• October 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 23, 2025
    Current time: October 23, 2025 2:46 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February 19th, 2025

Valenzuela, pinaigting ang clean-up drive activities kontra dengue

Posted on: February 19th, 2025 by Peoples Balita No Comments
IPINAG-UTOS ni Mayor WES Gatchalian sa City Health Office (CHO) na magpatupad ng ilang mga aksyon upang mabawasan ang dumaraming kaso ng dengue sa Lungsod ng Valenzuela sa pamamagitan ng pagpapaigting ng clean-up drive activities, lalo na sa sampung barangay kung saan napansin ang maraming kaso.
Kabilang sa pag-alis at pagsira sa mga potensyal na lugar na pinag-iitlugan ng mga lamok, ay ang pagpapalakas sa pagsasanay at mga diskarte sa 5S (Search and Destroy, Self-Protect, Seek Consultation, Support Fogging in Outbreak Areas, at Sustain Hydration) sa komunidad na may mahigpit na lingguhang monitoring at evaluation ng opisina.
Mayroong 273 kaso ng dengue at tatlong pagkamatay ang naiulat sa lungsod sa pagitan ng Enero 1 hanggang Enero 31, 2025, na natanggap mula sa iba’t ibang mga institusyong nag-uulat. Mas mataas ito ng 101% kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon (136) kung saan karamihan ay natagpuan sa 10 barangay ng lungsod.
Mula Pebrero 1 hanggang Pebrero 17, 2025, may 83 kaso at walang pagkamatay ang naiulat na mas mataas ng 60% kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon (52%).
Nararamdaman pa rin ang pagdami ng kaso, kumpara sa bilang ng mga kaso mula Enero 1 hanggang 31, 2025, na mayroong pagbaba sa unang dalawang linggo ng Pebrero na ipinapahiwatig na epekto ng mga interbensyon.
Ang pagbaba ng mga kaso ay sa bisa ng mga interbensyon laban sa dengue fever. Gayunpaman, patuloy ang CHO sa pagsusumikap para bumaba pa ang mga kasong ito at mapuksa ang nakakamatay na sakit na ito. (Richard Mesa)

Higit 2K Navoteños, nakinabang sa Lab For All caravan

Posted on: February 19th, 2025 by Peoples Balita No Comments
MAHIGIT 2,000 Navoteños ang nakatanggap ng libreng serbisyong medikal at pangangalagang pangkalusugan sa LAB For ALL: Laboratoryo, Konsulta at Gamot Para sa Lahat caravan sa Navotas nitong Martes.
Ang LAB for ALL, isang inisyatiba na pinangunahan ni First Lady Louise Araneta-Marcos na naglalayong magbigay ng accessible at komprehensibong pangangalagang pangkalusugan at iba pang serbisyo ng gobyerno sa mga Pilipino sa buong bansa.
Sa panahon ng caravan, nag-avail ang mga residente ng medical consultations, laboratory tests, diagnostic procedures, at libreng gamot.
Nagpahayag ng pasasalamat si Navotas City Mayor John Rey Tiangco sa pagbisita ng Unang Ginang at sa kanyang pangako sa kalusugan ng publiko.
“We appreciate the First Lady’s efforts to bring essential healthcare services closer to the people. This initiative helps address the medical needs of our residents, especially those who have limited access to healthcare,” ani Tiangco.
“Programs like this allow us to detect and address health concerns early, reducing the burden on families and the healthcare system,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Tiangco na ang hands-on approach ng First Lady ay sumasalamin sa kanyang pangako sa serbisyo publiko.
Binanggit din niya ang dalawang beses na pagbisita sa Navotas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos—una, noong naapektuhan ng pagbaha ang lungsod dahil sa nasirang navigational gate, at pangalawa, nang may oil spill na nagbabanta sa kabuhayan ng mga mangingisdang Navoteño.
Maliban sa mga serbisyong medikal, ang LAB for ALL caravan ay nagbigay din ng iba pang mga programa sa tulong ng gobyerno. Gaya ng scholarship grants na alok ng CHED at pamamahagi ng DA ng sari-saring buto ng gulay at fruit tree seedlings upang suportahan ang food sustainability.
Nabigay rin ang Public Attorney’s Office (PAO) ng libreng legal consultation at notary services, habang ang PhilHealth, PAGIBIG Fund, Development Bank of the Philippines, NHA, Senate Public Assistance Office, PCSO, at TESDA – CAMANAVA, ay nagpaabot ng libreng tulong.
Lumahok din sa kaganapan ang GoNegosyo, katuwang ang Philippine Chamber of Commerce and Industry-Navotas City Chapter, na nagbigay ng libreng business mentoring services sa mga aspiring entrepreneurs.
Bago ang caravan, tatlong mini-medical mission ang isinagawa sa iba’t ibang barangay sa Navotas.
Namahagi sa caravan ang PCSO ng 1,500 Charitimba, habang ang DSWD ay namigay ng 1,500 family food packs. (Richard Mesa)

