• March 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June, 2022

‘Mag-ipon sa bangko, sa halip na sa alkansya’ – BSP

Posted on: June 18th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

HINIMOK ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko na isaayos ang pag-iipon ngayong panahon ng pandemya.

 

 

Lumalabas kasi na marami ang nag-iipon ngunit nakalagay lamang ito sa mga piggy bank, jar o anumang container sa mga bahay.

 

 

Ayon kay BSP Governor Benjamin Diokno, maliban sa hindi ito nakakatulong sa pagpapalago ng ekonomiya, nagiging problema pa ng gobyerno kung magiging kalakaran na sa marami.

 

 

Nagiging limitado kasi ang umiikot na pera sa merkado dahil sa artificial shortage ng coins at bills.

 

 

“The unnecessary accumulation of banknotes and coins prevents Philippine currency from being recirculated and used as payment instrument,” wika ni Diokno.

 

 

Sa ganitong punto, napipilitan umano ang BSP na gumastos para sa paglalabas ng bagong mga pera na iikot sa merkado.

 

 

Para sa BSP head, mas may pakinabang sa estado at sa mismong nag-iipon kung ilalagak ito sa bangko.

 

 

Maliban sa iikot ang pera na mahalaga sa ekonomiya, nababantayan din umano ito sa pamamagitan ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) at nagkakaroon pa ng interest ang inilalagak na salapi.

Na-trigger sa comment ng netizen sa pagla-like ng ‘cheating post’: CARLA, ibinuhos na ang lahat ng galit pero nanahimik lang si TOM na durog na durog

Posted on: June 18th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

TAHIMIK pa rin ang actor na si Tom Rodriguez sa mga pinakawalang statement ng actress na si Carla Abellana laban sa kanya.

 

 

 

Napakahaba nang naging statement ni Carla bilang sagot sa isang netizen sa kanyang Youtube vlog. Ang comment ng netizen ay ang tungkol sa pagla-like ni Carla sa “cheating” post ni AiAi delas Alas sa Instagram.

 

 

 

Mahaba ang naging reply ni Carla na part of her reply, “Opo, nag like po ako, pero yun lang po ang ginawa ko. Hindi ko na po yun inulit.”

 

 

 

Sey pa niya, “Ang taong lubos na nasaktan hirap pong pigilang hindi ilabas ang galit sa anumang paraan. I was disrespected. I was betrayed. I was lied to. I was used. I was shamed. I was made to look so stupid. Kung sana hanggang doon lang po makakabangon din po ako balang araw. Pero para gawan pa po ako at ang pamilya ko ng mas marami pang kasamaan at kataksilan sa mga sumunod na araw, linggo at buwan, sobra sa sobra na po ang sakit at pagdurog ng puso at pagkatao ko.

 

 

 

“Pero bukod po dun wala po akong ginawang masama kay Tom. Wala po akong binigay kay Tom kundi tunay na pagmamahal, respeto, pag-aalaga, pag-aaruga, pag-unawa, pagtitiis, sangatutak na pagpapatawad, milya-milyang pasensya, paniniwala, pagtiwala, pag-asikaso, pag-protekta, lahat-lahat na. Binigay ko po buong buhay ko sa kanya.”

 

 

 

Napakarami pang sinabi ni Carla na tila ibinuhos na lahat ng nararamdaman o galit dahil na-trigger ng isang netizen sa comment. At durog na durog halos si Tom.

 

 

 

Tahimik lang si Tom at hindi nagpo-post sa kanyang social media account. Pero ang legal counsel daw ng actor ay nagsabing “no comment” muna si Tom.

 

 

 

Sa isang banda, sa kabila ng mga ipinahayag ni Carla, nakapagtataka na hindi niya lubusang makuha ang simpatiya ng netizens. Binabasa namin ang mga comments, pero ang daming nega for Carla. May mga nagpapakita ng simpatiya kay Tom, pero meron din naman na nagpapalakas pa ng loob ni Carla.

 

 

 

Pero marami kaming nababasa na kung pitong taon itong nagtiis kay Tom, bakit daw, nagpakasal pa? Eh, ‘yung kasal pa naman nila, tumagal lang ng three months.

