• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February 11th, 2025

Barbers sinabing suportado ng malakas na ebidensya ang impeachment vs VP Sara

Posted on: February 11th, 2025 by Peoples Balita No Comments
SUPORTADO ng malakas na ebidensya ang mga alegasyon sa impeachment case na isinampa laban kay Vice President Sara Duterte ay suportado ng maraming matitibay na ebidensya.
Ito ang inihayag ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.
Si Barbers, na siyang lead chairman ng House Quad Comm lead, ay nagbigay ng pahayag bilang tugon sa sinabi ni Duterte na hindi nito pinagbantaan na ipapapatay sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta Marcos, at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Ang nasabing banta, na ginawa ni Duterte noong Nobyembre 2024 at kumalat sa social media, ay kasama sa Articles of Impeachment, na nilagdaan ng 215 kongresista at isinampa ng Kamara de Representantes sa Senado noong Miyerkoles.
“Well yung first Article of Impeachment eh may mga ebidensya pong nakasama po ‘dun, ‘yung videos, ‘yung pahayag na ating bise presidente, kaya nga po naisama po ‘yan and kaya nga po may proseso,” pahayag ni Barbers.
Sinabi niya na lalabas ang katotohanan sa impeachment trial ni VP Duterte sa Senado.
Ayon kay Barbers, bagamat hindi siya abogado, sa kanyang sariling opinyon ay sapat ang ebidensya para suportahan ang mga paratang sa impeachment.
Binigyang-diin niya na nasa senator-judges ang responsibilidad na suriin ang mga paratang sa impeachment at ang ebidensya.
Bilang tugon sa tanong, sinabi ni Barbers na mahirap ipanukala na magbitiw si VP Duterte upang hindi na gumastos ang bayan para sa impeachment trial.
Aniya, ang na-impeach na Pangalawang Pangulo ay may karapatang dumaan sa due process sa Senado.
Gayunpaman, pinuna ni Barbers si VP Duterte dahil hindi umano nito sineseryoso ang impeachment na inaprubahan ng supermajority ng mga miyembro ng Kamara.
Bilang tugon sa pahayag ng Pangalawang Pangulo na mas masakit pang iwanan ng kasintahan kaysa ma-impeach, sinabi ng mambabatas mula Mindanao, “Kanya kanya namang pakiramdam ‘yan and we have to give it to her…she’s not taking it seriously. And that’s her right.” ( Daris Jose)

2 tulak, timbog sa baril at P176K shabu sa Malabon

Posted on: February 11th, 2025 by Peoples Balita No Comments

KALABOSO ang dalawang tulak ng droga matapos makuhanan ng baril at mahigit P.1 milyong halaga ng shabu sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, nakatanggap ng impormasyon ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa iligal drug activities nina alyas ‘Balot’, 34, at alyas ‘Andy’, 49, na kapwa nakatala bilang drug pusher sa SDEU.

Nang magawang makipagtransaksyon ang isa sa mga operatiba ng SDEU sa mga suspek, ikinasa nila ang buy bust operation sa koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Bandang ala-1:50 ng madaling araw nang dakmain ng mga tauhan ng SDEU ang mga suspek sa kanto ng P. Aquino Ave. at J. Dela Cruz Sts, Barangay Tonsuya nang tanggapin nila ang marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer.

Sa ulat ni Col. Cayaban kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, nakuha sa mga suspek ang nasa 26 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P176,800, at P1,000 buy bust money habang ang isang .22 caliber revolver na may apat na bala at nakumpiska kay alyas Balot.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang karagdagan na kasong paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition ang kakaharapin pa ni alyas Balot.

Binati ni Col. Ligan ang Malabon City Police Station para sa kanilang walang tigil na operasyon laban sa droga at pangako sa pagpapanatili ng kaligtasan ng komunidad. (Richard Mesa)

Lalaking wanted sa Valenzuela, nakorner sa Batangas

Posted on: February 11th, 2025 by Peoples Balita No Comments

NAGWAKAS na ang pagtatago ng 32-anyos na construction worker na nahaharap sa mabigat na kaso sa korte ng Valenzuela City matapos matunton ng pulisya sa kanyang pinagtaguang lugar sa lalawigan ng Batangas.