PDPFP ng Bulacan para sa 2024-2036, inaprubahan ng DHSUD

Posted on: February 19th, 2025 by Peoples Balita No Comments
LUNGSOD NG MALOLOS- “Bulacan, the financial powerhouse and first-world province of the Philippines by 2040, with a vibrant economy, safe environment, inclusive infrastructure, excellent governance, and strong middle class as the core of the citizenry where people have equal access to opportunities and services and living models of its historical heritage and cultural significance.”
Ito ang bisyon ng Bulacan sa Provincial Development and Physical Framework Plan (PDPFP) para sa 2024 hanggang 2036 na inaprubahan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa ginanap na Ceremonial Signing ng CLUPs and PDPFPs sa Lungsod ng Quezon kamakailan.
Sinabi ni Gobernador Daniel R. Fernando na siniguro ng PDPFP ang balanse sa mga programang pang ekonomiya at panlipunan dahil gusto niyang ang mga Bulakenyo ang makinabang sa mga oportunidad na niyayakap nila.
“The Philippine Statistics Authority, in its latest release on economic performance of provinces, identified Bulacan as 4th province in the Philippines with highest contribution to national GDP. But we will continue to strive more to bring Bulacan to further greatness,” anang gobernador.
Samantala, binati at pinasalamatan ng Kalihim ng DHSUD na si Jose Rizalino Acuzar ang mga lokal na pamahalaan sa kanilang pagsunod sa mga polisiya.
“Ang tagumpay na ito ay hindi lamang pagsunod sa mga patakaran kundi inyong tunay na malasakit at responsibilidad sa inyong mga nasasakupan. Ngunit, hindi dito natatapos ang ating gawain. Ang tunay na hamon ay ang pagsasakatuparan ng mga planong ito,” anang kalihim.
Ang PDPFP ay produkto ng pagtutulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Planning and Development Office, mga lokal na pamahalaan, mga stakeholder, at sa tulong at patnubay ng Palafox Associates.

