
Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan


INIULAT ng Commission on Audit (COA) na P2.83 bilyong piso ng 2023 Health Facilities Enhancement Program (HFEP) budget ng gobyerno ang naantala o naiwang hindi naipatupad.
Sa annual audit report nito para sa Department of Health para sa taong 2023, sinabi ng COA na sa P2.8 bilyon, P2.44 bilyong piso ang natuklasang dumanas ng ‘delayed completion/implementation.’
Ang mga naantalang HFEP infrastructure projects ay matatagpuan sa:
Region 6 (Western Visayas): Dalawang Proyekto
Region 9 (Zamboanga Peninsula): Isang Proyekto
Region 11 (Davao Region): Dalawang Proyekto
Region 12 (Soccsksargen): Tatlong Proyekto
Idagdag pa rito, ang hindi nagamit na pondo para sa infrastructure projects sa Regions 9, 11, at 12 na nagkakahalaga ng P83.78 milyong piso.
Isang pangunahing unimplemented project, ang Western Visayas Center for Health Development, ay nagkakahalaga naman ng P306.54 milyong piso.
Itinuturing naman na ‘most significant non-utilized HFEP project funding’ ay ang P1.074 billion Southern Philippines Medical Center (SPMC) project sa Davao City.
Ayon sa COA, ang 2023 HFEP budget sa ilalim ng General Appropriations Act ay inilaan para sa :
Construction, upgrading, o expansion ng government health facilities
pagkuha ng hospital equipment at motor vehicles
pagbibigay-priyoridad sa mga proyekto na nasa ilalim ng Universal Health Care Law at sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas
pag-Upgrade sa mga pasilidad para sa COVID-19 response
Sa kabilang dako, sinabi naman ng COA na pinahina ng ‘delays at deficiencies’ ang layunin, pinagkaitan ang publiko ng benepisyo na maaaring ibigay ng mga pasilidad.
Tinukoy naman ng COA ang ilang dahilan ng pagkaantala, non-utilization, at non-implementation, kabilang na rito ang:
Temporary work suspensions dahil sa site accessibility issues at iba’t ibang kautusan
panganib mula sa ‘falling debris’ sa mga lugar na may nagpapatuloy na operasyon
Hindi kompleto na elevator shafts
pagkaantala sa pagbabayad para sa mga delivery fees
umiiral na istraktura na hindi inalis
naantalang pagpapalabas ng mobilization funds at progress billing payments
pag-abandona sa ‘unfinished work’ ng mga kontratista
Kakapusan sa koordinasyon at technical assistance ng HFEP Management Office
Bilang tugon sa natuklasan ng COA, nangako naman ang Department of Health (DOH) na magpapatupad ng sumusunod na rekumendasyon:
palalakasin ang monitoring ng HFEP projects sa pamamagitan ng regular evaluations, inspections, at buwanang pag-uulat sa pagtugon sa mga hamon at tiyakin ang napapanahong pagkumpleto.
pigilan ang pagkaantala sa pamamagitan ng pagsunod sa contract timelines at iwasan ang maraming iba’t ibang kautusan
imandato ang regional office heads na resolbahin ang kakapusan na nakaapekto sa project implementation at utilization.
Samantala, itinuturong dahilan naman ng SPMC ang project delays nito sa isang suspension order na ipinalabas noong April 4, 2022, sa gitna ng nagpapatuloy na architectural, electrical, at mechanical work. Ang nasabing trabaho ay nananatiling hindi tapos.
(Daris Jose)

LIMANG katao ang nasawi, 20 ang sugatan at dalawa ang nawawala dahil sa masamang kalagayan ng panahon sanhi ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at Shear Line.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bulletin, ang mga nasawi na naitala ay mula sa Region II, IV-A, IV-B, V, VIII, at XI.
Sa kabuuan, may 436,164 indibiduwal o 139,000 pamilya ang apektado ng masamang panahon. Kabilang dito ang
549 pamilya, o 2,366 indibiduwal, kasalukuyang kinakanlong sa 29 evacuation centers.
