• March 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for January 2nd, 2025

Mahigit 200-K pasahero, naitala sa mga pantalan sa PH sa bisperas ng Bagong Taon

Posted on: January 2nd, 2025 by Peoples Balita No Comments

Nakapagtala ang Philippine Coast Guard (PCG) ng kabuuang 264,572 pasahero sa lahat ng mga pantalan sa buong bansa sa Bisperas ng Bagong taon.
Sa consolidated report ng PCG, nasa 133,760 ang naitalang outbound passengers habang nasa 130,812 ang inbound passengers.
Nagsagawa naman ng inspeksiyon ang nasa 2,964 frontline personnel mula sa 16 PCG districts sa 1,447 vessel at mahigit 2,000 motorbancas.
Samantala, nananatili namang naka-heightened alert ang PCG districts, stations at sub-stations hanggang sa araw ng Biyernes, Enero 3 para mapangasiwaan ang muling pagbuhos ng mga pasahero sa mga pantalan na magsisibalikan sa kanilang mga trabaho matapos ang holiday season.
Para naman sa anumang concern at clarifications sa biyahe sa dagat, mangyari lamang makipag-uganyan sa pamamagitan ng PCG official Facebook page o Coast Guard Public Affairs Service (0927-560-7729). (Daris Jose)

PBBM kumpiyansa makakamit ng gobyerno ang mga target na programa sa susunod na taon; 2025 nat’l budget magdudulot ng pag-unlad sa ekonomiya

Posted on: January 2nd, 2025 by Peoples Balita No Comments

POSITIBO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makakamit pa rin ang mga target na programa sa susunod na taon kahit mas mababa mula sa panukala ang inaprubahang 2025 national budget.
Sa line veto message ng Presidente sinabi nito na inaasahang magdudulot ng “multiplier effect” sa ekonomiya  ng bansa ang inaprubahang budget.
Maging si Finance Secretary Ralph Recto ay nagsabi din na magiging matatag ang takbo ng ekonomiya sa susunod na taon.
Binigyang-diin ni Recto na first time sa history ng bansa na kapwa ang education sector at ang capital outlay sector ng  DPWH, DOTr (Department of Transportation) na nagkaroon ng trillion pesos na budget kaya malaki ang ambag nito sa paglago ng ekonomiya sa 2025.
Inaasahan din ng Pangulo ang pagbuti ng proseso sa pagnenegosyo at paglikha ng mas maraming  bagong trabaho.
Susuportahan ng budget ang modernisasyon ng agrikultura at agribusiness, pagtataguyod ng kalakalan at investments, pagpapasigla ng mga serbisyo, at mas advance na research and development. (Daris Jose)

New Year message ni VP Sara Duterte, sumentro sa mga hamon at katarungan

Posted on: January 2nd, 2025 by Peoples Balita No Comments
NAKATUON sa mga hamon ng buhay, pagsubok at paninindigan ang mensahe ni Vice President Sara Duterte para sa pagtatapos ng 2024.
Pero nakasentro naman sa pananalig sa Diyos, pagtutulungan at pagpapabuti ng pamilya ang tema ng kaniyang hamon para sa 2025.
Nagpasalamat din siya sa mga patuloy na nagmamahal sa bayan, nagsusumikap at nagtitiyaga para sa magandang kinabukasan.
Narito ang mensahe ni VP Sara Duterte:
Assalamu Alaykum Warahmatullahi Wabarakatuh!
Madayaw ug maayong adlaw kaninyong tanan!
Magandang araw sa inyong lahat.
Sa ating mga kababayan sa iba’t ibang panig ng mundo, ako ay nakikiisa sa inyong maligayang pagsalubong ng Bagong Taon.
Ang taong 2024 ay sumubok sa ating katatagan at humulma sa atin bilang isang sambayanang naninindigan para sa katarungan at kaunlaran.
Ngayong 2025, sama-sama nating harapin ang iba’t ibang hamon na magpapatibay sa atin bilang isang bansang patuloy na nananalig sa Diyos at nagtutulungan para sa ikauunlad at ikabubuti ng ating pamilya.
Sa ating pagsalubong sa Bagong Taon, ako ay nagpapasalamat sa inyong walang-sawang pagmamahal sa bayan na ipinamalas ninyo sa inyong pagsusumikap, pagtitiis, at pagtitiyagang magkaroon ng mas magandang kinabukasan.
Magpabilin ako nga nahiusa kaninyo sa inyong mga pangandoy alang sa kauswagan ug kalinaw. Atong atubangon ang bag-ong tuig uban ang paglaom nga ang tanan natong mga kalisod ug mga paningkamot sa ngadto-ngadto, makahatag og positibong kausaban.
_(Mananatili akong kaisa ninyo sa inyong mga pangarap para sa kaunlaran at kapayapaan. Salubungin natin ang Bagong Taon kaakibat ang pag-asa sa likod ng mga pagsubok at pagsusumikap na makakapagbigay ng positibong pagbabago.)_
Ang lahat ay para sa Diyos, sa bayan, at sa bawat pamilyang Pilipino.
Happy New Year sa inyong lahat!
Shukran.
(Daris Jose)

PBBM nagpaabot ng pakikiisa sa pagdiriwang ng bagong taon, pinuri katatagan ng mga Pilipino sa kabila ng mga hamon sa buhay

