• March 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for December 31st, 2024

Matapos tapyasan ang DPWH budget: Sektor ng edukasyon, may pinaka-mataas na budget sa P1.055- T

Posted on: December 31st, 2024 by Peoples Balita No Comments

ANG SEKTOR ng edukasyon ang mayroong malaking bahagi sa 2025 national budget matapos tapyasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng budget ang ilang items sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Tinintahan ni Pangulong Marcos, araw ng Lunes, upang maging ganap na batas ang 2025 national budget matapos na I-veto nito ang P194 bilyon na line items.
Matatandaang, ang government budget para sa susunod na taon ay orihinal na itinakda sa halagang P6.352 trillion, subalit ang ginawang pag-veto ng Pangulo sa ilang line items ang dahilan para lumiit ito sa P6.326 trillion.
Sa mga vetoed items, P26.065 billion ang proyekto sa ilalim ng DPWH at P168.240 billion ang inilaan sa ilalim ng unprogrammed appropriations.
Sinabi naman ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na ang sektor ng edukasyon ang mayroon ngayong pinakamataas na alokasyon na may P1.055 trillion kasunod ng pagtapyas sa budget ng DPWH.
Ang pondo ay ikinalat sa Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education, Technical Education and Skills Development Authority, Local Government Academy, Philippine National Police Academy, Philippine Public Safety College, National Defense College of the Philippines, Philippine Military Academy, Philippine Science High School System, Science Education Institute, at state universities and colleges.
Tinatayang P1.007 trillion ang naiwan na pondo ng DPWH.
Sa kabilang dako, sinabi ni Finance Secretary Ralph Recto na ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang edukasyon at ang infrastructure budget kapuwa nakakuha ng trillion-peso mark.
“That would augur well for the economy’s growth for 2025,” ang sinabi ni Recto sa Palace press briefing.
Sa kabilang dako, ang iba pang ahensiya na may pinakamalaking budget allocation para sa 2025 ay ang Department of National Defense (DND) na may P315.1 billion; Department of the Interior and Local Government (DILG) na may P279.1 billion; Department of Health (DoH) na may P267.8 billion; at Department of Agriculture (DA) na may P237.4 billion.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay may alokasyon na P217.5 billion; Department of Transportation, (DOTr) ay mayroong P123.7 billion; Judiciary, P64.0 billion; at Department of Justice (DoJ) na may P42.2 billion.
Naghahanap naman ang administrasyon ng remedyo sa budget cuts sa DepEd, bunsod na rin ng pangko ng Pangulo na ibabalik ang tinapyas na appropriation.
Bagaman hindi madagdagan ang pondo ng mga ahensiya sa sa oras na isumite na ng bicameral conference committee ang budget bill sa Pangulo, winika ni Pangandaman na maaari pa ring gamitin ng gobyerno ang unprogrammed appropriations at labis na kita para sa mga education program.
“As long as mayroon tayong (we have an) additional revenue from the DoF [Department of Finance], we can actually augment or increase the budget of DepEd. Specifically for computerization program,” ang sinabi ng Kalihim.
Sumang-ayon naman si Recto, sabay sabing prayoridad ng Pangulo ang edukasyon.
“I think the President wants to prioritize the additional spending on education which is found in the unprogrammed portion of the budget. So, if there are excess revenues, we would immediately release that part of the budget,” ang sinabi pa rin ni Recto. ( Daris Jose)

VP Sara ngayong Rizal Day: alalahanin ang kanyang katapangan sa gitna ng opresyon

Posted on: December 31st, 2024 by Peoples Balita No Comments

NANAWAGAN si Vice President Sara Duterte sa sambayanang Filipino na gunitain ang alaala ng Pambansang Bayani na si Gat. Jose Rizal sa pamamagitan ng pag-alala sa kanyang katapangan sa gitna ng opresyon at paninindigan kung ano ang tama.
“Ang napakatinding pagsubok na kanyang pinagdaanan ay nagpapaalala sa atin na kahit sa pinakamadilim na oras, ang liwanag ng katotohanan at katarungan ay maaaring manaig,” ang sinabi ni VP Sara.
“Parangalan natin ang kanyang alaala sa pamamagitan ng paninindigan para sa tama at kolektibong pagsusumikap tungo sa mas makatarungan, pantay, at tunay na malayang Pilipinas,” dagdag na pahayag nito.
Sa ulat, itinatag ni José Rizal ang La Liga Filipina, samahan na naging daan sa pagkabuo ng Katipunan na pinamunuan ni Andrés Bonifacio na isang lihim na samahan na nagpasimula ng Himagsikang Pilipino laban sa Espanya na naging saligan ng Unang Republika ng Pilipinas sa ilalim ni Emilio Aguinaldo.
Isa siyang tagapagtaguyod ng pagkakaroon ng sariling pamahalaan ng Pilipinas sa mapayapang paraan, sa halip na isang marahas na pag-aalsa na susuporta lamang sa karahasan bilang huling paraan.
Naniniwala si Jose Rizal na ang tanging katuwiran sa pagpapalaya sa Pilipinas at pagkakaroon nito ng sariling pamahalaan ay ang pagbabalik ng karangalan ng mga mamamayan, at winika niya “Bakit kalayaan, kung ang mga alipin ngayon ay magiging maniniil ng hinaharap?”.
Ang pangkahalatang napagsang-ayunan ng mga dalubhasa sa buhay ni Rizal ay ang pagbitay sa kanya ang nagtulak upang magsimula ang Himagsikang Pilipino. (Daris Jose)

