SINABI ng Malakanyang na dapat lamang na habulin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang lahat ng tao na hindi nagbabayad ng kanilang buwis sa gitna ng usapin hinggil sa P203-billion estate tax debt case ng pamilya Marcos.
Tinanong kasi si acting presidential spokesperson Martin Andanar kung may nakikitang ‘sense of urgency’ ang Malakanyang na makolekta ang sinasabing unpaid taxes ng mga Marcoses na maaaring gamitin sa pandemic response at recovery.
“Hindi lang sa kung sinong politiko o personalidad. Aba dapat sa lahat ng hindi nagbabayad ay habulin ng BIR sapagkat kailangan ng karagdagang pondo ang ating national government,” ayon kay Andanar.
Araw ng Martes, sinabi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na dapat nang tanungin ang BIR kung bakit hindi pa nito nakokolekta ang ilang estate tax due.
Hindi naman pinangalanan ni Pangulong Duterte kung sino ang dapat kolektahan ng estate tax.
At nang tanungin si Andanar kung ang tinutukoy ba ng Pangulo ay ang pamilya Marcos at kung ano ang legal steps na gagawin ng Malakanyang ay sinabi ni Andanar na pinaaalalahanan lamang ng Pangulo ang BIR na kailangang gampanan nito ang kanyang mandato.
“The President only reminded the BIR to act on its mandate and that is to collect taxes,” anito.
Matatandaang sinabi ng Malakanyang na aalamin nito sa BIR at sa economic cluster ang mga impormasyon tungkol sa sinasabing utang sa estate tax ng pamilya Marcos na umaabot sa P203 bilyon.
Nauna nang sinabi ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na marami umanong “fake news involved” tungkol sa alegasyon ng ill-gotten wealth ng kaniyang pamilya.
Tungkol sa umano’y utang sa estate tax ng kaniyang pamilya, sabi ni Marcos, “They are just presumptions, they are not familiar with the cases or they choose not to be familiar with the case so yeah, it’s in the courts.”
Sinasabing taong 1997 pa mayroon desisyon ang Korte Suprema tungkol sa paniningil sa naturang estate tax.
Inihayag naman kamakailan ng BIR na nagpadala na sila ng demand letter sa mga Marcos tungkol sa nasabing utang. (Daris Jose)
PERSONAL na in-unveil ni Miss Universe 2018 Catriona Gray ang kanyang first ever wax figure sa Madame Tussauds Singapore.