 

 

 

***

 

 

 

PARANG mas lalong nag-iba ang mindset at priorities ni Matteo Guidicelli simula nang ikasal sila ni Sarah Geronimo and in turn, si Sarah din naman ay tila nahahawa.

 

 

 

‘Di ba nga’t kakatapos lang ni Sarah ng baking course. Si Matteo naman, balita naman talaga na nakikipag-usap ito at nagpi-pitch ng project s sa GMA Network.

 

 

 

At bukod dito, heto at sinisimulan na ang bago nilang business, kasabay ng birthday ng nanay ni Matteo ay nag-ground breaking na sila ng bagong project.

 

 

 

Sey niya, “June 15 2022—our mamas birthday @glfguidicellu and the ground breaking of our new project, G STUDIOS! The building will rise soon and will welcome all content creators, advertisers, celebrities and just anyone and everyone who wants to use the space! See you at G Studios located in Landers Alabang.”

 

 

(ROSE GARCIA)

Paghuhubad sa maskara sa mga communist-terrorists, bahagi ng ‘sacred duty”

Posted on: June 18th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

PINAGTANGGOL ng  National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang sarili nito mula sa panawagan ni Justice secretary Menardo Guevarra  na iwasan na ang red-tagging nang walang  konkretong ebidensiya.

 

 

Ang buwelta ni   NTF- ELCAC spokesperson Undersecretary Lorraine Badoy sa pahayag na ito ni Guevarra ay ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho na hubaran ng maskara ang mga “terorista”.

 

 

“At the NTF-ELCAC, we view it as our sacred duty to arm our countrymen with information and strip the masks off these terrorists who lie to steal our children away from us, who have murdered scores of our indigenous peoples and have damned the poorest among us,” ayon kay Badoy.

 

 

“Where they create confusion with their lies, we create clarity with the truth. Where they are loud and bold about their toxic lies, we are louder and bolder about the truth,” dagdag na pahayag nito.

 

 

Nauna rito, hinikayat ni Guevarra ang NTF-ELCAC na ihinto na ang pang-rered tag nito o ang ginagawa nilang pang-uugnay sa isang indibidwal o grupo sa mga makakaliwang rebelde.

 

 

Sa Kapihan sa Manila Bay forum, sinabi ng kalihim na hindi nito suportado ang ginagawa ng NTF-ELCAC na pagli-link ng mga personalidad sa mga armadong komunista.

 

 

Aniya, hindi raw ito dapat ang polisiya ng task force na binuo ng gobyerno.

 

 

Giit ni Guevarra, kung wala namang ebidensya na susuporta sa kanilang red-tagging ay mas maiging ‘wag na lang silang magsalita.

 

 

Nalalagay daw kasi sa panganib ang buhay ng mga taong ito lalo na’t nagiging target sila kahit na nagbibigay lang naman sila ng opinyon laban sa gobyerno.

 

 

Iginiit ni Guevarra na hangga’t maaari, imbes na i-label ang mga tao ay maghain na lang ng karampatang legal na aksyon basta’t mayroon itong ebidensya’t patunay na may kaugnayan talaga sila sa mga rebelde.

 

 

Para naman kay Badoy, hindi dapat mahiya ang gobyerno na tawagin ang  mga sinasabing ” communist fronts”  bilang terror groups.

 

 

“What has grievously endangered our people is all those decades government reneged on its sacred duty, looked the other way and refused to identify members of the CPP NPA NDF–even if they already knew who these terrorists were,” ayon kay Badoy.

 

 

Sa hiwalay na kalatas, sinang-ayunana naman ng NTF-ELCAC Legal Cluster ang paalala ni Guevarra subalit iginiit na ang   “red-tagging” o pagbabansag  sa mga tao bilang  komunista  ay ginagamit lamang ng communists groups bilang depensa.

 

 

“We are happy to inform the SOJ that the NTF-ELCAC has been doing that for the past years. Cases were filed against the CPP-NPA-NDF members, leaders,  and allied front groups. The NTF-ELCAC takes the advice of the SOJ (Secretary of Justice) seriously and obediently,” ayon sa NTF-ELCAC Legal Cluster.