Manibela hihilingin na suspendihin ang PUVMP sa bagong talagang DOTr Sec

Posted on: February 19th, 2025 by Peoples Balita No Comments
HIHILINGIN ng grupong Manibela sa bagong talagang Department of
Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na suspendihin ang pagpapatupad ng Public Utility Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.
Ayon sa grupo ay kanilang kakausapin si Secretary Dizon upang ihinto ang
nasabing progama at ng maibalik sa kanila ang mga prangkisa ng mga unconsolidated units ng mga jeepney operators.
Dagdag ng grupo na dapat ay matalakay at maupuan ang tungkol sa mga
guidelines tulad ng financing at ang mga units na bibilihin dahil mas gusto nila ang mga units ay hindi ang mga inaangkat na sasakyan sa ibang bansa tulad ng China. Ayon sa kanila ay mas gusto nila ang totoong jeepney na gawa dito sa ating bansa.
Sinabi ni Manibela chairman Mar Vallbuena na ang mga naranasan na hindi maganda ng mga transport cooperatives at korporasyon sa operasyon ay nagpapatunay na hindi na dapat ituloy ang programa.
“The experience of some transport cooperatives and corporations was proof that the program should not be continue the way it is being currently implemented today.
Some of the cooperatives have gone bankrupt and the units are not working already because the said units are easily damaged,” wika ni Valbuena.
Isang grupo ng commuter na tinatawag na The Passenger Forum ang nagsabing umaasa sila na matutugunan ng bagong talagang Secretary ang mga problema sa krisis sa transportasyon sa Pilipinas.
“We urge the new leadership to prioritize meaningful reforms that move beyond car-centric policies and deliver real solutions to our ongoing transportation crisis,” saad ni Primo Morillo ng The Passenger Forum.
Sa kabilang dako naman at sektor pa rin ng transportasyon, isang abogado sa
katauhan ni Atty. Romulo Macalintal ang tutol sa plano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magkaron ng toll fee ang dadaan sa EDSA. Dagdag pa niya na dapat ay repasuhin ng mabuti ang nasabing mungkahi.
“The suggestion seemed not only impractical but could also constitute double taxation, as vehicle owners already pay the road user’s tax under RA No. 8794, or the Motor Vehicle User’s Charge Law, for the privilege of using roads. The same law prohibits the imposition of other taxes or charges of similar nature by any political unit,” sabi ni Macalintal.
Nagbigay naman ng suhistyon si Macalintal na upang mabawasan ang trapiko sa Metro Manila ay dapat magkaron ng four-day work kada linggo sa lahat ng sangay ng pamahalaan sa kalakhang Maynila. Dapat din na magkaron ng staggared na working hours o di kaya ay alternate basis. Pinaliwanag niya na puwede naman walang pasok ang mga lungsod ng Quezon, Las Pinas, Manila sa araw ng Lunes. Sa lungsod ng Pasay, Taguig, at Caloocan ay sa Martes habang ang lungsod ng Mandaluyong, Muntinlupa, at Paranaque ay sa Miyerkules naman. Ganon din sa lungsod ng San Juan, Makati, at Pasig sa araw naman ng Huwebes. Sa araw naman ng Biyernes ang walang pasok sa Malabon, Navotas, Valenzuela, at Pateros. LASACMAR

Pantay-pantay sa Pasigueño P3 bilyong surplus fund at annual budget ipamamahagi

Posted on: February 19th, 2025 by Peoples Balita No Comments
IPAMAMAHAGi ni Pasig Mayoralty candidate ­Sarah Discaya ng pantay-pantay sa Pasigueño ang P3 bilyong surplus fund sakaling siya ang mahalal sa alkalde ng lungsod sa May 2025 elections.
Sinabi ni Discaya, na kilala sa tawag na Ate ­Sarah, na kailangan umano ng Pasig ng mga bagong healthcare facility at sapat na health workers sa bawat komunidad ng lungsod.
Layon ni Discaya na gawin umanong ‘smart city’ ang lungsod ng Pasig na mayroong smart hospitals, smart schools, housing buildings, at sistematikong transport system.
Ayon naman kay Ram Cruz ng Tindig Pasig, ang surplus fund ay bunsod umano ng pagtitipid ng alkalde sa badyet ng lungsod para sa mga social services gaya ng healthcare services, edukasyon, peace and order, at social protection dahil inilalaan ito ng mayor para sa proyekto nitong P9.62 bilyong bagong Pasig City Hall.
Matatandaang bumagsak ang lungsod sa ­ika-9 na pwesto mula sa ranggo nitong ika-6 noong ­2019 sa 2024 Rankings of Highly Urbanized Cities sa ilalim ng Cities and Municipalities Competitive Index na pinangunahan ng Department of Trade and Industry (DTI).
( Richard Mesa)

‘Di lang checkpoints PNP tutok din sa vote buying, vote selling

Posted on: February 19th, 2025 by Peoples Balita No Comments
HINDI lamang mga Comelec checkpoints ang tututukan ng mga pulis kundi maging ang mga vote buying at vote selling.
Ito naman ang kautusan ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil bilang bahagi ng paghahanda sa nalalapit na halalan sa  Mayo 2025.
Ayon kay Marbil, ang vote-buying at vote-selling ay alinsunod kampanya sa ilalim ng “Kontra Bigay,”  ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang isang malinis, tapat, at patas na halalan.
Sinabi ni Marbil na sa inilunsad na Committee on Kontra Bigay or CKB ng Commission on ­Elections (COMELEC), binibigyan ng kapangyarihan ang PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), at ­National Bureau of Investigation (NBI) na ­magsagawa ng surveillance, mag-validate ng mga ulat, at agad na umaksyon laban sa mga lumalabag sa batas ng halalan.
Sa ilalim ng pinalakas na Kontra Bigay 2.0, mahigpit na babantayan ang mga kilos na maa­aring maituring na vote-buying at vote-selling, gaya ng pamamahagi ng pera, produkto, o ­campaign materials upang impluwensyahan ang boto ng mga mamamayan. Ang sinumang mahuhuling gumagawa nito ay maaaring arestuhin agad kahit walang warrant.