Unang hinanting ng mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban si alyas “Freddie” sa  kanyang tirahan sa San Jose Del Monte, Bulacan nang lumabas ang warrant of arrest laban sa kanya para sa kasong paglabag sa R.A. 9262  o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act noong Hunyo 6, 2024 subalit hindi na siya natagpuan sa kanilang lugar.

Nang makatanggap ng impormasyon ang pulisya na namamalagi sa Tanauan City sa Batangas ang akusado, muling ikinasa ng Station Intelligence Section (SIS) ng Valenzuela police ang pagtugis kay alyas Freddie, bitbit ang warrant of arrest na inilabas ni Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Evangeline Mendoza Francisco ng Branch 270.

Dakong alas-9:00 ng gabi nang tuluyang masukol ng mga operatiba ng SIS ang akusado sa harap ng Matsuform Link Inc. sa Brgy. Janopol Oriental, Tanauan City.

Ayon kay Col. Cayaban, walang piyansang inirekomenda ang korte para sa pansamantalang paglaya ng akusado bunga ng naranasang sobrang pagmamalupit niya sa biktima na naging dahilan upang dumanas ito ng paghihirap ng damdamin at labis na kahihiyan na nasa ilalim ng Section 5(h) at 5(i) ng R.A. 9262. (Richard Mesa)

5 drug suspects, tiklo sa higit P.2M shabu sa Caloocan

Posted on: February 11th, 2025 by Peoples Balita No Comments

MAHIGIT P.2 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa limang drug suspects, kabilang ang isang bebot matapos matimbog sa magkahiwalay na buy bust operation sa Caloocan City.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals, kabilang sa mga suspek na naaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang 35-anyos na lalaking cook, 26-anyos na bebot at 50-anyos na e-bike driver.

Dakong alas-3:25 ng hapon nang madakma ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables ang mga suspek sa Torsillo St., Brgy. 28 matapos bintahan ng P6,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer.

Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 20 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P136,000 at buy bust money na isang tunay na P500 bill at anim pirasong P1,000 boodle money.

Nauna rito, alas-4:45 ng hapon nang maaresto din ng mga tauhan ni Lt Mables sa buy bust operation sa Salmon St., Brgy. 8, si alyas ‘Tulak’, 26, at alyas ‘Tukmol’, 23. Nakuha sa kanila ang 16 grams ng suspected shabu na may katumbas na halagang P108,000.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Col. Canals na abot sa P244,000 halaga ng shabu ang nasamsam sa mga suspek.

Binati ni Col. Ligan ang walang patid na dedikasyon ng Caloocan City Police Station sa pangangalaga sa komunidad sa pamamagitan ng walang humpay na anti-drug operations. (Richard Mesa)

Top 4 MWP ng Malabon, laglag sa selda

Posted on: February 11th, 2025 by Peoples Balita No Comments

HIMAS-REHAS ang 19-anyos na binata na wanted sa kaso ng panggagahasa nang matiyumpuhan ng tumutugis na mga pulis habang pagala-gala sa Malabon City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan na nakatanggap sila ng impormasyon na naispatan ang presensya ng akusadong si alyas “Dodong” sa Brgy. Longos.

Inatasan ni Col. Baybayan ang Warrant and Subpoena Section (WSS) na bumuo ng team at tugisin ang akusado na nakatala bilang Top 4 Most Wanted Person sa lungsod.

Dakong alas-10:10 ng umaga nang matiyempuhan ng mga tauhan ng WSS ang akusado sa kahabaan ng Gov. Pascual Avenue, Brgy. Longos na nagresulta sa pagkakadakip sa kanya.

