• March 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for December 30th, 2024

Japan, nagbukas ng scholarship applications para sa Japanese studies, teacher training

Posted on: December 30th, 2024 by Peoples Balita No Comments

NAGBUKAS ang Embahada ng Japan sa Pilipinas ng aplikasyon nito para sa mga Japanese Studies and Teacher Training category ng 2025 Japanese Government (Monbukagakusho) scholarship.
Sa pamamagitan ng Japanese embassy sa Maynila , inanunsyo ng Japanese government ang pagbubukas ng scholarship programs, araw ng Biyernes, Disyembre 27.
Ang mga aplikante ay dapat na Filipino citizen para sa parehong programa.
Para sa Japanese Studies, ang mga aplikante ay dapat na wala pang 30 taon sa April 2, 2025 at kasalukuyang naka-enroll sa ‘undergraduate level at may pangunahing kurso sa larangan na may kinalaman sa Japanese language at/o Japanese culture.
“They must have majored in a field related to Japanese language or culture for a total period of at least one year as of Sept.1, 2025,” ayon sa Embahada.
Para naman sa Teacher Training, ang mga aplikante ay dapat na wala pang 35 taong gulang sa April 2, 2025 at dapat ay mayroong limang taon na teaching experience sa elementary o secondary educational institutions ‘as of Oct.1, 2025.’
Dapat ay kasalukuyang nagta-trabaho ang mga ito bilang guro sa isang elementary o secondary school.
Ang application forms at iba pang impormasyon ay maaaring makita at ma-download mula sa Embassy website.
Pinaalalahanan naman ng Embahada ang mga interesadong aplikante sa deadline para sa pagsusumite ng aplikasyon, ito ay sa darating na Pebrero 14, 2025 (Biyernes).
“Only physical documents mailed through courier or hand-delivered to the Embassy will be accepted,” ang winika pa ng Embahada.
Samantala, ang mga programa ay nasa ilalim ng Japan Information and Culture Center (JICC) ng Embahada.
( Daris Jose)

6 na rehiyon, hinikayat na manatiling alerto sa gitna ng ‘seismic activities’ sa Manila Trench

Posted on: December 30th, 2024 by Peoples Balita No Comments

HINIKAYAT ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang local government units (LGUs) sa Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, at National Capital Region (NCR) na manatiling bigilante at magpatupad ng mahalagang paghahanda para sa potensiyal na lindol at tsunami sa kabila ng nararanasang bilang ng ‘seismic activities’ sa Manila Trench.
Ito’y sa kabila ng sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na nabawasan na ang mga paglindol sa Manila Trench, mayroon namang naitalang tig-isang aktibidad noong Disyembre 24 at 25, 2024.
Ilang araw bago ang Pasko, iniulat ng Phivolcs na may kabuuang 55 lindol o pagyanig sa baybayin ng Ilocos Sur, natunton patungong Manila Trench, nauwi sa pag-aalala para sa posibleng high-magnitude earthquakes.
Sa isang advisory, hinikayat ng DILG ang mga kinauukulang local chief executives na maghanda para sa posibleng pagtindi ng ‘earthquake sequence’.
Sa kabilang dako, inatasan ang LGUs na i-convene ang kanilang local Disaster Risk Reduction and Management Councils, magsagawa ng Pre-Disaster Risk Assessments, at mahigpit na ipatupad ang ‘minimum early at critical preparedness measures’ base sa Operation L!STO manuals.
“They are also expected to identify and establish evacuation routes, directional signs, and safe zones for at-risk communities; organize and train response teams; preposition food, temporary shelters, and debris-clearing equipment; and ensure the availability of lifeline utilities,”ang nakasaad sa kalatas.
Samantala, sinabi ng DILG na kailangan din na mahigpit na makipag-ugnayan ang LGUs sa kanilang regional at provincial DRRMCs, Phivolcs, at iba pang kaugnay na ahensiya para sa ‘technical support, risk assessments, at public awareness campaigns.’
Inalerto naman ng DILG ang publiko lalo na iyong mga nakatira sa coastal communities, na i- monitor ang mga ‘natural signs’ ng papalapit na local tsunami, at kagyat na lumipat sa mataas na grounds o lumayo mula sa shoreline kung mayroong naobserbahang anumang senyales o tanda ng tsunami.  (Daris Jose)

Mga barangay official, ‘walang kamay’ sa pagdetermina sa listahan ng mga benepisaryo ng AKAP -Gatchalian