TSINA MULING LUMABAG SA INTERNATIONAL AVIATION LAW

Posted on: February 19th, 2025 by Peoples Balita No Comments
NAKARANAS  ng mapanganib na maniobra ang isang sasakyang panghimpapawid  ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR mula sa isang Navy helicopter ng People’s Republic of China sa Bajo de Masinloc sa Zambales .
Kasabay ng kumpirnasyon, sinabi ng Philippine Coast Guard na nangyari ang insidente kahapon pasado alas-8:00  ng umaga habang nagsasagawa ang BFAR  ng maritime domain awareness flight sa nasabing lugar.
Natukoy ang isang PLA-Navy helicopter na may tail number 68 at basta na lamang nagsagawa ng mapanganib na maniobra, tatlong metro sa port side ng daungan at sa itaas ng sasakyang panghimpapawid  ng BFAR.
Ang mapanganib na aksyon ng China ay nagdulot ng matinding pangamba sa mga sakay ng sasakyang panghimpapawid ng BFAR kung saan kasama ang tauhan ng PCG at Media.
Ayon sa PCG, malinaw na paglabag ng PLA-Navy at tahasan pagbalewala sa mga international regulations sa aviation sa ilalim ng international civil aviation organization o ICAO.
Sa kabila ng mga agresibong aksyon ng China, tiniyak naman ng PCG at BFAR na mananatili sa paggigiit ng ating soberenya at karapatan rito at maritime na hurisdiksyon sa West Philippine Sea.(Gene Adsuara)

Top PH , Japan strategists pinag-usapan ang pagturulungan kontra ‘ destabilizing actions’

Posted on: February 19th, 2025 by Peoples Balita No Comments
KAPWA suportado ng mga top security strategists ng Pilipinas at Japan na magtulungan para tugunan ang “destabilizing actions” sa South at East China Seas.
ito’y matapos na makausap ni National Security Adviser (NSA) Eduardo Año ang bagong itinalagang Japanese National Security Adviser Okano Masataka, araw ng Lunes, Pebrero 17.
“NSA Año and NSA Okano discussed areas of cooperation to address destabilizing actions in the West Philippine Sea/South China Sea,” ang nakasaad sa kalatas ng National Security Council (NSC).
Hindi naman idinetalye ng dalawang opisyal kung sino ang tinutukoy nila bilang instigator ng ‘destabilizing actions.’
Gayunman, kapwa naman naharap sa agresibong aksyon ang Pilipinas at Japan mula sa Tsina dahil sa overlapping territorial claims sa South China Sea at East China Sea.
Inaangkin ng Tsina ang bahagi ng West Philippine Sea at maging ang Senkaku Islands, nagtulak sa tuminding komprontasyon sa Maynila at Tokyo sa mga nakaraang taon.
Ayon sa NSC, muling pinagtibay nina Año at Okano ang kanilang commitment sa freedom of navigation at international law sa South China Sea at East China Sea, at maging ang kahalagahan na panindigan ang isang ‘free at open Indo-Pacific, at international rules-based order.”
“The two NSAs confirmed Japan-Philippines security cooperation and concurred to continue to work closely with each other,” ang sinabi sa kalatas ng NSC.
Sa kabilang dako, binati naman ni Año si Okano sa kanyang bagong katungkulan.
Si Okano, ay dating vice minister for foreign affairs ng Japan, pinangalanan bilang top security adviser ng kanyang bansa noong Enero.
Kapuwa namang sumang-ayon sina Año at Okano na ipagpatuloy at i-promote ang trilateral framework of cooperation na itinatag ng Pilipinas at Japan kasama ang Estados Unidos sa ilalim ng bagong administrasyon ni Pangulong Donald Trump. ( Daris Jose)

