• October 23, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 23, 2025
    Current time: October 23, 2025 10:34 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September 20th, 2024

World No. 3 pole vaulter EJ Obiena, nanindigang hindi mag-eendorso ng mga alcohol o gambling-related product

Posted on: September 20th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

BINIGYANG-diin ni world No. 3 pole vaulter EJ Obiena na hinding-hindi siya mage-endorso ng mga alcohol o gambling-related product.

 

Ito ay kasunod na rin ng umano’y paggamit ng ilang mga kumpanya sa kanyang pangalan at imahe para lang palabasin na ineendorso niya ang kanilang mga produkto.

 

Ang naturang modus aniya ay ginagawa ng mga kumpanya nang wala siyang pahintulot.

 

Tiniyak ni Obiena na hinding-hindi siya mag-eendorso ng mga produkto na maninira sa pagkatao at sa malusog at umuusbong na komunidad.

 

Katwiran ni Obiena, sa kabila ng pagiging legal ng ilang mga gambling sites at pagbebenta ng mga produktong alak, pinipili umano niyang hindi mag-endorse ng mga ito dahil sa bawal ito sa mga kabataan.

 

Dahil sa mayroon itong plataporma na maaaring maka-impluwensya sa mga kabataan, tinatanggap umano niya ang responsibilidad ng may dangal at pagkamababang-loob.

 

Pagtitiyak ni Obiena, gumagawa na rin ang kanyang mga abogado ng akmang hakbang laban sa naturang modus.

Jerusalem ‘di isusuko ang WBC crown kay Castillo

Posted on: September 20th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

GAGAWIN ni Pinoy world champion Melvin Jerusalem ang kanyang mandatory title defense kontra kay Mexican challenger Luis Angel Castillo sa Linggo sa Mandaluyong City College Gym.
Sinabi ni Jerusalem, ang reigning World Boxing Council (WBC) minimum weight king, na napag-aralan na nila ang mga galaw ni Castillo.
“Pagka-champion pa lang ni Melvin alam na namin na siya (Castillo) ‘yung mandatory, kaya nag-ready na kami,” ani trainer Michael Domingo kahapon sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Rizal Memorial Sports Complex.
Bitbit ng 30-anyos na si Jerusalem ang 22-3-0 win-loss-draw ring record tampok ang 12 knockouts, habang dala ng 27-anyos na si Castillo ang 21-0-1 (13 KOs) card.
Nakamit ni Jerusalem ang WBC minimum weight belt matapos ang via split decision laban kay Japanese Yudai Shigeoka sa Nagoya noong Marso.
Nangako si Castillo na dadalhin niya ang korona ni Jerusalem pauwi ng Mexico City.
“I know this is going to be a tough fight, but I know we will emerge victorious. And I want to tell the champion here that he should enjoy his days as a world champion,” ani Castillo sa pamamagitan ng interpre­ter sa sesyon na inihandog ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MILO, Smart/PLDT at ng 24/7 sports app ArenaPlus.
Ngunit walang balak isuko ni Jerusalem ang kan­yang titulo.
“Enjoy-in mo nalang ang pag-stay mo sa Pilipinas, makikita nalang natin sa laban,” sagot ng tubong Manolo Fortich, Bukidnon sa Mexican fighter.
Samantala, lalaban si dating IBF super flyweight titlist Jerwin Anca.

Daniel Quizon, tinanghal bilang pinakabagong chess GM

Posted on: September 20th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

TINANGHAL bilang pinakabagong Chess Grand Master ng bansa ang 20-anyos na binata mula sa Cavite na si Daniel Quizon.

 

Nakamit nito ang nasabing Grand Master rank ng maabot ng 2,500-rating barrier at matapos na talunin niya si Russian-born Monegasque GM Igor Efimov.

 

Si Quizon ang pinakahuling Pinoy Grand Master kasunod nina Oliver Barbosa at Richard Bitoon na tinanghal noong 2011.

 

Makakatanggap naman ito ng P1-milyon na cash incentives mula kay Dasmarinas City Mayor Jenny Barzaga.

 

Bumuhos naman ng pagbati kay Quizon mula sa iba’t ibang sports personalities matapos ang nasabing tagumpay.

DOJ: Extradition ni Teves, maaantala pa

Posted on: September 20th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

INAASAHANG maaantala pa ang extradition o pagbabalik sa Pilipinas kay dating Negros Oriental representative Arnolfo Teves, Jr.

 

 

Ipinaliwanag ng Department of Justice (DOJ) na kinakailangan pa kasing dumaang muli sa panibagong proceedings ang extradition case ni Teves sa Timor Leste bilang resulta ng procedural objections na isinagawa ng mga abogado nito.

 

Ayon naman kay DOJ Assistant Secretary Mico Clavano, sa nasabing panibagong pagdinig, ang mga parehong ebidensiya laban kay Teves ay ipiprisinta muli, ngunit sa pagkakataong ito ay sa harap naman ng tatlong hukom.

 

Sa kabila nito, kumpiyansa ang DOJ na pareho rin ang magiging resulta ng panibagong proceedings at sa lalong panahon ay mapapauwi sa Pilipinas ang pinatalsik na mambabatas upang harapin ang inihaing multiple murder charges laban sa kanya.