Posted on: December 30th, 2024 by Peoples Balita No Comments

BINIGYANG-DIIN ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na hindi pork barrel initiative ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Ayon sa Kalihim, hindi responsable ang mga opisyal ng barangay sa pagdetermina sa listahan ng mga benepisaryo ng programa.
“Let me reiterate that all the DSWD’s Field Offices across the country serve people in need, whether they are walk-in clients or referrals from local government unit (LGU) officials,” ang sinabi ni Gatchalian.
ipinaliwanag nito na ang DSWD social workers ang nag-proseso ng AKAP applications at nagdesisyon ng halaga ng tulong na matatanggap ng kuwalipikadong benepisaryo.
Ang pahayag na ito ni Gatchalian ay tugon sa sinabi ng nagretirong si Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio kung saan inihahalintulad ang AKAP cash assistance sa kontrobersiyal na pork barrel system at ipinanukala na magsumite ang mga opisyal ng barangay ng listahan ng benepisaryo.
Bilang tugon pa rin ni Gatchalian, sinabi niya na walang probisyon sa AKAP guidelines na pinapayagan ang mga opisyal ng barangay na idetermina ang mga benepisaryo ng cash aid ng programa.
“With due respect to the former Supreme Court Justice, AKAP is not pork barrel. Any good Samaritan can refer potential beneficiaries, and barangay officials have no role in the selection process as outlined in our guidelines,” ang sinabi ng Kalihim.
Nilinaw naman ng Kalihim na habang ang mga mambabatas at mga local officials ay maaaring mag-refer ng mga potensiyal na benepisaryo, ang social workers ng departamento ang sumusuri at nagsasapnal ng listahan ng mga recipient.
“The original purpose of AKAP is to protect minimum wage earners and near-poor Filipinos from the effects of inflation, which reduces their purchasing power. The program provides assistance tailored to address individual needs, particularly for goods and services impacted by high inflation,” ang paliwanag ni Gatchalian.
Kabilang sa panukalang 2025 national budget ay ang P26-billion na alokasyon para sa AKAP, na inaasahan na lalagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa susunod na linggo.
Gayunman, binatikos naman ng mga opposition lawmakers mula sa Makabayan bloc ang AKAP, binansagan itong “political tool” para sa potensiyal na vote-buying sa ilalim ng pagkukunwaring tulong pinansyal.
Samantala, iniulat naman ng DSWD na halos 5 milyon na ng “near-poor” filipino ang nakikinabang mula sa AKAP sa panahon ng unang taon ng implemetasyon, sumasaklaw mula Enero hanggang Disyembre 26, 2024.
(Daris Jose)

Baha, tumama sa iba’t ibang lugar sa Pinas sa gitna ng holiday season — OCD

Posted on: December 30th, 2024 by Peoples Balita No Comments

MARAMING lugar sa iba’t ibang panig ng bansa ang binaha ngayong holiday season sa gitna ng masamang panahon.
Sinabi ng Office of Civil Defense (OCD) na ang shear line, isang intertropical convergence zone (ITCZ), at low-pressure areas ang dahilan ng pagbaha sa Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Eastern Visayas, at Davao Region simula pa noong Disyembre 8.
Sa Calabarzon, 10 lugar sa Quezon province ang binaha, naapektuhan ang 367 katao o 88 pamilya. Isang road section sa Real, Quezon ang hindi madaanan.
Samantala, sa Mimaropa, 30 lugar ang binaha sa Oriental Mindoro at Palawan, naapektuhan ang 48,598 katao o 10,021 pamilya.
Sa mga apektadong populasyon, 702 katao o 174 pamilya ang nanunuluyan sa evacuation centers. Ang pinsala sa imprastraktura at hindi madaanang lansangan ay naiulat na.
Ang state of calamity ay idineklara sa Baco, Oriental Mindoro dahil sa epekto ng masamang panahon.
Sa Bicol, 33 lugar sa Camarines Sur ang binaha, naapektuhan ang 678 katao o 154 pamilya. Ilan sa mga ito ay nananatili sa evacuation centers. May 20 road sections naman ang nananatiling hindi madaanan.
Sa Eastern Visayas, may isang nasawi dahil sa pagkalunod ang naiulat sa Borongan City, Eastern Samar. Ang kabuuang 199,364 katao o 52,949 pamilya ang apektado ng pagbaha. May 18 bahay naman ang napinsala. Nagpapatuloy naman ang clearing operations sa landslide-hit areas.
“Immediate needs include food packs in Northern and Eastern Samar and Doxycycline in Catarman, Northern Samar,” ang sinabi ng OCD. Ang Doxycycline ay isang antibacterial antibiotic.
Samantala, sa Davao Region, naiulat ang pagbaha sa Davao del Sur at Davao Occidental. Ang Mana Bridge sa Malita ay hindi madaanan at naranasan ang power interruptions sa Jose Abad Santos, Davao Occidental.
Sinabi naman ng PAGASA na may ilang lugar sa bansa ang inaasahang makararanas ng pag-ulan dulot ng Northeast Monsoon (Amihan) at ITCZ.
(Daris Jose)