Top 8 MWP at Chinese National, nadakma ng Valenzuela police

Posted on: February 19th, 2025 by Peoples Balita No Comments
LAGLAG sa selda ang dalawang wanted persons, kabilang ang isang Chinese national matapos malambat ng pulisya sa magkahiwalay na manhunt operations sa Bulacan at Valenzuela City.
          Ayon kay Valenzuela City Police Chief P/Col. Nixon Cayaban, ikinasa ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) sa pangunguna ni P/Lt. Jaime Abarrientos ang pagtugis kay alyas “Jay-Jay”, 34, mototaxi driver at nakatala bilang Top 8 MWP sa Lungsod ng Valenzuela.
Dakong alas-6:40 ng Martes ng gabi nang makorner nina Lt. Abarrientos sa Landicho St., Barangay Balasing, Sta. Maria, Bulacan ang akusado na residente ng Barangay Karuhatan  .
          Si alyas Jay-Jay ay binitbit ng mga tauhan ng WSS sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Valenzuela City Regional Trial Court Branch 270 noong December 3, 2024, para sa kasong Lascivious Conduct under Section 5 of RA 7610, for service of sentence.
          Kasunod nito, alas-11:10 ng gabi nang matimbog din ng mga tauhan ni Col. Cayaban ang Chinese national na si alyas “Junqin”, 43, sa manhunt operation sa Derupa St., Barangay Maysan.
Si alyas Junqin, na nahaharap sa mga kaso sa ilalim ng RA 8293, Section 155 in relation to Section 170 (Intellectual Property Code of the Philippines), ay dinakip sa bisa ng warrant of arrrest na inilabas ng Valenzuela City RTC Branch 75 nitong February 13, 2025 na may inirekomendang piyansa na P30,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya.
“We remain steadfast in our commitment to uphold the law and ensure the safety of our community. The successful arrest of these two wanted individuals is a testament to the dedication and hard work of our officers. We will continue to relentlessly pursue those who threaten the peace and security of Valenzuela City,” ani Col. Cayaban. (Richard Mesa)

Pedicab driver, kulong sa tangkang pagdukot sa 2 batang estuyante sa Caloocan

Posted on: February 19th, 2025 by Peoples Balita No Comments
KULUNGAN ang bagsak ng isang pedicab drivert nang tangkain dukutin ang dalawang batang estudyante sa harap ng kanilang paaralan sa Caloocan City, Martes ng umaga.
          Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals, mahaharap sa kasong Attempted Kidnapping ang suspek na si alyas “Danilo”, 49, at residente ng San Andres, Manila.
          Sa inisyal na ulat ni PCpl Esteephanie Pascua kay Col. Canals, nangyari ang insidente dakong alas-11:45 ng tanghali sa harap ng Maypajo Elementary School, sa J.P Rizal St., Brgy., 35, Maypajo, matapos sunggaban at pilit umanong isinasama ng suspek ang 10-anyos na lalaking estudyante habang papasok sa paaralan subalit, nanlaban ang biktima bago tumakbo.
          Kasunod nito, tinangka ring sunggaban ng suspek ang 9-anyos na babaeng estudyante at nang makita ng Barangay Tanod na si Bernie Nacubuan ang pangyayari ay sinita niya ito kaya nakawala ang biktima saka humingi ng tulong sa tanod at sinabing hindi niya ama ang lalaki.
          Agad siniguro ng tanod ang kaligtasan ng biktima habang pinagtulungan namang kulatahin ng galit na mga taumbayan ang suspek na natigil lang nang pumagitna ang barangay tanod na umaresto sa kanya.
          Pinasalamatan ni Mayor Along Malapitan ang Tanod na si Nacubuan ng Brgy. 35 sa kanyang masigasig na pagbabantay at maagap na pagtugon sa insidente.
“Bagama’t ikinalulungkot po natin ang nangyaring insidente, patunay po ito na handa ang barangay at kapulisan na tumugon sa mga ganitong pangyayari,” pahayag niya.
“Inuulit ko ang direktiba ko sa binuo nating Aksyon at Malasakit Task Force, lalo na sa kapulisan, na paigtingin ang pagbabantay sa mga paaralan lalo na tuwing oras na papasok at lalabas ang mga mag-aaral,’ dagdag niya. (Richard Mesa)