 

Si Teves ang itinuturong utak sa pagpatay kay da­ting Negros Oriental governor Roel Degamo sa loob mismo ng kanyang tahanan, na ikinasawi rin ng siyam katao pa.

 

Sa kanyang panig, tiniyak naman ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla na anumang taktika ang gamitin ni Teves ay hindi nito mahahadlangan ang kanilang determinasyon na maibalik siya sa Pilipinas upang panagutan ang mga kinakaharap na kaso. (Daris Jose)

Christmas bonuses, free legal aid para sa mga barangay tanod

Posted on: September 20th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

IPINANUKALA ni Bicol Saro Partylist Rep. Brian Raymund Yamsuan ang pagbibigay ng Christmas bonuses at iba pang insentibo sa mga barangay tanods.

 

Ito ay bilang pagkilala sa ibinibigay na serbisyo para sa pagmementina ng peace and order sa komunidad.

 

Sa House Bill (HB) 10909, kabilang sa benepisyo na ilalaan sa mga barangay tanods ay ang libreng legal assistance at insurance coverage.

Gayundin, ang pagsama sa kanila sa livelihood programs ng national government o local government units (LGUs).

“Maraming barangay tanod ay nalalagay sa panganib ang buhay at minsan pa nga ay napapatay dahil sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin. Sa kabila nito, tila ba napabayaan na ang kanilang kapakanan sa ilalim ng ating mga kasalukuyang batas kung saan kakarampot ang kanilang mga benepisyo. Layunin nating mai-upgrade ang kanilang benefits para naman may sapat silang proteksyon laban sa mga posibleng panganib na maari nilang makaharap,” ani Yamsuan.

Sa ilalim ng HB 10909, ang bawat kuwalipikadong tanod ay entitled sa Christmas bonus na katumbas sa kalahati sa tinatanggap ng punong barangay.

Poprotektahan din ng HB 10909 tenure ng barangay tanod kung saan kapag na-appoint ay hindi basta matatanggal serbisyo maliban sa mga dahilan na nakapaloob sa barangay resolution na nagbuo sa barangay tanod brigade.

Sa ilalim ng panukala, ang desisyon sa pagtanggal sa barangay tanod ay depende sa desisyon ng sangguniang barangay. (Vina de Guzman)

Speaker Romualdez, Tingog itinulak agarang pagbibigay ng P20M ayuda sa mga nasunugan sa Tondo

Posted on: September 20th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., itinulak ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez at ng Tingog Partylist ang agarang pagpapalabas ng P20 milyong halaga ng cash assistance para sa may 2,000 pamilyang nasunugan sa Barangay 105 Aroma sa Tondo, Manila noong Sabado.

 

 

Ang tig-P10,000 tulong sa bawat pamilyang nasunugan ay kukunin sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

 

 

Bukod sa cash assistance, nakipagtulungan din ang tanggapan ni Romualdez sa Tingog Partylist na pinangungunahan nina Reps. Yedda Romualdez at Jude Acidre para sa pamimigay ng mainit na pagkain sa mga biktima noong Linggo.

 

 

Ayon kay House Deputy Secretary General Sofonias Gabonada Jr., sa pakikipagtulungan sa tanggapan ni Manila Rep. Ernesto Dionisio Jr. ay nakapamigay ng 4,500 bowl ng lugaw at arroz caldo sa General Vicente Lim Elementary School evacuation center, Barangay 105 at Barangay 106 covered courts.

 

 

Nagpasalamat naman si Dionisio kina Pangulong Marcos, Speaker Romualdez at DSWD Secretary Gatchalian sa mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng mga nasunugan.

 

 

Umaasa si Gabonada na mabilis na makababangon ang mga biktima ng sunog. (Vina de Guzman)

VP Sara, tumangging manumpa sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability

Posted on: September 20th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

DUMATING sa unang pagdinig kahapon ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa naging paggamit ng pondo ng opisina ni Vice President Sara Duterte.

 

Bukod sa Office of the Vice President (OVP), iniimbestigahan din ng komite kung papaano ginamit ng Department of Education ang pondo nito nang kalihim pa ng departamento si Duterte.

 

 

Tumanggi naman si Duterte na manumpa, na nagsabing ang imbitasyong liham na ipinadala sa kanyang opisina ng komite ay imbitado ito bilang isang resource person.

 

Kasama aniya sa sulat na ipinadala ay kopya ng rules in aid of legislation kung saan nakalagay umano doon na witnesses lang ang ino-oath.

 

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Duterte na ang pagdinig ay hindi isang ordinaryong imbestigasyon kundi isang nagkakaisa at political attack.

 

Sinabi pa nito na ito ang dahilan kung bakit mas pinili niyang huwag idepensa ang 2025 budget ng OVP at ipinauubaya na niya sa liderato ng kamara ang kapasiyahan ukol sa pondo ng OVP sa darating na taon.