 

 

“If there is one thing that the SOJ and the NTF-ELCAC have in common, we both believe that there is no such thing as red-tagging, contrary to what the propaganda machinery and the propaganda template of the CPP-NPA-NDF would like to pitch to the Filipino people,” dagdag na pahayag nito. (Daris Jose)

Planong pahiyain si BBM, totoo

Posted on: June 18th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

MAYROON diumanong sabwatan  para kutyain at  ipahiya si  President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang  dungisan ang reputasyon nito.

 

 

Tinukoy ni  dating Senate President Juan Ponce Enrile  ang isang mapagkakatiwalaang source, nagbabala ang dating mambabatas na may ilang grupo mula sa Estados Unidos at  Pilipinas  ang  sinasabing magkasabwat  upang gawan ng gulo si Marcos.

 

 

“I just picked up what I consider to be a credible information that there are groups in America and in the Philippines planning and preparing to cause serious embarrassment and trouble for our newly-elected President,” ang pahayag nito sa kanyang Facebook post.

 

 

Hindi naman dinetalye ni  Enrile ang sinasbaing sabwatan para dungisan ang imahe ni Marcos.

 

 

Gayunman, sinabi nito na magbibigay siya ng karagdagang detalye sa “proper official” ng incoming Marcos administration “in due time.”

 

 

“Caution is the name of the game. You are just starting you[r] travel in troubled waters. Your adversaries have not stopped. To borrow a phrase from someone, right now ‘they are hiding their brightness and biding their time,’” ayon kay Enrile.

 

 

Pinayuhan naman ni Enrile ang  incoming security officials ng administrasyong  Marcos na paigtingin ang  kanilang  intelligence gathering.

 

 

Sinabi nito na ang  “soft and pacific” na paninindigan para payapain ang  mga kritko ay hindi magandang ideya.

 

 

“I have a humble unsolicited advice for the national security officials of the new regime. Instead of making soft and pacific statements seemingly intended to quiet and to gain the cooperation, trust, and confidence of the habitual trouble makers in this country, I suggest that they should sharpen their intelligence information,”ayon kay Enrile.

 

 

Ang babala ni Enrile ay  inihayag nito dalawang linggo bago pa ang  oath-taking ni  Marcos  bilang pang-17 Pangulo ng bansa.

 

 

Idaraos ang inagurasyon ni Marcos sa  National Museum of the Philippines sa Maynila sa Hunyo 30. (Daris Jose)

Nag-react agad nang mabasa ang tweets: OGIE, itinanggi na may ‘marital problems’ sila ni REGINE

Posted on: June 18th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

AGAD na nag-react ang singer-songwriter-tv host na si Ogie Alcasid nang mabasa ang tweets na may problema raw sila ng asawang si Asia’s Songbird Regine Velasquez.

 

 

Kaya tweet ni Ogie, “I have read some tweets about my wifey and I having marital problems. For the record, wifey and I are so much in love and there has not been any day where that love for each has ever dimi­nished.”

 

 

Pagko-correct pa niya, “I meant were that love for each other has diminished. Arrgh i have to practice proofreading hehe… sorry po… “Guys, i wish you would really experience great love. It truly is a blessing.”

 

 

Marami naman ang nag-agree na netizens at naniniwala na very strong ang buhay mag-asawa nina Ogie at Regine. Na kahit na ano pang problema ang dumating at hindi sila mauuwi at magagaya sa nauusong hiwalayan ng celebrity couple.

 

 

*** 

 

 

LUMIPAT na ang Asia’s Phoenix na si Morissette sa bagong talent management na NYMA o “Now, You Must Aspire” ng Kroma Entertainment para sa lalo pang pamamayagpag ng kanyang singing career.

 

 

 

“At NYMA, we’re extremely excited to witness Asia’s Phoenix take to the skies and beyond for the next chapter of her career. We’re honored that Morissette has chosen to bring her immense talents to NYMA, who joined us last May 1. We can’t wait to share with the world the relaunch of Morissette,” sabi ni Kat Bautista, Head ng NYMA.

