• March 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for April, 2022

Mayor sa Ukraine at pamilya nito, natagpuang patay at nakatali pa ang mga kamay

Posted on: April 7th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NATAGPUAN  ng mga awtoridad sa Ukraine ang katawan ng limang sibilyan kabilang ang Mayor at asawa’t anak nito na nakatali pa ang mga kamay sa isang village sa west ng Kyiv.

 

 

Ayon sa awtoridad, ang apat na narekober na katawan kabilang ang alkalde ay bahagyang nakabaon sa lupa sa isang kagubatan malapit sa bahay nito sa Motyzhyn.

 

 

Ang isa namang bangkay ay narekober mula sa isang maliit na balon na nasa isang harden.

 

 

Ang dalawang kalalakihan naman na hindi parte ng pamilya ng alkalde ay nakatali ang kanilang mga kamay sa kanilang likuran.

 

 

Natukoy ang mayor na si Olga Sukhenko, 50 anyos na dinakip ng Russian troops kasama ang kaniyang asawa’t anak noong Marso 24 matapos na tumangging makipag-cooperate sa pwersa ng Russia.

 

 

Nito lamang ding nakaraang araw nadiskubre ang mga bangkay ng daan-daang mga sibilyang Ukrainians na nagkalat sa mga kalsada at sa mass graves o libingan na pinaniniwalaang biktima ng massacre ng Russian forces.

Robredo voters lumobo habang Marcos dumapa nang kaunti sa survey — Pulse Asia

Posted on: April 7th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

BAHAGYANG  nabawasan ang mga Pinoy na iboboto sa pagkapangulo si survey frontrunner Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. habang umakyat naman ang mga nagsabing kay Bise Presidente Leni Robredo sila ngayong Mayo 2022, ayon sa Pulse Asia.

 

 

Ito ang lumabas na resulta, Miyerkules, matapos ang pag-aaral na ginawa mula ika-17 hanggang ika-21 ng Marso sa 2,400 katao mula Metro Manila, nalalabing bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao.

 

 

Sinagot ng respondents ang sumusunod na tanong: “Sa mga taong nasa listahang ito, sino ang inyong iboboto bilang PRESIDENTE NG PILIPINAS kung ang eleksyon ng Mayo 2022 ay gaganapin ngayon at sila ang mga kandidato?”

 

 

Narito ang mga resulta:

Bongbong Marcos (56%)

Leni Robredo (24%)

“Isko Moreno” Domagoso (8%)

Manny Pacquiao (6%)

Ping Lacson (2%)

Faisal Mangondato (1%)

Ernie Abella (0.1%)

Jose Montemayor Jr. (0.05%)

Leody de Guzman (0.02%)

Norberto Gonzales (0%)

Hindi paalam/Tumanggi sumagot/Wala (3%)

 

 

Kapansin-pansing bumaba si Marcos sa bagong labas na survey, gayong nasa 60% ang nagsabing iboboto siya sa pag-aaral na isinagawa noong Pebrero.

 

 

Tumaas naman ng siyam na puntos si Robredo sa bagong survey gayong nasa 15% lang siya sa pag-aaral na inilabas noong nakaraang buwan.

 

 

Matatandaang hindi pa nangyayari ang mga higanteng mga campaign rallies ni Robredo noong isinagawa ang survey na inilabas noong nakaraang buwan.

 

 

“Former Senator Ferdinand Marcos, Jr. remains the frontrunner in the May 2022 presidential race (56%) while Manila Mayor Francisco Domagoso posts the highest second-choice voter preference (23%),” ayon sa pahayag ng Pulse Asia.

 

 

“[F]ew significant changes in voting figures occur between February 2022 and March 2022, with Vice-President Maria Leonor G. Robredo gaining support (+9 percentage points)”

 

 

Ayon pa sa research firm, halos walang nagbago mula sa February at March surveys maliban kina Marcos at Robredo.

