay ng lungsod na lumahok sa Search for the Cleanest and Greenest Barangay Competition 2025 bilang bahagi ng patuloy nitong pagsisikap na labanan ang pagkalat ng dengue sa lungsod.
· ` “Kaligtasan at kalusugan ang prayoridad natin sa lungsod dahil kailangan ito sa patuloy nating pag-unlad. Kaya naman hinihikayat natin ang bawat barangay sa lungsod na lumahok sa ating Search for the Cleanest and Greenest Barangay upang ating mapanatili ang kalusugan ng bawat isa at mapigilan ang pagkalat ng dengue. Ating ipakita, ipamalas ang pagkakaisa bilang mga Malabueño at panatilihin malinis, maaliwalas, at maayos ang ating kapaligiran,” ani Mayor Jeannie Sandoval.
· Ipinaliwanag ni City Environment and Natural Resources Office (CENRO) OIC Mr. Mark Mesina. na ang kumpetisyon ay naglalayong ipakita ang pinakamahusay na kasanayan sa pamamahala ng basura, koleksyon, operasyon ng Materials Recovery Facilities (MRF), at ang paglilinis ng mga bangketa at kalsada mula sa mga sagabal.
· Layunin nito na magtatag ng matibay na pakikipagtulungan sa mga barangay, bumuo ng benchmarking data, kilalanin at gantimpalaan ang mga epektibong nagpapatupad ng Ecological Solid Waste Management, hikayatin ang mga residente na pangalagaan ang kanilang mga komunidad, at pagyamanin ang positibong relasyon sa pagitan ng pamahalaang lungsod, mga barangay, at mga residente.
· Ani Mesina, ang kompetisyon ay ilulunsad sa unang linggo ng Marso kung saan ang mga kalahok ay sasailalim sa parehong iskedyul at sorpresang monitoring, pagsusuri, at deliberasyon ng kanilang mga solid waste management practices, accomplishment reports, at kalinisan at kaayusan ng kanilang mga komunidad mula Abril hanggang Nobyembre.
· Ang mga nanalong barangay ay kikilalanin sa Disyembre at tatanggap ng cash prize: P1,000,000 para sa grand winner, P500,000 para sa unang pwesto, P250,000 para sa pangalawang pwesto, P150,000 para sa ikatlong pwesto, at P50,000 para sa ikaapat na pwesto.
· Ayon sa City Epidemiology and Surveillance Unit ng City Health Department, may 264 kaso ng dengue ang naitala sa Malabon noong Pebrero 24, 2025.
· Sinabi naman ni Mesina na patuloy ang isinasagawang synchronized clean-up drive ng mga tauhan ng city hall tuwing Biyernes, paglilinis sa mga estiro at declogging operations upang matiyak ang maayos na daloy ng drainage at maiwasan ang pagdami ng mga lamok sa stagnant water.
· “Sa pagpapatuloy natin ng pagsasagawa ng mga programa kontra dengue, nais nating maiparating sa ating kapwa Malabueño na maging concerned sa ating kapaligiran at kalikasan. Maaaring naririto nga ang pamahalaang lungsod at handang tumulong at magsagawa ng mga programa, ngunit ang pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan ng bawat komunidad ay magsisimula pa rin sa bawat residente,”. pahayag ni City Administrator Dr. Alexander Rosete. (Richard Mesa)