Dahil din sa masamang panahon, nagkaroon ng pinsala ang imprastraktura. Naitala ang isang power interruption, hindi madaanan ang 39 na lansangan at anim na tulay sa mga apektadong lugar.
Tinatayang umabot naman sa P215.7 million ang halaga ng pinsala, na may 698 na bahay ang partially damaged at 394 naman ang completely destroyed.
Sa ngayon, mahigit sa P15.15 million na tulong na ang naipamahagi.
Samantala, idineklara naman ang state of calamity sa Baco, Oriental Mindoro, at maging sa Don Marcelino at Malita sa Davao Occidental. (Daris Jose)
NAITALA ng Land Transportation Office (LTO) ang kabuuang 639,323 motorista na nahuli dahil sa iba’t ibang paglabag noong 2024, na nagpapakita ng pagtaas ng 20.75% kumpara sa parehong panahon noong 2023, ayon sa inilabas na pahayag ng LTO noong Biyernes, Enero 3.
Iniuugnay ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang pagtaas ng mga nahuling motorista sa pagpapatupad ng mga bagong istratehiya para sa mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran at regulasyon sa kalsada, na alinsunod sa adbokasiya ni DOTr Secretary Jaime J. Bautista para sa kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada.
Ayon sa datos ng LTO, kabuuang 529,439 na mga driver ang nahuli noong 2023 at sinabi ni Asec Mendoza na ang pinaigting na presensya ng mga enforcer ng ahensya, kasama ang pakikipagtulungan sa Philippine National Police (PNP) at mga lokal na pamahalaan, ay nagresulta sa pagtaas ng bilang ng mga nahuli.
Ang LTO-Calabarzon ang may pinakamataas na bilang ng mga nahuling driver na may 109,159, sinundan ng Cagayan Valley Region na may 70,855.
Nakapagtala rin ng 144.11% na pagtaas sa bilang ng mga nahuli sa LTO-Calabarzon noong 2024 kumpara sa 2023 (44,717 na nahuling motorista noong 2023 at 109,159 na motorista noong 2024); sinundan ng LTO-Mimaropa na may 120.76% na pagtaas, mula sa 14,079 na nahuling motorista noong 2023 patungo sa 31,081 na nahuli noong 2024.
“Binabati ko ang ating mga enforcer na nagpakita ng dagdag na pagsusumikap sa pagpapatupad ng mga batas-trapiko. Karamihan sa kanila ay nag-duty pa sa gabi at maging sa madaling araw upang ipatupad ang batas,” ani Asec Mendoza.
Kabilang sa mga operasyon sa gabi ay ang anti-colorum drive at mga operasyon laban sa mga truck na lumalabag sa mga regulasyon sa kaligtasan sa kalsada tulad ng overloading at paggamit ng sirang gulong.
Sa isang operasyon sa Katipunan Avenue sa Quezon City noong madaling araw ng Biyernes, Enero 3, nahuli ng mga enforcer ng LTO ang isang delivery truck dahil sa paggamit ng sirang gulong, isa pa nga sa mga ito ay may sira na talagang hindi na dapat gamitin.
Masaklap pa, ang drayber ng truck ay walang OR/CR at gumamit pa ito ng improvised plate.
“Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa utak ng mga may-ari at driver ng truck na mga ito na alam ng kalbo na ang gulong ng sasakyan at minsan nga ay may isra pa ay talagang ipipilit pang gamitin,” ani Asec Mendoza.
“Ito ay nagpapatibay sa aming determinasyon na magsagawa ng operasyon araw-araw upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ni Asec Mendoza na kabuuang 29,709 na sasakyan ang na-impound noong 2024.
Aniya, ang mga apprehension noong 2024 ay nagpakita ng 21.93% na pagtaas kumpara sa 24,366 na sasakyan na na-impound noong 2023.
Nangako si Asec Mendoza na ipagpapatuloy ang agresibong mga operasyon bilang bahagi ng mga pagsisikap ng gobyerno upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada.