 

 

Bumaba nang 5% ang electoral support kay BBM sa class D habang tumaas naman kay Robredo hindi lang sa buong Pilipinas (9%) kundi pati sa buong Luzon (14%), Mindanao (9%) at Class D (10%).

 

 

Ikinatuwa naman ng kampo ni VP Leni ang kinalabasan ng Pulse Asia survey at sinabing dahan-dahan nang pumipihit pabor sa kanila ang mga numero kasabay ng biglaang paglaki ng suporta sa bise presidente nitong mga nagdaang buwan at linggo. Tinawag nila itong “turning of the tide.”

 

 

“The survey numbers are starting to reflect what we have been seeing on the ground all along: the massive crowds, the fierce passion, the untiring commitment of Filipinos from all walks of life, coming together to rally behind Leni Robredo’s bid for the Presidency,” ani Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo.

 

 

“This 13-point swing going into the last two months of the campaign clearly establishes what we have long known: that VP Leni has the momentum, which we expect will only further intensify and accelerate all the way to May 9.”

 

 

Aniya, malaki raw ang nagagawa sa ngayon ng kanilang supporters na patuloy sa pagbabahay-bahay at pagkumbinsi sa kapwa.

 

 

Samantala, patuloy namang nangunguna si UniTeam bet Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio pagdating sa pagkabise presidente matapos makakuha ng 56%. Sinundan naman siya nina Senate President Vicente Sotto III (20%) at Sen. Francis Pangilinan (15%).

 

 

“For the period February 2022 to March 2022, the only marked changes in first-choice voter preferences for vice-president are recorded by Senate President Sotto and Senator Pangilinan,” dagdag pa ng Pulse Asia.

 

 

“Support for the former eases in the rest of Luzon (-9 percentage points) while the reverse occurs in the latter’s case (+9 percentage points).”

 

 

Isinagawa ang Ulat ng Bayan survey sa sariling kapasidad ng research organization at hindi kinomisyon ninuman.

 

 

Bagama’t ganito ang mga numero, hindi ibig sabihing ang mga nabanggit na ang mananalo sa Mayo. (Daris Jose)

Double pay para sa mga manggagawang papasok tuwing regular holidays ngayong Abril, ipinag-utos ng DOLE

Posted on: April 7th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

IPINAG-UTOS ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employers na ibigay ang double pay ng mga manggagawa na papasok sa trabaho sa mga araw na idineklaang regular holidays ngayong buwan.

 

 

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga empleyado na papasok sa regular holidays sa Abril 9,14 at 15 ay entitled na makatanggap ng doble sa kanilang arawang sahod alinsunod sa nakasaad sa Labor Advisory no.8.

 

 

Ibig sabihin ang mga magtratrabaho sa nasabing mga petsa ay dapat na makatanggap ng 200% ng kanilang regular na sahod habang ang mga empleyado naman na hindi papasok sa regular holidays ay makakatanggap pa rin ng 100 porsyento ng kanilang sahod.

 

 

Dapat din na bayaran ng mga employer ang pagtratrabaho ng overtime ng mga empleyado ng karagdagang 30% ng kanilang hourly rate gayundin kapag ang mga empleyado ay nagtratrabaho tuwing regular holidays at araw ng kanilang day off dapat silang makatanggap ng karagdagang 30% ng kanilang hourly rate ng double pay at karagdagng 30% kung magtratrabaho pa ng overtime.

 

 

Subalit sa Abril 16 naman na idineklarang special non-working day, ayon kay Bello dapat na i-apply ang no work, no pay.

 

 

Kapag pumasok naman ang isang empleyado sa special day dapat na makatanggap ito ng karagdagang 30% ng kanilang basic wage sa unang walong oras ng pagtratrabaho at karagdagang 30% para sa OT.

