• March 11, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for January 8th, 2025

National Museum, araw-araw nang bukas simula ngayong 2025

Posted on: January 8th, 2025 by Peoples Balita No Comments

National Museum, araw-araw nang bukas simula ngayong 2025
INANUNSYO ng National Museum of the Philippines na araw-araw nang bukas at may operasyon ang mga museyo simula ngayong 2025 para sa mga nais bumisita dito.
Ayon sa inilabas na pahayag ng pamunuan ng National Museum sa isa sa kanilang mga social media accounts, araw-araw na bukas ang kanilang Central Complex sa Maynila at mga Regional Component Museums sa buong bansa simula ngayong taon.
Layunin kasi ng ahensya na makapagbigay ng malawak na oportunidad at kaalaman sa publiko hinggil sa mga nilalaman ng kasaysayan ng bansa at ang pinagmulan nito.
Ito rin ay para masiguro na mas maraming mga Pilipino ang makikinabang sa mga programa at serbisyo ng naturang ahensya.
Samantala, dahil sa anunsyong ito ay inaasahan ng kanilang pamunuan na mas marami ang ma-e-engganyo na pumunta at bumisita sa mga museyo at galleries ngayong taon.

Presyo ng kamatis, umaabot na ng P20 kada piraso – DA

Posted on: January 8th, 2025 by Peoples Balita No Comments

LALO pang tumaas ang presyo ng kamatis sa mga pamilihan, batay sa monitoring ng Department of Agriculture.
Sa huling update ng ahensiya, umakyat na sa P360 kada kilo ang presyo ng kamatis, lalo na ang magaganda ang kalidad.
Ibig sabihin nito, ang isang kilo ng kamatis ay mas mahal pa kaysa sa isang kilo ng manok na umaabot lamang sa P240 kada kilo. Ito ay halos katumbas na ng kada kilong presyo ng pork shoulder na kasalukuyang nasa P390 kada kilo.
Ayon sa DA, ang mga medium-sized na kamatis ay aabot na ng P20.00 kada piraso o mas higit pa.
Una nang sinabi ng ahensiya na ang mga magkakasunod na bagyong tumama sa Pilipinas ang pangunahing dahilan ng labis na naka-apekto sa suplay at presyo ng mga agricultural products, pangunahin na ang mga gulay tulad ng kamatis.
Maliban sa kamatis, binabantayan din ng DA ang labis na pagtaas ng presyo ng siling labuyo sa mga merkado.
Batay sa update ng ahensiya, umaabot na sa P1,000 ang kada kilong presyo ng siling labuyo mula sa dating P900 kada kilo, ilang araw na ang nakakalipas. (Daris Jose)

Mga dadalo sa ‘pahalik’ sa Hesus Nazareno, pinayuhang mag-sanitize

Posted on: January 8th, 2025 by Peoples Balita No Comments

NANAWAGAN si Father Rufino “Jun” Sescon Jr ang rector ng Minor Basilica at National Shrine ng Jesus Nazareno sa mga nakapila na sa ‘pahalik’ na ugaliing mag-sanitize.
Sinabi nito na mahalaga na pagkatapos na hawakan ang rebolto ng Itim na Nazareno ay maghugas o mag-sanitize na agad.
Mahalaga aniya ito para hindi mahawaan ng anumang sakit dahil sa magkakahalo na ang mga taong nakapila.
Mula nitong gabi ng Lunes ay sinimulan ang pila ng ‘pahalik’ para sa itim na Nazareno sa Quirino Grandstand. (Gene Adsuara)

Mayor Jeannie, nagbigay ng tulong sa mga biktima ng sunog sa Malabon

Posted on: January 8th, 2025 by Peoples Balita No Comments

NAGBIGAY ng tulong si Malabon City Mayor Jeannie Sandoval sa 56 indibidwal o 15 pamilya na lubos na nasira ang mga tahanan sa naganap na sunog sa Flovi Homes, Phase 6, Letre, Barangay Tonsuya noong Linggo.
“Tuwing sumasapit ang bagong taon, may mga pagkakataong hindi naiiwasan ang ganitong mga insidente. Kaya nararapat lang po na tayo ay magdoble ingat lalo na sa ating mga appliances  at gadgets, gayundin ang mga paputok. Mayroong man hong mga naapektuhan sa sunog ay makasisiguro po kayo na ang pamahalaang lungsod ay palaging nakahandang tumulong, umagapay, upang kayo ay muling makabangon. Nandito lamang po kami para sa inyo,” ani Mayora.
Personal na kinamusta at inabot ni Mayor Jeannie ang family food packs na naglalaman ng bigas, kape, bottled water, noodles, at canned goods, at non-food items kasama ang hygiene kits sa mga nasunugan na nanatili sa Barangay Tonsuya.
Nauna nang nagbigay ang City Social Welfare and Development Department (CSWDD) ng maiinit na pagkain at modular tent sa mga pamilya. Naglagay din sila ng portalets sa lugar para sa kaginhawahan ng mga pamilya.
Ayon sa Malabon City Fire Station (MCFS), itinaas sa first alarm ang sunog dakong alas-2:36 ng hapon at naapula bandang alas-3:14 ng hapon kung saan anim na bahay ang natupok ng apoy.
Agad namang nagsagawa ng assessment ang CSWDD para matukoy ang pangangailangan ng mga apektadong pamilya at sinabi nito na ang tulong pinansyal at shelter repair kits ay malapit nang ibigay sa mga biktima.
Pinaalalahanan ni Mayor Sandoval ang mga residente na manatiling mapagbantay at mag-ingat sa lahat ng oras. Kabilang dito at pagtiyak na nakapatay ang mga kandila kapag hindi ginagamit at ang pag-unplug ng mga de-koryenteng device at appliances upang maiwasan ang mga katulad na insidente. (Richard Mesa)