HINAMON ng isang miyembro ng Young Guns bloc sa Kamara si Vice President Sara Duterte na sumailalim sa lie detector test kasunod ng testimonya ng isang dating opisyal ng Department of Education na tumanggap ng buwanang ‘suhol’ mula sa ilang mataas na education officials noong panahon ni Duterte bilang kalihim.
Ayon kay Zambales Rep. Jay Khonghun, dapat sumailalim si VP Duterte sa lie detector test kasabay ni dating Education Undersecretary Gloria Mercado, na una nang ibinunyag na nakatanggap siya ng mga envelopes na naglalaman ng P50,000 kada buwan, mula umano sa VP, habang nagsisilbing Head ng Procuring Entity (HOPE) sa DepEd.
“Kung talagang sa puso ni VP Duterte eh feeling niya nagsasabi siya ng totoo, mag-lie detector test na lang silang dalawa ni USec Mercado, para magkaalaman kung sinong nagsasabi ng totoo. Hindi na kailangan pang mag-deny at manira sa presscon,” ani Khonghun.
Una ng sinabi ni Mercado sa mga miyembro ng House Committee on Good Government and Public Accountability noong Miyerkules na pinuwersa siyang magbitiw mula sa DepEd dahil sa pagsabing nais niyang sumunod sa isinasaad sa procurement laws ng HOPE. Hiniling niya na payagan na lamang siyang magretiro na pinagbigyan naman.
“Kung wala namang tinatago si VP Duterte, walang issue sa pag-take ng lie detector test. Mahalaga na malaman ng taumbayan kung sino ang nagsasabi ng totoo sa kanilang dalawa. Pondo ng bayan ang pinag-uusapan, and the Vice President owes it to the people to prove her honesty and integrity,” dagdag ni Khonghun.
Sa pahayag ni Mercado, nakatanggap siya ng siyam na envelopes mula February 2023 hanggang September 2023, na naglalaman ng P50,000 kada isa.
Ayon pa kay Mercdo, ang mga naturang envelopes ay iniabot sa kanya ni Assistant Secretary Sunshine M. Fajarda, na direkta umanong nanggaling kay Vice President Duterte.
Plano aniya niyang ibalik ang mga naturang envelopes sa kanyang pagreretiro. Sa halip ay idinoate niya ito sa isang non-government organization, na umabot sa total na P450,000.
(Vina de Guzman)