• March 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June 22nd, 2022

Mga fans ‘bumaha’ sa kalsada ng San Fransciso

Posted on: June 22nd, 2022 by @peoplesbalita No Comments

BUMAHA ang mga fans sa mga kalsada ng San Fransisco kung saan isinagawa ang victory parade ng Golden State Warriors bilang selebrasyon sa makasaysayang pagsungkit ng korona bilang world champions sa NBA Finals.

 

 

Hindi napigilan ng mga players ng Warriors na bumaba sa kanilang bus upang makisalamuha sa crowd na matagal na oras ding nag-antay sa okasyon na ito.

 

 

Kung maalala una nang itinumba ng Warriors ang Boston Celtics 4-2 upang ibulsa ang ika-apat na titulo sa loob ng walong NBA season na huling nangyari ay noong taong 2018.

 

 

Ito na ang ika-pitong over all title ng prangkisa.

 

 

Ang mga veteran players ng team na sina sharpshooting guards Steph Curry, Klay Thompson, at Draymond Green ay hindi napigilan ang emosyon sa hindi magkamayaw na mga fans na nagsisigawan at nagpaulan pa ng mga confetti sa mga high rise buildings na kanilang dinaanan.

 

 

Sa isang parte ng parada ay bumaba ng bus si Thompson na bitbit ang championship trophy na inilagay sa gitna ng kalsada at doon siya sumayaw at nag-break dance habang suot niya ang sailing hat.

 

 

Dito na naghiyawan at nagpalakpakan din ang mga fans.

 

 

May isang bahagi rin ng okasyon nang ma-interview si Curry at sinabing magpapahinga na siya sabay bitaw sa michrophone sa sahig.

 

 

Bumaha rin ng inumin at champagne sa parada na unang isinagawa sa siyudad sa Market Street kung saan dati nilang itong inilulunsad noon sa bahagi ng Oakland.

 

 

Samantala sina Gary Payton II at J.R. Smith ay naghubad ng kanilang t-shirt habang nagsisigaw at nakipag-selfie sa mga fans.

 

 

Kapansin-pansin na kasama rin ng mga players ang kanilang mga pamilya sa parada sa loob ng bus.

HANDA NA SA FACE-TO-FACE CLASSES, AYON SA DOH

Posted on: June 22nd, 2022 by @peoplesbalita No Comments

HANDA  na ang bansa para sa  face-to-face classes sa kabila ng pagtaas ng kaso COVID-19 ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

 

 

“Well, at this point that you ask me, right now, I can say that we are ready. Ma-sustain lang natin na ang mga kaso nga like the ordinary flu — it’s just mild, asymptomatic,” tugon ni Vergeire nang tanungin  kung handa na ang bansa para sa  full face-to-face classes sa August.

 

 

Sa ngayon, ayon kay Vergeire kung titingnan mo ang mga klasipikasyon ng  mga kaso, karamihan sa mga ito ay banayad at walang sintomas.

 

 

Aniya ang mga malala at kritikal ay hindi pa lumalaki bagaman may mga kaso ng malubha at kritikal ngunit hindi gaano.

 

 

Hinimok ni Vergeire ang mga magulang at guardians na pabakunahan ang kanilang mga anak bago magsagawa ng in-person classes upang maprotektahan sila sa coronavirus.

 

 

“So, kung ganito lang po ang mangyayari, mama-manage po natin ito. We can prevent infections so that sana ma-encourage din natin ang mga magulang na bago mag-face-to-face ang mga bata, magpapabakuna po ang mga bata so they are doubly protected,” ani Vergeire.

 

 

Ayon kay Vergeire, ang average na pang-araw-araw na kaso ng COVID-19 sa Metro Manila ay tumalon sa 255 habang ang positivity rate ay lumaki sa 4.4 porsyento.

 

 

Ang pinakahuling datos mula sa DOH ay nagpakita na ang bansa ay nakapagtala ng 529 na bagong impeksyon sa COVID-19, na nagdulot ng mga aktibong kaso sa 4,740. (GENE ADSUARA)

MMDA, binasura ang expanded number coding plan sa gitna ng oil price hike

Posted on: June 22nd, 2022 by @peoplesbalita No Comments

PARA sa Metro Manila Development Authority (MMDA) walang pangangailangan na palawakin ang kasalukuyang number coding scheme kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo dahilan naman ng pagkabawas sa bilang ng mga sasakyan sa mga pangunahing lansangan.

 

 

Sinabi ni MMDA Chairman Rolando Artes na habang ang mga sasakyan sa  EDSA ay umabot na sa  “above”  pre-pandemic levels na  417,000 noong Mayo 5. Bumaba na ito sa 390,000 “as of this week.”

 

 

“Sa ngayon, wala tayong plano na magpatupad ng expanded number coding scheme dahil nakikita namin na walang pangangailangan sa ngayon dahil patuloy na nababawasan ang bilang ng sasakyan sa ating lansangan,” ayon kay  Artes.

 

 

“Iiwan na natin ‘yan sa susunod na administrasyon na mag-decide kung kailan na i-eexpand ang number coding scheme. Sa ngayon, mananatili ang present number coding scheme,” dagdag na pahayag nito.

 

 

Sa ulat, simula sa araw ng Martes, ang halaga ng diesel ay tumaas ng P3.10 Kada litro habang ang presyo naman ng kerosene ay tumaas ng  P1.70.