“Hayaan ninyong magsilbing paalala ang mga resulta ng aming mga operasyon sa mga motorista na mas paiigtingin pa namin ang aming operasyon upang matiyak na susundin ng lahat ng motorista ang mga batas trapiko,” pahayag ni Asec Mendoza. (PAUL JOHN REYES)

HINIHIMOK ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco ang mga may-ari ng negosyo na samantalahin ang online business permit application at renewal system ng lungsod upang makatipid ng oras at maiwasan ang abala ng mahabang pila.
“Less than 20 minutes, nakuha na po ng isang taxpayer ang kanyang business permit. Online na po ang ating application at renewal, pati na rin ang payment, sa https://online.navotas.gov.ph. Basta kumpleto ang requirements, mapapadala na agad ang electronic copy ng permit sa inyong email address,” ani Tiangco.
Pinaalalahanan ang mga may-ari ng negosyo na maghain ng kanilang mga aplikasyon o pag-renew bago ang deadline sa Enero 20, 2025. Hinihikayat ng pamahalaang lungsod ang mga nagbabayad ng buwis na gamitin ang online platform para sa isang walang putol na karanasan.
Para sa mga walang access sa gadgets, sinabi ni Tiangco na handang tumulong sa kanila ang mga kawani ng Navotas Business One-Stop Shop.
Ang online system ay idinisenyo upang maghatid ng mabilis, mahusay, at madaling gamitin na mga transaksyon. Kasama rin dito ang mga pantulong na sertipiko at mga clearance na kinakailangan para sa mga business permit, tulad ng fire safety at sanitary inspection certificates, na ginagawang mas streamlined ang buong proseso.
Maaaring magbayad ang mga nagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng bank transfer, GCash, PisoPay, at iba pa.
“Mag-online na po tayo para maiwasan ang pila at abala. Kung may mga tanong, magTXT JRT lamang o pumunta sa ating Business One-Stop Shop para kayo ay magabayan,” dagdag ni Tiangco.
Noong Oktubre 2024, nakuha ng Navotas ang Seal of E-Boss Compliance mula sa Anti-Red Tape Authority (ARTA), isang testamento sa pangako nito sa patuloy na pagbuo ng mga digital system at pagpapasimple ng mga proseso para sa lahat ng nagbabayad ng buwis sa lungsod. (Richard Mesa)

HALOS 1,000 driver’s licenses ng mga “Pasaway” na motorista ang ni-revoked ng Land Transportation Office (LTO) sa 2024 dahil sa iba’t ibang paglabag, karamihan dito ay kaugnay ng pagmamaneho habang nasa ilalim ng impluwensya ng alak.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, kabilang sa mga binawing lisensya ang sa mga driver na sangkot sa mga viral video na na-monitor ng social media team ng ahensya o nai-report ng mga netizen sa LTO.
“May kabuuang 984 na lisensya ang binawi sa 2024. Lahat po ng mga ito ay dumaan sa tamang proseso ng due process,” ani Asec Mendoza.
“Bahagi rin ito ng ating agresibong kampanya para maipatupad ang disiplina at responsableng pagmamaneho bilang suporta sa adbokasiya sa kaligtasan sa kalsada ng ating DOTr Secretary Jaime J. Bautista,” dagdag niya.
Batay sa datos ng LTO, sinabi ni Asec Mendoza na 736 na lisensya ng driver ang binawi dahil sa mga paglabag sa Republic Act 10586 (Anti-Drunk and Drugged Driving Act), kabilang na rito ang pagmamaneho habang lasing, paggamit ng ilegal na droga o substansya, at pagtangging sumailalim sa mandatory alcohol test sa insidente ng aksidente sa kalsada.
Bukod dito, 130 lisensya ng driver ang binawi dahil sa paglabag sa RA 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code, partikular sa mga kwestyonableng paraan ng pagkuha ng lisensya.