 

 

 

Unang ipinamalas ni Morissette ang galing niya sa pagbirit sa Star Factor ng TV5 at unang season ng The Voice Philippines ng ABS-CBN. Binansagan siyang Asia’s Phoenix matapos ang kanyang makapigil hiningang performance sa Asia Song Festival 2017 sa Busan, South Korea.

 

 

 

Matatandaan ding bumida si Morissette sa “Disney in Concert: A Tale as Old as Time” noong 2019 kung saan inawit niya ang iba’t ibang Disney Songs. Kalaunan, napili siya ng Disney para kantahin ang theme song na “A Whole New World” ng pelikulang Aladdin. Dito nakilala niya ang batikang Hollywood actor na si Will Smith at  nakasamang magtanghal si Alan Menken para sa isang special clip ng pelikula.

 

 

 

Nakatrabaho din niya ang sikat na Grammy awardee na si Michael Bolton sa dalawang international talent competitions, ang “Bolt of Talent” ng Star World Asia at Fox TV at “Asian Dream” ng AXN Asia.

 

 

 

Noong 2021, inilabas ni Morissette ang kanyang debut album na “Signature” na nagtataglay ng mga orihinal na kantang siya mismo ang nagsulat. Tampok dito ang hit single na “Love You Still” kasama ang kanyang asawang si Dave Lamar. Pumasok ito sa music charts ng mahigit na 12 na bansa kabilang ang US at UK, ang unang pagkakataong may babaeng OPM artist na umabot sa Pandora Predictions Chart at nag-number 7 sa Billboard Next Big Sound chart.

 

 

 

Para sa kanyang 10th anniversary sa industriya noong Enero, isang virtual concert na pinamagatang “Phoenix” ang inialay  ng singer para sa kanyang mga fans.

 

 

 

Kamakailan lamang, nag-viral na naman ang high notes ni Morissette mula sa kanyang swabeng performance ng kanyang orihinal na kantang “Power” sa Miss Universe Philippines 2022 coronation night.

 

 

 

“I aspire to fly on to the world stage, and together with NYMA, soar to new heights,” pahayag pa ni Morissette na excited sa bagong yugto ng kanyang karera.

 

 

 

Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa KROMA at NYMA, bisitahin ang https://www.kroma.ph/.

(ROHN ROMULO)

DILG binalaan si Gov. Garcia, mahaharap sa legal action kapag itinuloy ang optional mask EO

Posted on: June 18th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

SINABI  ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na gagawa sila ng legal action laban kay  Cebu Governor Gwendolyn Garcia kapag itinuloy nito ang pagsuway sa mask mandate ng gobyerno sa gitna ng coronavirus pandemic.

 

 

“Ganun ang mangyayari diyan. Kapag patuloy nila yan gagawin at nagkakaroon na talaga tayo ng injury, damage and confusion eh talagang hindi naman pupuwede ang ating national government ay pababayaan lang mangyari ang ganyan,” ayon kay Interior Secretary Eduardo Año.

 

 

Tinintahan kasi ni Cebu Province Governor Gwen Garcia ang Executive Order 16 na naglalayong gawing opsyonal ng publiko ang pagsusuot ng face mask sa labas kung walang sintomas ng COVID-19 ang mga ito.

 

 

Giit ni Año, walang legal na basehan ang hakbang na ito ng Cebu government, sabay sabing ang polisiya ng local government units ay dapat na naka-angkla sa polisiya  ng  national government at  mga pahayag ng Pangulo at nakasaad sa Saligang Batas.

 

 

“We have ongoing talks in Cebu. The provincial director of the DILG continues to talk to them. In fact, I told them to fix the EO and the ordinance and align it with the IATF (Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases) rules. It cannot be optional. You can add some exemptions based on the advice of health and science experts but you cannot make the mask rule optional,” ayon sa Kalihim.

 

 

Nobyembre ng nakaraang taon, nilagdaan ni Pangulong  Rodrigo Roa Duterte ang EO 151 kung saan inaprubahan ang  nationwide implementation ng  Alert Level System for Covid-19 response na nirekomenda ng IATF.