Posted on: January 2nd, 2025 by Peoples Balita No Comments

NAGPAABOT ng pakikiisa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lahat ng Pilipino sa loob at labas ng bansa sa pagdiriwang ng Bagong Taon.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni PBBM ang kahalagahan ng pagkakataong ito upang matuto mula sa nakaraan at gamitin ang mga aral para sa patuloy na pag-unlad ng bawat isa.
Tinukoy ng Chief Executive ang mga pagsubok na hinarap ng bansa nitong nakaraang taon, kabilang na ang mga kalamidad na aniya’y nakaapekto sa maraming komunidad.
Gayunpaman, pinuri niya ang katatagan ng mga Pilipino at ang diwa ng bayanihan na, ayon sa Pangulo, ay naging daan upang malampasan ang mga ito.
Giit ng Presidente, sa kabila ng mga hamon ay ipinakita ng ating mga kababayan ang hindi matatawarang lakas na dulot ng pagkakaisa at pagtutulungan na aniya’y nagsilbing inspirasyon sa ating patuloy na pagbangon.
Sa pagsalubong sa taong 2025, nagpahayag ang Punong Ehekutibo ng kanyang panibagong pag-asa at kumpiyansa lalo pa’t ang ating mga karanasan aniya ang gagabay sa atin tungo sa pagbuo ng isang kinabukasang puno ng pangako at layunin.
Kasabay nito, hinikayat din ni Pangulong Marcos ang lahat na patuloy na magkaisa, magtulungan, at ipakita ang diwa ng malasakit sa kapwa.
Aniya, sa ganitong paraan ay mas mapapatatag ang ugnayan ng sambayanan at mas mapapabilis ang pagbangon at pag-unlad ng ating bansa.
( Daris Jose)

Bilang ng mga biktima ng paputok nitong holiday season, pumalo na sa 340

Posted on: January 2nd, 2025 by Peoples Balita No Comments

PUMALO na sa 340 ang bilang ng mga biktima ng paputok ngayong holiday season mula sa 62 sentinel sites na binabantayan ng Department of Health mula Disyembre 22, 2024 hanggang kaninang alas-6 ng umaga ngayong New Year, Enero 1, 2025.

Sa naturang bilang 141 ang nadagdag ngayong araw, subalit 64% itong mas mababa kumpara sa naitala noong Enero 1, 2024, bagamat maaaring mayroon pa aniyang late reports.
Nasa 239 sa mga biktima ay 19 taong gulang pababa habang 101 naman ang 20 anyos pataas. Sa kasarian ng mga biktima, 299 dito ay kalalakihan habang 41 naman ay kababaihan.
Karaniwang sanhi ng natamong injury ng mga biktima ay dahil sa iligal na paputok tulad ng boga, 5-star at piccolo.
Ayon sa DOH, ang pangunahing injury na natamo ng mga biktima ng paputok ay eye injury, pagkaputol sa bahagi ng katawan at sunog sa balat.
Kayat paalala ng ahensiya sa publiko sakali man na naputukan, komunsulta agad sa ospital o doktor kahit maliit lamang ang natamong sugat mula sa paputok upang maiwasan ang tetano. Basain ng tubig ang mga paputok na hindi pumutok sa kalsada.
Gayundin payo ng DOH na huwag putulin ang mga paputok na hindi sumabog, linisin ang paligid at siguruhing walang mga anumang natirang paputok o pulbura mula sa mga paputok. Manatiling maging alerto at bantayan ang mga anak at iwasan ang paggamit ng natirang mga paputok.
(Daris Jose)

P9.9-B budget ng DepEd nabawasan sa ilalim ng 2025 General Appropriations Bill – DBM

Posted on: January 2nd, 2025 by Peoples Balita No Comments

KINUMPIRMA ng Department of Budget and Management (DBM) na nabawasan ng P9.9 bilyon ang pondo para sa DepEd Computerization Program base sa bersyon ng General Appropriations Bill na lumusot sa Kongreso.

Nilinaw ni DBM Undersecretary Goddes Hope Libiran na wala nang kapangyarihan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibalik o i-realign ang mga pondong nabawasan matapos maratipikahan ng Kongreso ang proposed budget.
Aniya, ang kapangyarihang magdagdag o magbawas ng badyet, hangga’t ito’y nasa loob ng ceiling, ay nasa sa Kongreso pa rin alinsunod sa Konstitusyon.
Bagama’t nabawasan ang pondo sa ilalim ng 2025 national budget, ipinunto naman ni Libiran na batay sa datos ay nasa 85.14% o ₱7.5 bilyon pa lamang ng ₱8.9 bilyong pondo para sa programang ito ang nagamit ng ahensya.
Ibig sabihin, nasa 15.54% lamang ang na-disburse ng DepEd mula sa nasabing halaga, na nangangahulugang mayroon pang ₱1.3 bilyon na hindi pa nagagamit na pondo.
Kaya naman, bilang solusyon, iminungkahi ng DBM na gamitin muna ang mga undisbursed funds upang suportahan ang programa.
Kapag kinapos, may nakalaan naman aniyang pondo sa 2025 Unprogrammed Appropriation o kaya’y maaaring magamit ang Contingent Fund, basta’t maipapakita na urgent o kinakailangan talagang gawin ang proyekto.
(Daris Jose)