Samantala, 94 lisensya ang binawi dahil sa paglabag sa mga probisyon ng RA 10930, ang batas na nagpapalawig ng bisa ng lisensya ng driver.
Kabilang sa mga paglabag ang pagkakaroon ng dobleng lisensya, pekeng dokumento, at pandaraya sa pagsusulit.
Dagdag pa rito, 24 na lisensya ang binawi dahil sa mga viral video sa social media at iba pang reklamo na isinampa sa LTO Central Office.
“Umaasa kami na ngayong taon ay mabawasan, o mas mabuti sana’y wala nang mga kasong administratibo na hahantong sa pagbawi ng lisensya dahil layunin ng LTO na maitaguyod ang pagiging responsable at disiplinado ng lahat ng motorista habang gumagamit ng ating mga kalsada,” pahayag ni Asec Mendoza.
“Ngunit magsilbing babala rin ito na handang suspendihin o bawiin ng LTO ang anumang lisensya kung kinakailangan para masiguro ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada. Kaya magtulungan po tayo,” dagdag pa niya.
Naunang iniulat ng LTO na umabot sa 639,323 motorista ang nahuli sa iba’t ibang paglabag, habang 29,709 na sasakyan naman ang nakumpiska noong 2024. (PAUL JOHN REYES)
NANGAKO si Malabon City Mayor Jeannie Sandoval na magbibigay ng higit pa at pagpapahusay ng mga proyektong pabahay para sa seguridad at kaligtasan ng mas maraming Malabueno dahil natapos ng pamahalaang lungsod ang halos 50 porsiyento ng kanilang unang socialized housing project sa Barangay Tinajeros noong 2024.
“Ano pa nga po’t mas marami at mas maganda pang mga proyektong pabahay ang layunin natin na maipatayo para sa mga Malabueno ngayong 2025. Ang mga proyekto pong ito na sisiguruhin nating maipatutupad ngayong taon ay bahagi ng ating layunin na lahat ng Malabueno ay mayroong mga tahanang malinis at may dignidad. Alam natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos na bahay kaya’t makakaasa po kayo sa ating patuloy na pagsasagawa ng mga programa. Sama-sama tayo, walang maiiwan,” ani Mayora.
Sinabi ng City Engineering Department na malaki ang naging pag-unlad nito sa pagtatayo ng 11-palapag na Libertad 1 mid-rise housing project (Building B) sa Sisa Ext., Barangay Tinajeros at malapit na itong mapakinabangan ng nasa 88 Malabuenos.
Noong Disyembre 26, 2024, natapos nito ang bored pile works at ang proyekto ay nasa steel work phase na kung saan patuloy ang pagkabit ng mga steel column sa unang walong palapag.
Noong nakaraang Oktubre, inilunsad ng City Housing and Urban Development Department (CHUDD) ang Socialized Housing Application ng lungsod kung saan mahigit 18,000 Malabueño ang nag-preregister online na nagpapahiwatig ng kanilang interes na mag-apply. Noong Disyembre 31, nakatanggap ang CHUDD ng 911 na aplikasyon na may mga sumusuportang dokumento.
Noong 2024, iginawad ni Mayor Jeannie at ng city governemt ang Certificates of Entitlement of Lot Allocation sa mahigit 440 residente sa Sitio Sto. Nino, Brgy. Baritan, Sangciangco St., Brgy. Catmon, Naglakar, Brgy. Longos, at Orange Road, sa Barangay Potrero.
Mayroon ding mahigit 642 pamilya ang nailipat sa St. Gregory Homes sa Barangay Panghulo, isang proyektong pabahay at relokasyon sa lungsod na may 1,380 unit na itinayo katuwang ang pambansang pamahalaan.
Layon naman ng Community and Urban Poor Affairs Office (CUPAO) na mailipat ang nasa 3,014 pamilyang nakatira malapit sa mga daluyan ng tubig sa St. Gregory Homes at iba pang proyektong pabahay para sa kanilang kaligtasan at seguridad.