Inaresto ang akusado sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Rape in relation to RA 7610 (Child Abuse) na inisyu ni Presiding Judge Rhoda Magdalene L. Mapile-Osinada, ng RTC Branch 289, Malabon City noong April 23, 2024, na may inirekomendang piyansa na P200,000.

Pansamantalang nakakulong ang akusado sa Malabon CPS Custodial Facility habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman.

Pinuri ni Col. Ligan ang Malabon police sa kanilang walang humpay na paghahangad ng hustisya at dedikasyon sa pagtiyak ng kaligtasan ng publiko.

Aniya, ang NPD ay nananatiling nakapukos sa pagtugis sa mga wanted person at pagpapanatili ng kaligtasan ng komunidad. (Richard Mesa)

Pangunguna sa mga lumagda sa impeachment complaint laban kay VP Sara, hindi dapat ikagulat ng publiko

Posted on: February 11th, 2025 by Peoples Balita No Comments

AYON kay House Senior Deputy Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander Marcos III, hindi dapat ikagulat ng publiko na siya ang unang mambabatas na pumirma sa impeachment complaint laban sa VP.

 

Ang mga pagbabanta ng VP laban sa kanyang amang si Pangulong Bongbong Marcos, inang si First Lady Liza Araneta Marcos at kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez nitong Nobyembre ang siyang dahilan kung bakit lumagda siya bilang unang impeachment endorser.

 

“As to why I was the first one to sign, alangan naman kung sasabihin ng tao na gusto niyang hukayin ‘yung Lolo mo at itapon ‘yung katawan sa West Philippine Sea, sasabihin niya gusto niyang patayin ang Pangulo at ang First Lady na aking magulang at gusto niyang patayin ang Speaker, eh, but naman nagugulat ang tao na pumirma ako dyan? You know, these are statements that can’t be taken lightly especially from someone with such a high position,” ani Marcos.

 

“So nagtataka nga ako kung bakit nagulat ‘yung tao eh, alangan naman kung sasabihin mo huhukayin mo ang lolo ko, eh, of course I’ll be the first one to sign. That should come as no surprise. And so that’s why I was the first one to sign,” dagdag nito.

 

Sinabi nito noong humingi siya ng payo mula sa kanyang ama ay sinabihan nito na gawin nito ang tungkulin bilang isang mambabatas at tuparin ang sinumpang tungkulin sa kontstitusyon na protektahan ito.

 

Pinasinungalingan naman ng mambabatas na pinangunahan niya ang pangangalap ng pirma sa impeachment petition.

 

“Katulad sa sinabi ng Pangulo, I think people give me too much credit. I was given the opportunity to sign and I did sign but I did not spearhead any movement or I did not try to convince anyone to sign. I think they did that on their own volition,” dagdag ni Marcos.

 

Umabot sa total na 215 ang lumagdang kongresista, ngunit may 25 pa ang nagpahayag nang kanilang kagustuhan na lumagda sa reklamo.

 

Para naman sa tsismis na pangakong fund releases sa mga lumagda sa impeachment, sinabi ni Marcos na “I think that’s just part of ‘yung mga fake news ng mga DDS, parte po ‘yan ng smear campaign nila. To discredit the (impeachment) movement. You can’t blame them. Alam naman natin nung sino amo nila. But no, there was nothing offered in exchange for the signatures. I was there in the room. Pinag-usapan talaga ang articles of impeachment and then people were given the choice to sign or not.”

 

Nasa senado na aniya ang desisyon kung ibabalewala nila ang opinion ng mga mambabatas at ang mga iba’t ibang grupo sa tingin nila kailangan ma- impeach ang VP. (Vina de Guzman)

OCD, itinutulak na amiyendahan ang NDRRMC law, palakasin ang warning systems

Posted on: February 11th, 2025 by Peoples Balita No Comments

ITINUTULAK ng Office of Civil Defense (OCD) ang pag-amyenda sa batas na lilikha sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at palakasin ang’ early warning system.’

