KINUMPIRMA ng “The Voice Kids Philippines” coach na si Billy Crawford ang malungkot na balita noong Linggo, Sept. 22.
Sa pamamagitan ng kanyang social media, ibinahagi ni Billy sa biglaang pagkamatay ng kanyang ama na si Jack Crawford na nakatira sa Texas, USA.
Wala pang ibinigay na detalye si Billy tungkol sa dahilan ng pagpanaw ng kanyang ama.
Sa kanyang IG post, nag-sorry si Billy sa kanyang daddy na hindi man lang nakita at nakausap bago ito namayapa.
“I’m sorry, Dad. I wasn’t there to say goodbye, give you a last hug, or tell you how much I love you. You’ll always be in my heart,” post ni Billy.
“Thank you for being the greatest dad I could ever have! May you finally rest and forever be happy in the arms of Our Lord Jesus Christ.
“I’ll truly miss you, my main man! Love, your son. Billy Joe CRAWFORD.”
Noong Mayo 2022, nag-celebrate ng 40th birthday si Billy kasama ang kanyang parents, asawa na si Coleen Garcia, at anak na si Amari, na first time nakita ang kanyang Lolo Jack.
Bumuhos ang mga mensahe ng pakikiramay sa pamilya ni Billy na nagluluksa, mula sa celebrities, content creators at netizens.
***
INILABAS na ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang mga bagong pelikulang napapanood sa mga sinehan ngayon.
Ang pelikulang “Transformers One” ay nakatanggap ng Rated PG (Patnubay at Gabay ng Magulang). Sa desisyong ito nina MTRCB Board Members (BMs) Bobby Andrews, Jose Alberto, at Juan Revilla.
Rated PG din ang pelikulang “Coraline,” isang 3D remastered film na niribyu nina BM Andrews, Revilla, at Racquel Maria Cruz. Maging ang dokyumentaryong konsyerto na pinamagatang “Jung Kook: I Am Still,” na pinagbibidahan ng kilalang Korean pop star na si Jungkook. Niribyu ito nina BM Jan Marini Alano, Michael Luke Mejares, at Mark Anthony Andaya.
Paliwanag ni MTRCB Chairperson and CEO Lala Sotto-Antonio, “Sa ilalim ng rated PG, mayroong mga tema, lenggwahe, karahasan, sekswal, at katatakutan na posibleng hindi angkop sa mga batang manonood na may edad labingdalawa (12) at pababa, at kinakailangan ng paggabay ng magulang o nakatatanda,”
Ang pelikulang “Taklee Genesis” ng Warner Bros. naman ay nakatanggap ng Restricted-13 (R-13) dahil sa komplikadong tema at eksenang karahasan at katatakutan na posibleng nakakabahala at hindi angkop sa mga edad 12 at pababa. Sa desisyong ito nina BM Alano, Mejares, at Lillian Gui.
Restricted-16 o R-16 naman ang pelikulang “Never Let Go” na pinagbibidahan ni Halle Berry. Ang R-16 na pelikula ay para lamang sa mga edad labing-anim at pataas. Paliwanag nina BM Andrews, Alano, at Katrina Angela Ebarle, ang naturang materyal ay may mga lenggwahe, tema, karahasan at pag-uugali na hindi angkop para sa mga edad labinlima (15) at pababa.
Patuloy namang hinihikayat ni Chair Sotto-Antonio ang mga magulang at nakatatanda, na habang ine-enjoy ng pamilyang Pilipino ang sinematikong panonood, nararapat lang na gabayan ng mga magulang o nakatatanda ang mga kasamang bata partikular ang pagpili ng mga pelikulang angkop lamang sa kanilang edad.
(ROHN ROMULO)