PBBM, pinangunahan ang pagdiriwang ng Rizal Day, pagkilala at pagdakila sa bayaning si Jose Rizal

Posted on: December 31st, 2024 by Peoples Balita No Comments

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagdiriwang ng Rizal Day, isang pagkilala at pagdakila sa bayaning si Gat. Jose Rizal.
Sa katunayan, nag-alay ng bulaklak si Pangulong Marcos sa monumento ng Bayani ng Pilipinas na si Dr.Jose Rizal, bahagi ito ng paggunita sa anibersaryo ng kamatayan ni Jose Rizal.
Ang pagkamatay ni Dr.Jose Rizal ay alaala ng kanyang katapangan ng paninindigan na ipaglaban ang ating bayan para sa ating kalayaan.
Kasama ng Pangulo ang First Family, dumating sa Rizal Monument sa Luneta Park sa Maynila ng alas-7 ng umaga.
Mataimtim namang isinagawa ang seremonya sa Bagumbayan na ngayon ay tinatawag na Luneta kung saan pinatay si Jose Rizal noong ika-30 ng Disyembre 1896 sa pamamagitan ng. firing squad.
Nagsagawa ang mga sundalo ng 21-gun salute bilang pagdakila sa ika-128 anibersaryo ng kanyang kamatayan.
Samantala, kagyat namang umalis ang Pangulo matapos ang wreath laying ceremony.
Ang iba pang organisasyon ay nakatakda namang mag-alay ng bulaklak sa Rizal Monument, ngayong araw ng Lunes. Disyembre 30.
Ang tema para sa Rizal Day observance ngayong taon ay “Rizal sa Bagong Pilipinas: Buhay at Aral Aming Nilalandas,” para bigyang-diin ang “the continued relevance of Rizal’s ideas and literary works in building a strong and united nation,” ayon sa Presidential Communications Office (PCO). ( Daris Jose)

Sa wakas… PBBM, nilagdaaan ang 2025 nat’l budget, bineto ang P194 billion

Posted on: December 31st, 2024 by Peoples Balita No Comments

PORMAL nang tinintahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., upang maging ganap na batas ang panukalang national budget para sa fiscal year 2025, araw ng Lunes, Disyembre 30.
Ito’y matapos ang ginawa niyang masusing paghimay at pagrepaso sa 2025 national budget kasama ang mga economic manager ng bansa.
Ang paglagda sa P6.326 trillion budget para sa taong 2025 ay isinagawa sa Ceremonial Hall ng Palasyo ng Malakanyang at dinaluhan ng mga mambabatas at mga mahahalaga at pangunahing opisyal ng gobyerno.
Sa naging talumpati ng Pangulo, sinabi nito na direkta niyang bineto (veto) ang mahigit sa P194 bilyong halaga ng line items na hindi ‘consistent’ sa program priorities ng administrasyon. Kabilang na rito ang unprogrammed items ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nauna nang sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang posibilidad na maaaring tuluyang i-veto ni PBBM ang ilan sa mga probisyong nakasaad sa 2025 national budget, ”in the interest of public welfare, to conform with the fiscal program, and in compliance with laws.”
Sa kabilang dako, iginiit naman ng ilang mambabatas ang tiwala nila sa Pangulo.
Para kay House Committee on Appropriations Vice Chairperson Raul Angelo Bongalon, kinikilala niya raw ang karapatan ng Pangulo sa ilalim ng Konstitusyon na mag-veto ng mga probisyon na ipinasa ng Kongreso.
Giit naman ni House Assistant Majority Leader Jude Acidre na wala raw kakaiba sa naging tugon ni PBBM dahil may kapangyarihan naman daw itong magdesisyon para sa national budget.
Iginiit naman ni Bataan 1st District Representative Geraldine Roman na ang naging aksyon daw ng Pangulo hinggil sa 2025 national budget ay isa umanong patunay na nakikinig si PBBM sa taumbayan.
Samantala, kaugnay naman ng kontrobersyal na Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), kumbinsido daw sina Roman at Bongalon na hindi raw ito kabilang sa mga maaaring i-veto ng Pangulo.
“Naniniwala ako hindi ivi-veto ni President ‘yan eh, dahil ang feedback naming district congressmen is malaking tulong talaga,” saad ni Roman.
Dagdag naman ni Bongalon: “Hindi ako naniniwala na yung pondo para sa AKAP ay ivi-veto ng ating Presidente. Isa ito sa mga programa na nag-address sa problema ng ating mga kababayan.”
Ginarantiya naman ni Pangulong Marcos na may sapat na pondo ang PhilHealth para ipagpatuloy nito ang pagbibigay ng health services sa kabila ng pag-alis sa government subsidy sa ilalim ng panukalang national budget.
(Daris Jose)