HINDI sigurado at hindi pa madetermina ng Philippine Embassy sa Washington kung may mga undocumented Filipino ang umalis na ng Estados Unidos bago pa ang inaasahang mass deportation sa ilalim ng Trump administration.
“We are not sure whether many of those that are undocumented na ating mga kababayan have left,” ayon kay Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez sa isang panayam.
Ang alam lamang ni Romualdez ay pinayuhan ng embahada ang mga undocumented Filipino na umalis na muna ng Estados Unidos at magbalik-Pinas muna dahil hindi na makababalik pa ang mga ito kapag-nadeport na.
“Yun nga ang advice namin sa kanila. Kung wala talaga silang legal path, it is better they go na muna para makabalik sila dito at some point in time. Kasi kapag ma-deport ka, talagang hindi ka na makakabalik,” aniya pa rin.
Ani Romualdez, sinabi ng US government na prayoridad sa deportasyon iyong mga may criminal records at maging sa 1.3 million immigrants na naproseso na.
Sa ulat, higit apat na milyong Pilipino na nasa Estados Unidos ay 300,000 sa kanila ang undocumented at nangangambang sila ang unahing ideport.
Sinasabing pang-anim kasi ang mga Pilipino sa pinaka maraming illegal immigrants sa Estados Unidos kung saan nangunguna rito ang India.
Bukod dito, sinasabi pa rin n amarami ang sumusuporta kay Trump sa kanyang kampanya laman sa illegal immigrants at naniniwala sila na hindi maganda sa kultura ng US ang pananatili ng mga undocumented sa nasabing bansa.
Gayunpaman ay marami ring mga democrats ang tumututol sa ganitong sistema at may mga lider na rin ng ilang mga estado ang nagpahayag na hindi sila susunod sa kautusan ni Trump na may kaugnayan sa deportation.
Kabilang rito ang Los Angeles City sa California na nagpatupad ng “Sanctuary City” Ordinance na naglalayong protektahan ang kapakanan ng mga immigrants sa lugar.
Malaking tulong din kasi umano ang mga nasabing immigrants para sa ilang industriya kagaya na lamang sa sektor ng agrikultura, health at sa mga services.
Nais din sana ng mga nasabing Pilipino na maging documented subalit dahil sa hirap ng immigration process kung kaya’t napipilitan silang maging illegal immigrant. (Daris Jose)