INATASAN ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang lahat ng mga regional director na tiyaking maipamahagi na ang lahat ng plaka ng tricycle, partikular ang mga ginagamit sa pampublikong transportasyon, bago ang Abril 30 ngayong taon.
Ang kautusan ay inilabas matapos lumabas sa imbentaryo ng mga naimprentang plaka na sapat na ang bilang ng mga ito para sa lahat ng tricycle sa buong bansa. Ang natitirang hamon na lamang ay kung paano ito maipapamahagi sa tamang mga may-ari.
Ipinaliwanag ni Asec Mendoza na kumpiyansa ang ahensya na matatapos ang distribusyon ng plaka ng tricycle sa buong bansa dahil sa malaking pag-unlad sa proseso ng pag-iimprenta ng plaka mula noong nakaraang taon.
“Bahagi ito ng aming catch-up plan para maipamahagi ang mga plaka. Tulad ng aming ipinangako, ginagawa namin ang lahat upang mapabilis ang pag-iimprenta, at masaya naming ibinabalita na nagawa na namin ito. Ang hamon na lamang ngayon ay maihatid ang mga ito sa mga may-ari,” ani ni Asec Mendoza.
“Nagpapasalamat tayo sa ating DOTr Secretary sa kanyang patuloy na suporta upang masolusyunan ang matagal nang problema sa plaka na nagsimula pa noong 2014,” dagdag niya.
Inutusan na rin ni Asec Mendoza ang lahat ng LTO regional director na gumawa at magsumite ng plano kung paano nila ipapamahagi ang mga plaka sa kani-kanilang nasasakupan.
Binibigyan aniya ng hanggang Enero 27 ang mga LTO Regional Director upang isumite ang kanilang distribution plan. Layunin nitong gabayan sila sa implementasyon base sa mga nakaraang karanasan.
Gayunpaman, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang tagumpay ng programa.
“Simula pa noon, malaki na ang papel ng mga LGU sa distribusyon ng plaka. Maging ang mga opisyal ng barangay ay laging handang tumulong. Ang kailangan lang ay maayos na koordinasyon,” ani Asec Mendoza.
Ang distribusyon ng plaka ng tricycle ay bahagi ng pagsisikap ng LTO na resolbahin ang backlog ng plaka ng motorsiklo bago ang Hulyo ngayong taon.
Naayos na ang backlog ng mga plaka para sa mga sasakyang may apat na gulong noon pang Enero ng nakaraang taon.
Binigyang-diin din ni Asec Mendoza ang kahalagahan ng pagkakaroon ng wastong plaka ng mga tricycle, bilang bahagi ng solusyon sa problema sa mga kolorum na tricycle sa mga bayan at lungsod.
Sa Quezon City, halimbawa, nagpasalamat ang lahat ng Tricycle Operators and Drivers Associations (TODA) kay Asec Mendoza matapos masolusyunan ang backlog sa mga plaka. Naipamahagi ang mga ito sa tulong ng LGU ng Quezon City.
Bunga nito, sinabi ng mga opisyal ng TODA na lubos na gumanda ang kanilang kita dahil nabawasan na ang mga kolorum na tricycle.
“Hangad naming maipakalat ang mabuting halimbawa sa Quezon City sa buong bansa. Sa tulong ng LGU, hindi lang natin malulutas ang backlog kundi pati na rin ang problema sa mga kolorum na tricycle,” ani Asec Mendoza. (PAUL JOHN REYES)