 

 

Ang presyo ng diesel ay tumaas ng  mahigit sa P13 sa nakalipas na tatlong linggo, ang halaga ng  diesel ay tumaas ng P4.30 noong nakaraang linggo.

 

 

May ilang  public transport drivers ang nagbanta na suspendihin ang kanilang operasyon sa gitna ng sinasabing mababang take home pay mula sa pamamasada habang ang ibang  commuters ay gumagamit na ngayon ng electronic bikes o scooters.

 

 

Samantala, hinikayat naman ng  MMDA ang mga tao na gumagamit ng  electronic forms ng transportation na sumunod sa regulasyon. (Daris Jose)

President-elect Marcos inatasan si VP-elect Sara na i-review ang implementasyon ng K-12 education system

Posted on: June 22nd, 2022 by @peoplesbalita No Comments

INATASAN ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. si incoming DepEd secretary at Vice President-elect Sara Duterte-Carpio na i-review ang implementasyon ng kontrobersiyal na K-12 education system sa bansa.

 

 

Ayon kay VP Sara, kailangan na mapag-usapan muna ang panukalang buwagin ang K-12 education system dahil isa itong isyu na hindi dapat pinagdedesisyunan ng mabilisan.

 

 

Noong 2020, inihayag ni ACT Teachers Representative France Castro na isang failure ang K-12 congested curriculum kung saan nagresulta umano ito sa mga Grade 4 students sa bansa na makapagtala ng pinakamababang puntos mula sa mga paticipants sa 58 bansa sa Trends in International Mathematics at Science Study 2019.

 

 

Kabilang sa nagsusulong na buwagin na ang K-12 program ay ang grupong Kabataan partylist.

 

 

Samantala, itinanggi naman ng kampo ni VP Sara ang umano’y planong pagsusulong ng K14+ basic education program ng incoming DepEd chief.

BBM pamumunuan ang Department of Agriculture

Posted on: June 22nd, 2022 by @peoplesbalita No Comments

PAMUMUNUAN ni Presi­dent-elect Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Agriculture (DA) kasabay ng kanyang panunungkulan bilang Pangulo ng bansa sa unang bahagi ng kanyang administrasyon.

 

 

Si Marcos mismo ang nag-anunsyo sa kanyang hahawakang posisyon bago ang kanyang panunumpa bilang pangulo sa Hunyo 30.

 

 

Ipinahiwatig ni Marcos na pansamantala lamang ang gagawin niyang paghawak sa DA habang inihahanda ang departamento sa mga susunod na taon.

 

 

“I have decided to take on the portfolio of Secretary of Agriculture, at least for now… At least until we can re-organize the Department of Agriculture in a way that will make it ready for the next years to come,” ani Marcos sa isang press briefing.

Aminado si Marcos na malaki ang problema sa agrikultura kaya siya na muna ang hahawak sa DA.

 

 

Ayon pa sa incoming President, marami ang kailangang palitan at mga opisina na hindi nagagamit para mas maging kapaki-pakinabang pagkatapos ng pandemya.

 

 

Tiniyak din ni Marcos na magkakaroon ng “restructuring” sa DA.

 

 

“Marami tayong ka­ila­ngan palitan, iba’t ibang opisina na hindi na nagagamit na kailangang i-retool post-pandemic. We’re going back to basics and we will rebuild the value chain of agriculture,” ani Marcos.

 

 

Ipinunto rin ni Marcos na maraming mga prayoridad pagdating sa agrikultura lalo na ang pagpapataas ng produksiyon.

 

 

Nagbabala rin si Marcos na magkakaroon ng kakulangan sa pagkain sa mga susunod na panahon dahil sa mga nangyayari sa labas ng bansa na nakakaapekto sa suplay ng pagkain.

 

 

“There will be a shortage or increase in food prices in the next quarters that will come, simply because of outside forces that have been impacting upon food supply,” ani Marcos. (Daris Jose)

Reyes hinirang na PBAPC Coach of the Year

Posted on: June 22nd, 2022 by @peoplesbalita No Comments

KINILALA si Chot Reyes ng TNT Tropang Giga bilang PBA Press Corps (PBAPC) Coach of the Year para sa Season 46 matapos pagharian ang nakaraang Phlippine Cup.

 

 

Tatanggapin ng 58-anyos na si Reyes ang kanyang ikaanim na Virgilio ‘Baby’ Dalupan trophy sa traditional Awards Night ngayon sa Novotel Manila Araneta Center.

 

 

Tinalo ni Reyes si Tim Cone ng Barangay Ginebra para sa nasabing award makaraang bumalik sa PBA matapos ang halos isang dekadang pagkawala.

 

 

Ang pang-anim na Coach of the Year award ni Reyes ang pinakamarami sa kasaysayan ng PBAPC, ngunit kauna-uanahan para sa kanya matapos noong 2011.

 

 

Pamumunuan ni Reyes ang 14 pang awardees na pararangalan ng mga nagkokober sa PBA beat sa two-hour affair na pamamahalaan nina veteran sportscaster Sev Sarmenta at dating courtside reporter at ngayon ay news anchor na si Rizza Diaz.

 

 

Si re-elected Bulakan, Bulacan Mayor at dating MVP Vergel Meneses ang tatayong guest of honor sa programang magsisimula sa alas-7 ng gabi.

 

 

Si Barangay Ginebra governor Alfrancis Chua ang tatanggap sa Danny Floro Executive of the Year habang si NorthPort forward Arwind Santos ang gagawaran ng Defensive Player of the Year.