NCR rice retailers, pinababa ang presyo para panatilihin ang P40 ‘Rice-for-All’ ng DA —PCO

Posted on: December 30th, 2024 by Peoples Balita No Comments

NAGSIMULA nang ibaba ng mga rice retailer sa Metro Manila markets ang presyo ng kanilang bigas para makalaban sa nagpapatuloy na inisyatiba ng pamahalaan sa pagbebenta ng bigas sa mas ‘affordable’ na halaga.
Sa katunayan, tinukoy ng Presidential Communications Office (PCO) ang Department of Agriculture (DA), sabay sabing ang implementasyon ng Kadiwa ng Pangulo “Rice-for-All” program sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila ay gumagawa ngayon ng “dent on the staple’s price.”
Tinuran ng Malakanyang na ang bigas ay mabibili sa Kadiwa stalls at ang retailer nito ay mas mura ng P3 hanggang P5 kumpara sa ibinebenta ng market retailers, nagresulta ng pagtaas sa benta sa pamamagitan ng mga rolling store sa kamakailan lamang na operasyon.
“Market retailers are currently reducing their prices to keep up with the lower price offered by rolling stores,“ ayon sa PCO, tinukoy ang report ng DA.
Sa ilalim ng “Rice-for-All” program, ang DA ay nagbebenta ng well-milled rice sa halagang P40 per kilogram, na limitado lamang sa 25-kilogram kada tao.
Base sa price monitoring ng Agriculture Department (para sa panahon ng December 16-21), ang average price ng local well-milled rice sa NCR markets ay P46.86 kada kilo habang ang halaga naman ng imported well-milled rice ay P47.46 kada kilo.
Isang linggo bago pa ang paglulunsad ng P40 per kilo “Rice-for-All” initiative (December 2-7 period), ang presyo kada kilo ng local well-milled rice ay P47.05 habang ang imported well-milled rice P47.90.
Winika ng PCO na ang kabuuang 147 sako ng bigas ay ipinamahagi sa sumusunod na lokasyon ng Kadiwa sa Kalakhang Maynila:
Edsa Balintawak Market (Southbound, Brgy. Balingasa, Quezon City) – 110 sako
New Marulas Public Market (Along Market Road, Brgy. Marulas, Valenzuela City) – 5 sako
Malabon Central Market (Along F. Sevilla Blvd., Brgy. Tañong, Malabon City) – 32 sako
Ang P40 per kilo “Rice-for-All” program ay isang inisyatiba sa ilalim ng Kadiwa ng Pangulo program —kolaborasyon sa pagitan ng Agribusiness and Marketing Assistance Service ng DA at Food Terminal Inc. (FTI). (Daris Jose)

DepEd, in- update ang mga batas at hakbang para tiyakin ang kahandaan ng mga eskuwelahan sa panahon ng kalamidad