 

Iginiit pa nito na walang naganap na misuse of funds at kung may audit findings, ay handa silang sagutin ito sa Commission on Audit gayundin sa kaukulang korte. (Vina de Guzman)

Notoryus na Chinese plane pickpocket, nasabat sa NAIA

Posted on: September 20th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NASABAT ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong Chinese national na sangkot sa pagnanakaw sa kanilang biyahe sa Manila.

 

Kinilala ni BI Officer-in-Charge Joel Anthony Viado ang tatlo na sina Lyu Shuiming, 48; Xu Xianpu, 41; and Xie Xiaoyong, 54 matapos silang i- report ng mga opisyal ng BI sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 matapos na magnakaw ng handbag sa isang flight sa Philippine Airlines mula Kuala Lumpur.

 

Si Lyu at mga kasama nito ay naaktuhan ng isang flight attendant habang ninanakaw ang handbag ng isang babaeng judge na may kasamang abogado na may laman na P63,000 .

 

Kinuha umano ng suspect ang bag sa overhead storage bin habang hinahalughog nito.

 

Ang tatlo ay bumiyahe ng Pilipinas mula Malaysia patungong Hongkong.

 

Si Lyu ay may visa na pumasok ng Pilipinas. Agad namang inaresto ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group (AVSEGROUP) habang sina Xu at Xie ay isinakay pabalik at silang tatlo ay isinama sa listahan ng blacklist.

 

“ We will not allow these kinds of foreigners to victimize our kababayan,” ayon kay Viado. “The BI will continue to monitor the progress of this case, and blacklist any other members that might be found,” dagdag pa niya . GENE ADSUARA

600K na deactivated voters, nagpa-reactivate

Posted on: September 20th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

MAHIGIT 600,000 deactivated voters ang nag-apply para sa reactivation para sa 2025 national at local elections (NLE), ayon sa Commission on Elections (Comelec) nitong Miyerkules.

 

 

Sinabi ni Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco na mula sa 6.4 million applications na natanggap ng komisyon, ang 3.3 milyon nito ang nadagdag na mga bagong botante kung saan 2.6 milyon ang bagong botante at mahigit na 600,000 ang nagpapa-reactivate.

 

 

Ayon kay Laudiangco, inaasahan na sa dalawang linggo na nalalabi para sa registration ay mas dadami pa ang mag-apply bilang bagong rehistradong botante at lalong-lalo na ‘yung mga na-deactivate.

 

 

Ang deadline para sa online na aplikasyon para sa muling pagsasaaktibo ay pinalawig mula Setyembre 7 hanggang Setyembre 25, 2024.

 

 

Ang proseso sa pag-reactivate ay pareho ng iba’t ibang klase ng application. Ang kanilang application ay ipapaskil sa iba’t ibang bahagi ng lungsod, o bayan,” said Laudiangco.

 

 

Ang pinakahuling data mula sa poll body ay nagpakita na ang bilang ng mga na-deactivate na botante para sa 2025 May elections ay nasa 5,376,630 noong Setyembre 11.

 

 

Ang mga dahilan para sa pag-delist ay ang hindi pagboto sa dalawang magkasunod na naunang regular na halalan, sa pamamagitan ng utos ng hukuman, pagkawala ng pagkamamamayang Pilipino, at pagkakaroon ng mga di-wastong dokumento.

 

 

Samantala, inulit ni Laudiangco ang panawagan ng poll body para sa mga deactivated voters na mag-apply para sa reactivation. Maaari silang mag-apply online hangga’t mayroon silang kumpletong biometrics sa lokal na tanggapan ng Comelec kung saan sila nagparehistro. GENE ADSUARA

Mga sekyu, TNVS drivers, janitors tatanggap ng cash aid sa AKAP sa Navotas

Posted on: September 20th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

INANUNSYO ng Office of Navotas City Representative na mabibigyan naman ng cash assistance sa ilalim ng Ayuda para sa Kapos ang Kita (AKAP) Program ang mga security guards, TNVS drivers at mga janitors na mga residente ng lungsod.

 

 

Sinabi ni Cong. Toby Tiangco na 18-anyos pataas na nagtatrabaho bilang security guards, TNVS drivers at janitors sa loob o labas ng lungsod ang magiging benepisyaryo ng naturang programa.

 

 

Pinapayuhan ang mga nabanggit na simulan na ang mag-apply dala ang kumpletong requirements ng mga online forms para sa trabahong kinabibilangan ng mga ito.

 

 

Paalala lamang na dadaan sa verification at deduplication process ng DSWD ang lahat ng mga aplikante at i-popost sa Facebook page ni Cong. Tiangco ang listahan ng mga kwalipikado sa programang AKAP.

 

 

Ang nasabing programa ay sa ilalim ng Toby Continued Angat Navotas Ayuda sa Kapos ang Kita Program Tulong Pinansyal ni Navotas Representative Tiangco kaya aniya, pagtuunan ng pansin na mapahanay sa tulong pinansyal na alok ng pamahalaan lungsod.

 

 

Ayon kay Cong. Tiangco, umabot na sa 10,282 Navotenos ng nabigyan ng cash assistance ng nasabing programa simula pa lamang noong Mayo. (Richard Mesa)