“Foremost of our plans is to have amendments to the law that created the NDRRMC. One of the amendments we are requesting is to allow us to create an executive committee that will be in charge of making major decisions,” ayon kay OCD administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno.

Sa kasalukuyan kasi, kailangan nila ang ‘full council’ para gumawa ng ‘major decisions’.

Ang NDRRMC ay kinabibilangan ng 41 government agencies at limang kinatawan mula sa pribadong sektor.

“We believe that we would be able to do more if the law (is) modified,” aniya pa rin sabay sabing mahalaga ang oras lalo na sa panahon ng kalamidad.

 

 

Handa naman ng OCD na gawing mahusay ang ‘early warning system’ ng bansa para paigtingin ang disaster mitigation efforts.

“With the help of the DENR (Department of the Environment and Natural Resources) and the DOST (Department of Science and Technology), we want to be more creative and more comprehensive in our warning system,” ang sinabi ni Nepomuceno.

Aniya pa, mahalaga rin itong kasangkapan upang magawa ang maagang pagkilos at protektahan ang buhay, pangkabuhayan at ari-arian.

 

 

Tinukoy naman ng OCD bilang perpektong halimbawa ang ‘nationwide warning system ng Thailand, mayroong mahigit sa 600 towers na may sirena o wang-wang.

Maliban sa sirena, ang Thailand ay mayrong public address system na nagsasabi sa mga tao kung ano ang aasahan sa bawat 10 hanggang 15 minuto.

 

 

Ani Nepomuceno, ang OCD, sa tulong ng media, planong simulan ang educational campaign ukol sa disaster resilience, partikular na ang targetin ang mga kabataan, local government units (LGUs) at disaster responders.

“Being the first responders, we want our LGUs to be empowered and accountable for their own localities. Some LGUs are still dependent on the national government. But it takes a while for us to arrive in their areas during disasters. They should accept the responsibility and take the necessary actions, such as investing in rubber boats for rescue operations,” ang litanya ni Nepomuceno. (Daris Jose)

Pinas, hindi mag-u-urong-sulong sa pagprotekta sa national territory nito—NMC

Posted on: February 11th, 2025 by Peoples Balita No Comments

NANANATILING matatag ang posisyon ng National Maritime Council (NMC) sa West Philippine Sea (WPS).

Sinabi ng NMC na ang bansa ay determinado laban sa foreign intrusions at hindi kailanman magiging urong-sulong na idepensa ang soberanya nito.

 

 

Ipinahayag ito ng NMC matapos mangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagpapatuloy ng pamahalaan na ipagtanggol ang karapatan ng Pilipinas sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa sa gitna ng banta ng “monster ship” ng China Coast Guard (CCG).

“We stand resolute against any foreign intrusion into our maritime zones and will never cease upholding our rights and honoring our duties under international law, particularly the United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) and the 2016 Arbitral Award,” ayon sa NMC.

 

 

“The Philippines, while committed to the peaceful settlement of disputes and proper diplomatic approaches, will never waver in protecting its national territory and maritime domain,” ang sinabi pa rin ng NMC.

Nauna rito, inamin ni Pangulong Marcos na walang kakayahan ang Pilipinas na palayasin ang monster ship ng Tsina mula sa territorial waters ng bansa.

 

 

Aminado ang Pangulo na napag-iwanan na ng Tsina ang Pilipinas sa ‘fleet size at lakas.’

Subalit sa kabila nito, binigyang diin ng Punong Ehekutibo na ang polisiya ay para ipagpatuloy lamang ang pagdepensa sa sovereign territory nito at territorial rights sa EEZ.

Samantala, kiunumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na bumalik ang China Coast Guard (CCG) massive vessel 5901 o mas kilala bilang “monster ship” sa katubigan malapit sa Bajo de Masinloc.

 

 

Iniulat ni PCG for the West Phlippine Sea spokesperson Commodore Jay Tarriela na dalawang CCG vessels ang naispatan sa Bajo de Masinloc habang tatlong iba pa ang nanatili sa baybayin ng Zambales.