 

 

Binigyang diin sa IATF resolution  ang  “maintenance of minimum public health standards consistent with the Department of Health (DOH) Administrative Order No. 2021-0043 which includes the mandatory wearing of face masks, especially in public areas in places under Alert Levels one to five.”

 

 

Ang EO 168, sa kabilang banda, nilagdaan ng namayapa at dating Pangulong Benigno Aquino III noong 2014 ay naglalayong “to institutionalize the creation of an IATF in anticipation of any epidemics and pandemics in the country.”

 

 

“So let’s put order into things. You cannot just do that because you know that you have a mandate to ensure order. You cannot just ignore EOs and national policies especially when the health of the people is at stake. Why did we make wearing masks mandatory? It’s because we are still in a pandemic and it is not yet over,” ayon kay Año.

 

 

Kasunod ng pagpapalabas ng EO 16 ni Garcia, kaagad namang ipinag-utos ni Año  sa kapulisan na patuloy na arestuhin, kung kinakailangan, ang mga hindi magsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar sa nasabing lalawigan.

 

 

Samantala, sinabi naman ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi kinonsulta ng Cebu provincial government ang DOH bago ito nagpasya na maglabas ng direktiba.

 

 

Ang lahat ng lokal na pamahalaan, iginiit din niya, ay dapat sumunod sa mga patakaran ng IATF.

 

 

Sinabi pa ng DoH na hindi pa ito ang tamang oras at panahon para bawiin ang sapilitang pagsusuot ng face mask lalo pa’t may ilang kaso na ang naitala kaugnay sa nakahahawang  Omicron subvariant  na natuklasan sa bansa. (Daris Jose)

World champ Caloy Yulo nangunguna sa all-around events sa nagpapatuloy na Asian championships sa Qatar

Posted on: June 18th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

ABANSE na sa score ang Pinoy world champion sa gymnastics na si Carlos “Caloy” Yulo sa nagpapatuloy na 9th Senior Artistic Gymnastics Asian Championships sa Aspire Dome sa Doha, Qatar.

 

 

Nangunguna si Yulo sa individual all-around makalipas ang Day One sa tatlong mga apparatus ng gymnastics kasama na ang pommel horse at sa rings.

 

 

Umangat nang husto ang score ni Yulo sa floor exercises kung saan siya ang world champion noong taong 2019.

 

 

Sa second day ngayon ng all-around, muling sasabak si Yulo sa kompetisyon sa vault, parallel bars, at horizontal bar upang madetermina ang gold medalist sa all-around events.

 

 

Kung maalala kamakailan lamang sa Southeast Asian Games sa Vietnam ay humakot ng limang medalyang ginto si Yulo upang kilalaning most bemedalled Pinoy athlete.

Sotto No. 79 na sa mock draft

Posted on: June 18th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NASA No. 79 spot na si Kai Sotto sa inilabas na mock draft ng isang basketball website para sa 2022 edisyon ng NBA Rookie Draft na gaganapin sa Hunyo 23 sa Brooklyn, New York.

 

 

Ayon sa NBA Draft Room, malaki ang improvement ng 7-foot-3 Pinoy cager sapul nang maglaro ito sa iba’t ibang torneo.

 

 

Kabilang na rito ang pagsabak ni Sotto sa isang season ng Australia Natio­nal Basketball League (NBL) kasama ang Ade­laide.

 

 

Mas malakas at mabilis na ito kumpara sa mga nakalipas na laro nito kaya’t maituturing na itong handang-handa na sakaling makapasok ito sa NBA.

 

 

“Tall and smooth with an emerging game, Sotto has filled out his frame well over the past few years. He’s looking stronger and quicker and more like an NBA player,” ayon sa website ng NBA Draft Room.

 

 

Nangunguna sa lista­han ng mock draft si Jabari Smith Jr. ng Auburn kasunod sina Chet Holmgren ng Gonzaga, Jaden Ivey ng Purdue, Paolo Banchero ng Duke at Keegan Murray ng Iowa.

 

 

Nauna nang nakapasok sa Top 50 si Sotto sa mga nakalipas na edisyon ng mock draft.