Posted on: December 30th, 2024 by Peoples Balita No Comments

IN-UPDATE ng Department of Education (DepEd) ang mga hakbang at batas nito para palakasin ang paghahanda ng mga eskuwelahan para sa kalamidad at iba pang emergency.
Binigyang diin ng departamento ang kahalagahan ng Learning and Service Continuity Plans (LSCPs) pagdating sa pagliit ng pagkagambala sa learning delivery.
Sa DepEd Order No. 022, s. 2024, nakasaad dito na “the agency provided the revised guidelines on class and work suspensions in schools during typhoons and tropical cyclones, heavy rainfall and floods, earthquakes, power outages, extreme heat, low air quality, and other emergencies and hazards.”
Nagbibigay din ang polisiya ng mga hakbang para tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante at guro habang sinisiguro ang pagpapatuloy ng pag-aaral.
Binigyan naman ng mandato ng LSCP ang mga field offices at eskuwelahan para tukuyin ang angkop na Alternative Delivery Modes (ADMs) para sa edukasyon, tiyakin na kahit sa panahon ng kalamidad, ang mga estudyante ay may access sa learning resources.
Ayon sa DepEd, maaaring kabilang sa ADMs ay ang ‘modular distance learning, online education, o blended approaches, depende sa tiyak na pangangailangan at lokal na kondisyon.
Kailangan lamang na magtatag ng LSCP ng protocols para sa ‘safekeeping at storage’ ng learning materials at devices para mapigil ang pinsala sa panahon ng kalamidad.
Gayundin, ang plano ay kailangan ng ‘detail procedures’ para sa distribusyon ng mga nasabing materyales, tiyakin na ang mga mag-aaral ay madaling makaka- access kung kinakailangan.
Isinama rin ng LSCP ang guidelines o mga alituntunin para sa paggamit sa mga guro, school heads, at iba pang staff sa panahon ng emergency.
“Training programs and capacity building activities, such as Learning Action Cells, must be pivoted to prepare educators for the challenges of remote or alternative teaching methods,” ang winika ng DepEd. ( Daris Jose)

BSP, nag-award ng P5-B kontrata para sa bagong polymer banknotes — COA

Posted on: December 30th, 2024 by Peoples Balita No Comments

NAG-AWARD ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng mga kontrata na nagkakahalaga ng halos P5 bilyon para sa bagong polymer o plastic banknotes.
Nakasaad sa annual report ng Commission on Audit (COA) na inaprubahan ng BSP ang limang supply contracts na nagkakahalaga ng P4.9 billion para sa bagong P50, P100, P500, at P1,000 banknotes.
Ang unang kontrata ay in-award sa De La Rue International Limited, sinasabing “lowest calculated responsive bidder” para sa supply at delivery ng 150,000 bundles ng P50 pinaganda at pinalakas na ‘generation currency outsourced finished banknotes.’
Ang kontrata ay nagkakahalaga ng P269.524 million o 4.497 million euros.
Sa ulat, September 2023, isang kontrata na nagkakahalaga ng P727.475 million o 11.751 million euros ang in-award sa Giesecke+Devrient Currency Technology para sa supply at delivery ng 200,000 bundles ng P500 ng pinaganda at pinalakas na banknotes.
Sinabi nito na ito’y “enhanced security features and tactile marks.”
Samantala, October 2023, isang kontrata ang in-award sa Papierfabrik Louisenthal GmbH para sa supply at delivery ng 75,200 ream na P100 na pinaganda at pinalakas na banknotes.
Ang halaga ng kontrata ay P2.605 billion o 42.431 million euros.
Ang parehong kompanya ay in-awardan ng kontrata na nagkakahalaga ng P1.113 billion o 18.542 million euros noong November 2023 para sa supply at delivery ng 51,020 reams ng P50 na pinaganda at pinalakas na banknotes.
Ang polymer banknote series ay smarter, cleaner, at stronger. Smarter dahil sa taglay nitong advanced anti-counterfeiting features at mas maliit na carbon footprint. Cleaner dahil mas mabilis na nawawala ang mga virus at bakterya sa polymer. Stronger dahil mas tumatagal ang mga ito sa sirkulasyon kaysa sa perang papel.
Nagsimulang ilabas sa sirkulasyon ang limitadong bilang ng bagong polymer banknotes noong Disyembre 23, 2024 sa Greater Manila Area at, kalaunan, sa ibang bahagi ng bansa.
Sa simula, maaaring makapag-withdraw ng polymer banknotes sa mga counter ng mga bangko. Sa hinaharap, ang 500-piso at 100-piso polymer banknotes ay maaari na ring makuha mula sa mga automated teller machine (ATM). Parehong pwedeng gamitin ang papel na banknote (na kilala bilang New Generation Currency Series) at polymer na banknote sa iba’t ibang transaksyong pampinansyal.
Tampok sa polymer banknotes ang natatangi, katutubo, at nangaganib na halaman at hayop sa bansa, kasama ang mga elementong nagpapakita ng pamanang kultural ng Pilipinas:
•    1000-piso:    Philippine eagle at sampaguita flower
•    500-piso:    Visayan spotted deer atAcanthephippium mantinianum
•    100-piso:    Palawan peacock-pheasant atCeratocentron fesselii
•    50-piso:    Visayan leopard cat at Vidal’s lanutan
Nanatili sa polymer banknotes ang mga kilalang sagisag mula sa NGC series na nagtatampok ng likas na kagandahan at mga katutubong disenyo sa Pilipinas:
•    1000-piso:    Tubbataha Reefs Natural Park, South Sea pearl, at  T’nalak weave design
•    500-piso:    Puerto Princesa Subterranean River National Park, blue-naped parrot, at southern Philippine weave design
•    100-piso:    Mayon Volcano, whale shark, at Bicol Region weave design
•    50-piso:    Taal Lake, native maliputo fish, at Batangas embroidery design
Samantala, tiniyak naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa publiko na ang paper banknotes “will continue to circulate and will remain valid.”
(Daris Jose)