Sa kabila ng mga hamon, sinabi ni Tarriela na ang PCG ay aktibong kinikompronta ang Chinese vessels.

Sinabi ni Tarriela na inaprubahan ni Pangulong Marcos ang pagkuha ng lima pang 97-meter vessels mula Japan at 40 karagdagang vessels mula France upang palakasin ang PCG. (Daris Jose)

Driver, inaresto sa pagkulong sa asawa at anak sa container van

Posted on: February 11th, 2025 by Peoples Balita No Comments

ARESTADO  ang isang 48-anyos na driver matapos umano nitong ikulong ang kanyang asawa at anak sa loob ng isang container truck ng tatlong araw sa Baseco,Manila.

 

Sa ulat ng pulisya, kinilala ang suspek na si Alvin Vizcarra.

Ayon sa Manila Police District (MPD) , nag-away umano ang mag-asawa dahil sa matagal nang  selosan .

Ikinulong umano nito ang kanyang asawa at tatlong taong gulang na anak na babae sa nakaparadang container truk sa Baseco area at ipinadlock.

 

Pinalabas din ng suspek ang kanyang mag-ina at pinauwi sa Bulacan matapos ang tatlong araw  kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang ginang na magsumbong sa pulisya .

 

Sinabi rin ng ginang na bago sila ikandado sa truck at pisikal din siyang inaabuso ng mister .

 

Dahil dito, agad na inaresto ang suspek na ngayon ay nahaharap sa dalawang bilang ng serious ilegal detencion at paglabag sa ilalim ng batas na nagpoprotekta sa mga kababaihan at bata mula sa pang-aabuso. (Gene Adsuara)

2 bagets na holdper na nambiktima sa senior citizen sa Caloocan, nakorner sa Navotas

Posted on: February 11th, 2025 by Peoples Balita No Comments

LAGLAG sa selda ang dalawa sa apat na holdaper na nambiktima sa 69-anyos na lolo sa Caloocan City matapos matunton ng pulisya sa ginawang follow-up operation sa Lungsod ng Navotas, kamakalawa ng gabi.

Sa kanilang tirahan sa Brgy. NBBS sa Navotas City nakormer ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Edcille Canals sina alyas “Lester” 19, waiter, at alyas “Jaspher”, 18, helper sa Navotas Fishport.

Positibong kinilala ng biktimang si alyas “Efren”, residente ng Brgy. Maypajo, ang naarestong mga suspek na nanutok sa kanya ng baril at puwersahang tumangay sa kanyang mobile phone, relos at wallet na naglalaman ng P5,000 cash.

Sa ulat na tinanggap ni Northern Police District (NPD) Acting District Director P/Col. Josefino Ligan, naglalakad sa C3 Road, malapit sa Perpetua Street, Barangay 22 ang senior citizen nang tutukan baril at holdapin siya ng mga suspek na mabilis na tumakas, sakay ng dalawang magkahiwalay na motorsiklong minamaneho ng kanilang kasabuwat.

Humingi naman ng tulong ang biktima sa Tuna Police Sub-Station1 at nang matukoy nila ang pagkalilanlan ng mga suspek, agad silang nagsagawa ng follow-up operation, kasama ang mga tauhan ng Intelligence Section na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawa habang tinutugis pa ang kanilang kasabuwat na si alyas “Kalbo” at isa pang hindi pa kilala.

Nakuha ng mga tauhan ni Col. Canals kay alyas Lester ang isang kalibre .45 Colt pistol na may tatlong bala sa magazine at alyas Jasper isang kalibre .45 na may isang bala sa magazine at dalawang motorsiklong gamit sa panghoholdap habang hindi na nabawi ang mga ninakaw sa biktima.

Kasong robbery holdup ang isasampa ng pulisya sa mga suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office habang paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at paglabag sa Omnibus Election Code ang ihahain laban sa dalawa sa Navotas City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)