
HARAP-HARAPANG tinanong ang mag-iinang Vilma Santos Recto, Luis Manzano at Ryan Christian Recto sa isyu ng political dynasty sa Pilipinas sa naganap ng mediacon last week sa Lipa City para sa ‘BARAKO Fest 2025.’
Muling tumatakbo sa pagka-governor ng Batangas si Ate Vi ngayong midterm elections, ka-tandem niya bilang vice governor si Luis at kumakandidato namang congressman sa 6th district ng Batangas si Ryan Christian.
Anak nga ni Vilma si Luis sa veteran actor at host na si Edu Manzano habang si Ryan ay anak niya sa dating senador at ngayo’y Finance Secretary na si Ralph Recto.
Maganda ang naging paliwanag ng award-winning actress at public servant at ng dalawa niyang anak nang matanong tungkol sa sabay-sabay nilang pagtakbo sa May, 2025 elections.
“With all honesty, we don’t want to entertain that. We are here to serve, and people will judge us,” sagot ni Ate Vi.
Unang nahalal si Vilma bilang mayor ng Lipa noong 1998 at nagsilbi hanggang 2007. Taong 2007 hanggang 2016 ay naging gobernador naman siya ng Batangas.
Naging congresswoman din siya ng 6th District ng probinsya na tumagal hanggang 2022.
Ayon naman kay Luis, naniniwala siya na napakaraming nagawa ng kanyang mommy bilang public servant at sa pagsabak niya sa politika, dala-dala niya ang mga natutunan mula sa kanyang nanay.
“From mayor of Lipa nakita naman natin kung paano siya naging gobernador ng Batangas. Naging part din siya ng Congress.
“In fact, naging Lingkod Bayan awardee rin siya. One of the highest awards na pwedeng makuha ng public servant,” pagmamalaki pa ni Lucky.
Dagdag pa niya tungkol sa isyu ng political dynasty, “We submitted ourselves to the electoral process. Basta ang hangad namin ay yung paglilingkod namin sa bawa’t Batangueno.
“Kung saan papunta ang mga pangarap namin sa paglilingkod, kung saan gusto naming ilagay ang puso namin, nakasalalay sa botante yun.”
Sagot naman kay Ryan, “I think my brother said it perfectly naman. We are here to serve the people, and the choice will always be theirs.”
Aminado naman si Ate Vi na napakalaki ng utang na loob ni Ate Vi sa mga taga-Lipa dahil pinagkatiwalaan siya sa kanyang political career.
Pahayag pa niya, “kung saan man po ako naroroon ngayon sa aking political career, dito po ako nag-umpisa sa Lungsod ng Lipa.
“Mga Lipeños ang unang nagbigay ng tiwala sa akin bilang kauna-unahang babaeng mayor ng ating lungsod, bagama’t ako’y babae’t maliit, tandaan nyo, lalaking kausap!”
Kaya pangako ni Ate Vi kapag muli siyang nakabalik sa pagka-gobernadora ng lalawigan ng Batangas…
“Isa lang po ang aking maipagmamalaki sa inyong lahat, palagay ko, kung ako man po ay nagtagal nang ganito katagal, 24 years at ako’y napagkatiwalaang maging legislator din for two terms, six years.
“Na noong una, as local chief executive, ako ang nagpapatupad ng batas. Naranasan ko rin naman po ang gumawa ng batas.
“Kaya kahit paano, palagay ko, yun pong ibinigay sa aking tiwalang ito ay naibalik ko naman po iyong tiwalang ibinigay sa akin ng Batangueño! I must have done something good.
“But one thing, I don’t promise anything, I cannot promise heaven and earth. I can only promise two things.
“Sisiguraduhin ko lang talaga, pag tayo’y sadyang pinagkatiwalaan maging nanay muli, ang para sa tao ay dapat mapunta sa tao.
“Ang pangalawa po, sisiguraduhin ko lamang po, na paninindigan ko ang merong isang salita. Word of honor.
“Pag meron, meron. Pag wala, wala. Pag oo, oo. Pag hindi, hindi. Sadyang mahirap mamangka ng dalawang ilog! Kailangan may paninindigan dahil diyan makikilala ang pagkatao ng isang nilalang.
“At ang pangatlo ko lang kayang ipangako, siguro po, kung kami ay pagkakatiwalaan sadya, Batangueño, ang akin pong pamilya! Hindi ko po kayo ipapahiya!”
At magiging maayos ang kanyang paglilingkod kung iboboto ring kanyang running mate na si Luis, kaya humihingi siya ng tulong sa mga taga-Batangas.
Samantala, pinasalamatan ni Ate Vi ang organizing team sa matagumpay na BARAKO Fest 2025, sa pamumuno ng Mentorque producer na si John Bryan Diamante.
Ang 3-day event ay co-presented ng Construction Workers Solidarity (CWS) Talino at Puso, at 107 Angkas Sangga party-list.
Sey ni Ate Vi sa opening ng event, “Teamwork, that is the magic word. Teamwork. Kahit anong galing mo, Bryan, pag hindi ka nasamahan ng iba na magagaling din, hindi tayo magiging matagumpay.
“And I think that is the magic word, teamwork. We will continue to work as a team, and we will continue to work as a family here in the province of Batangas.
“Barako Fest, this is our third year. We’re very proud of this Barako Fest, kasi ito ho ngayon ang inilalatag namin dito sa Lipa kasama na po ang iba’t ibang bayan ng ating lalawigan.
“Marami ho kaming puwedeng ipagmalaki sa Barako Fest. Lahat po ng mga kaya naming ipagmalaki sa Batangas ay lalabas at lalabas habang naggo-grow, habang tumatagal pa ang aming Barako Fest.
“Ngayon po ay naka-focus tayo ngayon dito sa Lipa. There’ll come a time, iiikot na natin ito sa buong lalawigan ng Batangas…
“Ang Barako Fest po ay pinag-isipan para ito ho ay mabigyan ng pagkakataon iyong masasabi nating micro and at the same time, iyon talagang pinakamalaki na po nating mga entrepreneurs.
“With the present situation natin ngayon, ang isang pinakaimportante, may hanapbuhay. Tama po ba? Hanapbuhay ang number one sa atin ngayon.
“At ang isang ibinibigay ngayon ng ating Barako Fest, bukod sa binibigyan pa ho ng kaligayahan ang atin pong mga Batangueño, yung foodfest natin ay nandito,” mahabang pahayag pa ni Ate Vi.
(ROHN ROMULO)