PBBM, nagpalabas ng EO na magpapatupad ng PH-S.Korea free trade deal

Posted on: December 30th, 2024 by Peoples Balita No Comments

NAGPALABAS si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng isang executive order (EO) na magpapatupad ng iskedyul ng tariff commitment ng Pilipinas sa ilalim ng Free Trade Agreement with South Korea (PH-KR FTA) ng bansa.
Ang direktiba ay nasa ilalim ng EO No. 80, nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, na may pahintulot naman ng Pangulo, ipinalabas noong Disyembre 23, 2024.
Sa isang kalatas, tinukoy ng Presidential Communications Office (PCO) ang EO 80, binigyang diin ng Pangulo ang pangangailangan na ayusin at baguhin ang rate ng import duty sa ilang imported articles para sa bansa upang makasunod sa Philippine Schedule of Tariff Commitments sa ilalim ng PH-KR FTA.
Nakasaad sa kautusan na ang lahat ng artikulo na nakalista sa Philippine Schedule of Tariff Commitments sa ilalim ng PH-KR FTA “shall be subject to the rates of import duties at the time of importation.”
“All originating goods from Republic of Korea listed in the aforementioned Philippine Schedule of Tariff Commitments under Section 1 hereof, that are entered into or withdrawn from warehouses or free zones in the Philippines for consumption or introduction to the customs territory, shall be levied the rates of duty as prescribed therein, subject to the submission of a Proof of Origin, in compliance with all applicable requirements under the PH-KR FTA,” dagdag na pahayag nito.
Sa kabilang dako, nakatakda namang sumipa ang FTA sa pagitan ng Pilipinas at Republic of Korea sa Disyembre 31, 2024.
Ang free trade deal ay tinintahan sa panahon ng 43rd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit na idinaos sa Indonesia noong September 2023.
Pinirmahan ang PH-KR FTA upang mas lalo pang palakasin ang economic partnership at bilateral trade sa pagitan ng Pilipinas at Republic of Korea sa pamamagitan ng pagbabawas at pag-aalis sa tariff restrictions bilang suporta sa pagsisikap ng pamahalaan na pangasiwaan ang ‘competitive exclusion’, hikayatin ang mas maraming foreign direct investments, at tiyakin ang mas ‘preferential concessions’ kaysa sa kasalukuyang available sa ilalim ng umiiral na kasunduan.
Matatandaang, niratipikahan ni Pangulong Marcos ang PH-KR FTA noong May 13, 2024, kung saan sinang-ayunan ng Senado ang nasabing ratipikasyon sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 1188 na may petsang September 23, 2024. ( Daris Jose)

Para matigil na ang PRICE MANIPULATION:

Posted on: December 30th, 2024 by Peoples Balita No Comments
DA, tinitingnan ang pag-alis sa brand labels sa imported na bigas
INANUNSYO ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang plano nitong alisin ang brand labels sa imported na bigas sa layuning labanan ang price manipulation.
“After conducting a series of market visits, we now have reason to believe that some retailers and traders are intentionally confusing Filipino consumers with branded imports to justify the high prices of rice,” ang sinabi ni Tiu Laurel sa isang kalatas.
Ang hinala ni Tiu Laurel, may ilang industry players ang “manipulating the system to inflate prices and exploit Filipino consumers.”
Tinitingnan din ni Tiu Laurel ang pag-alis sa mga label gaya ng “premium” at “special” sa imported rice, sinasabing ang pagle-label ay ginagamit lamang para bigyang katarungan ang ‘inflated prices’ o pagpintog ng presyo.
Gayunman, sinabi ni Tiu Laurel na ang locally-produced rice ay exempted mula sa plano para protektahan ang mga magsasakang Filipino at mangangalakal.
“Importing rice is not a right but a privilege,” ang winika ni Tiu Laurel sabay sabing “if traders are unwilling to follow our regulations, we will withhold permits for rice importation.”
Tinukoy ang data na nakuha mula sa retailers, traders, at importers, tinuran ni Tiu Laurel na ” that markup of P6 to P8 per kilo from the landed cost of imported rice is sufficient to profitably sustain the operations of all parties involved in the supply chain.”
Binigyang halimbawa nito, kung ang bigas ay nabili mula sa Vietnam sa halagang P40 per kilo, ang consumer price ay hindi dapat lalagpas sa P48 per kilo.
Sinabi ni Tiu Laurel na kinokonsidera ng DA ang ilang hakbang para tugunan ang ‘rice price volatility’ kabilang na ang pag-invoke sa food security emergency sa ilalim ng inamiyendahang Rice Tariffication Law, pinahihintulutan ang pagpapalabas ng buffer stocks mula National Food Authority (NFA) para maging matatag ang presyo.
Tinitingna din ni Tiu Laurel ang opsyon na payagan ang mga government corporations gaya ng Food Terminal Inc., na umangkat ng mahalagang dami ng bigas para makipagkumpetensya ng direkta sa mga private importer.
“Despite President Ferdinand Marcos Jr.’s reduction of the rice tariff to 15% from 35% in July, prices of some rice brands have remained stubbornly high, frustrating both the government and consumers,” ayon sa DA.
Dahil dito, sinabi ni Tiu Laurel na tinitingnan niya na tapikin ang Department of Finance, partikular na ang Bureau of Internal Revenue, na i-audit ang financial records ng mga rice trader upang matiyak ang pagsunod ng mga ito sa ‘fair pricing practices’ at maging ang Department of Trade and Industry para mag-assist sa pagmo-monitor sa presyo ng bigas sa mga pamilihan at grocery. (Daris Jose)

‘Iwas paputok’ REP. TIANGCO NAGPAALALA NA PANATILIHIN ANG KALIGTASAN NG MGA BATA SA PAPUTOK

Posted on: December 30th, 2024 by Peoples Balita No Comments

HINIMOK ni Navotas Representative Toby Tiangco ang publiko na sundin ang mga regulasyon ng kanilang lokal na pamahalaan sa paggamit ng paputok sa darating na Bagong Taon.

Ang paalala na ito ay kasunod ng ulat Department of Health na aabot 43 indibidwal sa buong bansa ang nagtamo ng mga pinsalang may kaugnayan sa paputok mula  December 22 hanggang 25.
Sa Navotas, apat ang nagtamo ng minor injuries, kabilang ang dalawang batang edad 7 at 9.
“Nakakalungkot dahil karamihan ng mga naaaksidente sa paputok ay mga bata. Ayon sa report ng DOH, 20 sa mga naaksidente ay mga kabataang may edad na 19 pababa,” ani Tiangco.
“Nanawagan po tayo sa lahat na sumunod sa pamantayan ng ating mga LGUs at maging responsable sa paggamit ng paputok,” dagdag niya.
Nanawagan din ang kongresista sa Philippine National Police (PNP) na palakasin ang kanilang pagsisikap laban sa pagbebenta ng mga ilegal na paputok, partikular ang mga ibinkbentang online.
“Madiskarte na rin ang mga nagbebenta ng ilegal na paputok. Ang ilan, nagbebenta na rin online kaya dapat itong bantayan nang maigi ng ating kapulisan,” pahayag ng konresista.
“Magtulungan po tayo. Sa pangunguna ng kapulisan at ng mga LGUs, hinihimok ko po ang lahat na sumama sa pagmonitor at pag-report ng mga gumagamit at nagbebenta ng mga iligal at ipinagbabawal na paputok,”dagdag niya.
Ayon sa PNP, ang mga ilegal na paputok ay kinabibilangan ng Piccolo, Super Lolo, Atomic Triangle, Large Judas Belt, Large Bawang, Pillbox, Bosa, Goodbye Philippines, Bin Laden, Mother Rocket, Lolo Thunder, Coke In Can, Atomic Bomb, Five Star, Pla-Pla, Giant Whistle Bomb, Goodbye Napoles, Hello Columbia, Goodbye De Lima, Super Yolanda, Kingkong, Goodbye Bading, Kabasi, Hamas at Watusi. (Richard Mesa)