Samantala, ibinahagi ni City Administrator at CHUDD head Dr. Alexander Rosete na simula nang likhain ang CHUDD noong 2023, aktibong kinilala, sinusubaybayan, at ininspeksyon nito ang mga lupaing pag-aari ng pamahalaang lungsod para sa mas maraming pabahay at lote. mga programa. (Richard Mesa)

LAGLAG sa selda ang isang lalaki na nakatala bilang No. 6 Top Ten Most Wanted Person (TTMWP) sa National Capital Region Police Office (NCRPO) matapos makorner ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) sa ikinasang manhunt operation sa Caloocan City.
Ayon kay NPD Acting Director P/Col. Josefino Ligan, nakatanggap sila ng impormasyon na naispatan sa Brgy. 73, Caloocan city ang presensya ng 26-anyos na akusado na residente ng Block 45 Addition Hills, Mandaluyong City at nakatala din bilang No. 1 TTMWP sa NPD.
Agad inatasan ni Col. Ligan ang District Special Operations Unit (DSOU-NPD) na bumuo ng team para sa isasagawang pagtugis sa akusado na nakatala din No. 1 TTMWP sa Malabon police.
Sa koordinasyon sa Regional Intelligence Unit NCR (NDIT-RIU NCR), Regional Intelligence Division (RID-NCRPO), Warrant and Subpoena Section-Malabon City Police Station (WSS-MCPS), District Intelligence Division-NPD (DID-NPD), at NPD District Mobile Force Battalion (DMFB), ikinasa ng DSOU ang police operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-7:30 ng gabi sa Samson Road corner Abbey Road, Brgy. 73.
Binitbit ng pulisya ang akusado sa bisa ng mga warrant of arrest na inisyu nina Presiding Judge Rhoda Magdalena L. Mapile-Osinada ng RTC Branch 289, Malabon City, noong March 23, 2023, para sa kasong Rape na wlang inirekomendang piyansa at Acting Presiding Judge Analyn F. Ramas-Costanilla ng RTC Branch 22, Pagadian City na may petsang April 26, 2019 para naman sa kasong Acts of Lasciviousness in relation to R.A. 7610 at Rape in relation to R.A. 7610 (2 counts).
Pinuri naman ni Col. Ligan ang DSOU at kasamang mga unit sa kanilang pagtutulungan at mabilis na pagsisikap.
“This operation exemplifies the unwavering commitment of our police personnel to uphold justice and maintain peace and order in our communities.” aniya. (Richard Mesa)

PUMANGATLO ang Senior Citizens party-list na nakakuha ng 4.62% sa isinagawang Voter Preference for Party-list survey ng Social Weather Station (SWS) nitong Disyembre 12-18.
Una ang 4Ps Party-list na may 13.51% at sumunod ang ACT-CIS na may 5.63%.
Mauupo ang tatlong nominado ng 4Ps at dalawa naman sa mga nominado ng ACT-CIS at Senior Citizens kung isasagawa ang halalan ngayon.
Ang lima pang party-list groups na nakakuha ng higit dalawang porsiyento ay ang Duterte Youth, Ako Bicol, Tingog, TGP at Uswag Ilonggo.
Base sa batas na gumagabay sa party-list groups, ang makakakuha ng dalawang porsyento sa kabuuang bilang ng boto ay garantisadong uupo ang kanilang unang nominado bilang miyembro ng Kamara.
Sinabi ni Senior Citizens Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes na pagpapakita lamang ito na maraming botante ngayon ang pinipili ang party-list groups na isinusulong ang kapakanan ng mga mahihirap, senior citizen at walang trabaho.
“Nais ng ating mga kababayan na magkaroon ng tunay na boses sa Kongreso ang sektor ng lipunan na hindi masyadong nabibigyan ng pansin,” dagdag pa ng mambabatas.
Ngayong taon, ibibigay na ang P10,000 cash gift sa mga edad 80, 85, 90 at 95 na kabilang sa mga isinulong na panukalang batas ni Ordanes noong nakaraang taon.