• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 1:35 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for January 29th, 2025

LTO binalaan ang mga drver at operator na tiyaking nasa maayos ang maintenance ng kanilang mga sasakyan

Posted on: January 29th, 2025 by Peoples Balita No Comments

NAGBABALA ang Land Transportation Office (LTO) sa mga driver at operator ng public transportation na “tiyaking” maayos ang maintenance ng kanilang mga sasakyan, matapos ang ilang insidente ng pagkasunog ng mga sasakyan sa kalsada, kabilang ang nangyaring sunog sa isang taxi sa Quezon City noong Enero 8.

 

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, pananagutan ng parehong driver at operator na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang mga sasakyan bilang bahagi ng mga kondisyon sa kanilang pagkuha ng pahintulot upang mag-operate ng pampublikong sasakyan.

 

“Ginagamit natin ito sa ating negosyo, sa ating paghahanapbuhay kaya dapat lang naman na tiyakin na laging nasa maayos ang kondisyon ng mga ito. Alalahanin natin na buhay ng mga pasahero at mga road users ang nakasalalay din dito,” ani Asec Mendoza.

 

“Ang paalala ring ito ay para sa mga pribadong may-ari ng sasakyan. Pananagutan natin bilang mga may-ari na panatilihing nasa maayos na kondisyon ang ating sasakyan, hindi lang para sa ating kaligtasan at ng ating pamilya, kundi pati na rin ng iba pang gumagamit ng kalsada,” dagdag  niya.

 

Ang babala ay inilabas ni Asec Mendoza matapos ang isinasagawang imbestigasyon sa taxi na nasunog sa EDSA sa Barangay Sto. Cristo, Quezon City, bandang alas-9 ng gabi noong Enero 8.

 

Sa ginanap na pagdinig nitong Lunes, Enero 27, kinumpirma ng driver ng taxi ang insidente at sinabing nagmula ang sunog sa bahagi ng makina.

 

Nahaharap ang driver sa kaso ng reckless driving dahil sa pagmamaneho ng hindi road worthy na sasakyan.

 

Sa parehong pagdinig, sinabi ng operator ng taxi na nabili niya ang sasakyan noong Agosto 2023 ngunit hindi pa naililipat sa kanyang pangalan ang rehistro nito.

 

Napag-alaman din na parehong lumabag ang driver at ang operator sa kautusan ng Bureau of Fire Protection Quezon City na huwag baguhin o alisin ang anumang ebidensya sa lugar ng insidente nang walang pahintulot mula sa mga imbestigador.

 

Sinabi ni Asec Mendoza na isinumite na ang kaso para sa resolusyon upang matukoy kung ang driver ay mananagot sa reckless driving at kung ang operator ng taxi ay maaring managot sa paggamit ng maayos na na-maintain na sasakyan, paglabag sa anti-carnapping law, at sa LTFRB Memorandum Circular 2023-27 na nagbabawal sa pagtanggap ng mga aplikasyon para sa bentahan o paglilipat, boluntaryo man o hindi, ng Certificate of Public Convenience (CPC).

 

Samantala, inirekomenda ng mga imbestigador na itag bilang “inactive” sa sistema ng LTO ang naturang taxi, dahil idineklara itong “total loss” upang maiwasan ang anumang transaksyon ukol dito sa hinaharap. (PAUL JOHN REYES)

Vloggers na nagkakalat ng fake news tatalupan ng Kamara

Posted on: January 29th, 2025 by Peoples Balita No Comments

SISIMULAN na ng Tri-committee ng Kamara ang imbestigasyon sa mga indibidwal na nasa likod ng talamak na pagpapakalat ng fake news na isa umanong matin­ding panlilinlang sa publiko.

Magsasagawa nga­yon ng executive briefing ang joint panel na binubuo ng Committees on Public Order, on Public Information, at Information and Communications Technology (ICT) na pangungunahan ni Sta. Rosa Rep. Dan Fernandez.“Ang mga Pilipino ay may karapatan sa katotohanan. Dapat protektahan natin ang ating mga kababayan laban sa mga maling impormasyong nagdudulot ng takot, kalituhan at pagkakawatak-watak ng ating lipunan,” sabi ni Fernandez.

Iginiit ni Fernandez na ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon para sa perso­nal o politikal na interes ay dapat na managot.

“Ang fake news ay lason na sumisira sa ating demokrasya. Hindi tayo titigil hangga’t mapanagot ang mga nasa likod nito at matiyak na may tamang proteksyon ang ating mga kababayan,” dagdag pa ng solon.

Pangunahing isyu na tatalakayin ang transpa­rency ng mga social media platforms sa pagtukoy at pagtanggal ng maling impormasyon, pagpapatupad ng mga hakbang sa pananagutan laban sa mga paulit-ulit na lumalabag tulad ng mga iresponsableng vlogger at influencer, at ang mas malawak na epekto ng disimpormasyon sa pambansang seguridad, lalo na sa usapin ng hidwaan sa West Philippine Sea.

Kabilang sa mga inimbitahan ang mga pangunahing social media platforms upang ipaliwanag ang kanilang mga polisiya at hakbang kung paano nila nilalabanan ang fake news, cyberbullying, at mapanirang content.

Sinabi ni Fernandez na tutukuyin din sa imbestigasyon ang mga butas sa batas upang matugunan ang mga isyu.

Nanawagan din ang solon sa publiko na huwag basta maniwala sa mga impormasyon na kanilang nakikita online at maging mapanuri upang malaman kung peke ang mga ito.

Tututukan din sa imbestigasyon ang mga panganib na dulot ng fake news sa mga ordinaryong Filipino, lalo na sa kabataan at marginalized na pangunahing biktima ng cyberbullying at online harassment.

 

Gilas Pilipinas may friendly game muna bago ang FIBA Asia Cup Qualifiers

Posted on: January 29th, 2025 by Peoples Balita No Comments

GAGAMITIN ng Gilas Pilipinas ang lalahukan nilang friendly games bilang paghahanda sa FIBA Asia Cup 2025 Qualifiers.

Aalis ang Gilas patungong Doha sa Pebrero 13 para lumahok sa International Friendly Basketball Championship sa Qatar.

Mula Pebrero 14 hanggang 16 ang laro na lalahukan ng host country na Qatar, Egypt, Lebanon at Pilipinas.

Makakasama nila si Troy Rosario na siyang pumalit sa injured player na si Kai Sotto.

Tiwala si Gilas coach Tim Cone sa 6 -foot-6 na si Rosario na kayang dalhin ang koponan at umaasa itong mapipili ito sa final roster.

Kabilang kasi si Rosario ng magwagi ng tatlong gintong medalya ang Gilas sa Southeast Asian men’s basketball.

Unang makakaharap ng Gilas sa FIBA Asia Cup 2025 Qualifiers ang Taiwan sa Pebrero 20 habang ang New Zealand ay sa Pebrero 23.