 

 

Target ni Sotto na ma­ging kauna-unahang pure Pinoy na makakapasok sa NBA.

Golden State Warriors tinanghal na kampeon muli sa NBA matapos makuha ang Game 6 vs Boston Celtics

Posted on: June 18th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

 

MULING kinilalang world champions ang Golden State Warriors matapos na tapusin ang best-of-seven series ng NBA Finals sa 4-2 record.
Makasaysayan ang ginawa ng Warriors nang makuha ang panalo sa Game 6 doon mismo sa homecourt ng Boston sa score na 103-90 sa harap ng mahigit sa 19,000 fans.
Ito na ang ikaapat na korona ng Warriors sa nakalipas na walong NBA seasons na huling nangyari sa panahon pa ni Michael Jordan ng Chicago Bulls noon pang dekada nubenta.
Sa laro, agad na umabanse ang Warriors sa first at second quarters.
Pagsapit ng 3rd quarter tinangkang bumawi ng Boston at pinilit na dumikit sa score hanggang sa unang bahagi ng 4th quarter.
Pero hindi na hinayaan ng Warriors sa pangunguna ni NBA superstar Stephen Curry na ma-extend pa ang serye nang magtala ng 32 points.
Minalas naman ang Celtics na inalat ang kanilang All-Star na si Jason Tatum na meron lamang kakarampot na 13 points.
Ang highest scorer sa Boston ay si Jalen Brown na may 34 points.
Nagpadagdag pa sa pagkadismaya ng Boston ay ang maagang malagay sila sa foul trouble at maraming nasayang na bola bunsod ng turnovers.
Samantala, napili naman bilang 2022 NBA Finals Bill Russell MVP si Steph Curry. Bago ito dati na ring two time NBA MVP si Curry.

 

Gun ban ipapatupad sa inagurasyon nina Marcos, Duterte

Posted on: June 18th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

MAGPAPATUPAD  ng gun ban ang Philippine National Police (PNP) para sa inagurasyon nina President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa Maynila at Vice President-elect Sara Duterte sa Davao City.

 

 

Ayon kay Police Major General Valeriano De Leon, PNP Director for Operations, simula ngayon, Hunyo 16-21 ipatutupad ang gun ban sa Davao Region para sa inagurasyon ni Duterte sa San Pedro Square sa Hunyo 19, habang ­Hunyo 27 hanggang Hulyo 2 naman ang gun ban sa Metro Manila para sa inaugural ceremony ni Marcos sa Hunyo 30 na idaraos sa National Museum.

 

 

“That [gun ban] is three days before [the event] and two days [after the event] because we have clearing areas…if ever there is an incident that warrants investigation,” ani De Leon.

 

 

Suspendido rin ang mga Permit to Carry Firearms outside Residence (PTCFOR) sa Davao City at Metro Manila alinsunod sa inaprubahan ni PNP Officer in Charge Police Lt. General Vicente Danao Jr. bilang bahagi ng security preparations ng inagurasyon.

 

 

Bukod sa pagkumpiska ng mga baril at pag-revoke sa PTCFOR ng mga lehitimong gun-owners na mahuhuling lumabag sa suspensiyon, sasampahan din ang mga ito ng kasong kriminal.

 

 

Samantala, patuloy ang paglalatag ng seguridad ng PNP para sa nalalapit na inagurasyon ng mga susunod na lider ng bansa.

 

 

Aminado si De Leon na kanilang minomonitor ngayon ang mga grupo na posibleng manggulo sa inagurasyon. Aniya, lahat ng magsasagawa ng pagkilos ay kanilang bineberipika.

 

 

Ito umano ang dahilan kung bakit magpapatupad sila ng gun ban sa Davao at Metro Manila para matiyak na hindi sila malulusutan.

 

 

Sa kabilang dako, sinabi ni De Leon na pinag-aaralan nila ang paglalagay ng screen sa labas ng venue ng inagurasyon nina Marcos at Duterte nang sa gayon ay mapanood ito ng publiko.

 

 

Aabot sa 3,700 pulis ang nakakalat sa inagurasyon ni Duterte habang 6,000 pulis naman ang nakadeploy kay Marcos. (Daris Jose)