 

 

Sa kabilang banda naman, ang mga manggagawa na papasok sa trabaho sa araw ng kanilang dayoff na nagkataong special day ay dapat na makatanggap ng 50% ng kanilang sahod para sa unang walong oras sa kanilang trabaho at 30% pa na dagdag para sa overtime.

P470 umento sa NCR, ipipilit sa wage board

Posted on: April 7th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

MULING  naghain ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board ng P470 dagdag-suweldo para sa mga manggagawa sa Metro Manila.

 

 

Ito ay makaraang iba­sura noong Lunes ng wage board ang naunang petisyon ng TUCP dahil hindi umano sila maaaring makapagbigay ng “across the board” na umento.

 

 

Dahil dito, inalis na ng TUCP ang terminong ‘across the board’ sa kanilang bagong petisyon.

 

 

Iginiit ni TUCP President Raymond Mendoza, na kahit hindi kayang magbigay ng ‘across the board’ na dagdag-sahod ang wage board, may kapangyarihan pa rin naman umano ito na magpatupad ng umento. Hindi umano dapat magpaka-teknikal ang pamahalaan ngayong nasa panahon ng emergency ang bansa.

 

 

Bukod dito, hindi naman nila hinihiling ang ‘across the board’ na umento sa buong bansa ngunit para lang sa Metro Manila. Napapanahon umano ito dahil sa patuloy na pagtaas sa presyo ng mga bilihin dulot ng sobrang taas na presyo ng langis. (Daris Jose)

7 dinala sa hospital dahil sa ammonia leak sa Navotas

Posted on: April 7th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NASA pitong katao ang isinugod sa hospital habang napilitang lumabas ng kanilang bahay para lumikas ang mga residente sa gitna ng malakas na ulan kasunod ng pagtagas ng ammonia sa planta ng yelo sa Navotas City, Martes ng madaling araw.

 

 

Nakatanggap din ng report ang Navotas City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) na isa ang namatay subalit, inaalam pa nila kung may kaugnayan ang pagkamatay nito sa ammonia leak na naganap dakong alas-2:50 ng madaling araw sa Magsimpan Ice Plant sa kahabaan ng M. Naval St., Brgy. NBBS Kaunlaran.

 

 

Sa ulat na nakarating sa opisina ni Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging, habang ang mga empleyado ng Magsimpan Ice Plant ay nagtatrabaho sa kani-kanilang lugar nang napansin nila ang isang malakas na amoy ng ammonia na naging dahilan upang agad silang umalis sa company premises at humingi ng tulong sa nagpapatrolyang mga pulis.

 

 

Nabulabog naman ang mga residente sa naturang lugar na agad naglabasan ng kanilang bahay habang tinatakpan ang kanilang bibig at ilong upang lumikas.

 

 

Mabilis namang rumesponde ang mga tauhan ng Navotas Bureau of Fire Protection (BFP) sa pangunguna ni F/Insp. Pedrito Polo at tatlong BFP fire trucks sa naturang lugar para magsagawa ng imbestigasyon at mapigil ang pagtagas ng ammonia.

 

 

Sa ulat ng DRRMO, napigilan ang pagtagas ng ammonia bandang alas-4 ng madaling habang pitong pasyente ang isinugod sa Navotas City Hospital kung saan sila inoobserbahan.

 

 

Ipinag-utos din ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang pansamantalang pagsususpinde sa operasyon ng Magsimpan Ice Plant upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng empleyado at mga residenteng nakatira malapit sa lugar.

 

 

Ayon sa DRRMO, ang Magsimpan Ice Plant ay sampung taon nang operational at sa kabila ng patuloy na safety checks na isinasagawa ng BFP at DRRMO, dalawang beses nang nakapagtala ng ammonia leak ang kumpanya noong nakaraang taon at ang pinakahuli ay nangyari nitong Martes ng madaling araw.

 

 

Sinabi ng City Health Office na ang liquid ammonia, na ginagamit bilang regrigerant o coolant para sa paggawa ng purified tube ice, ay mapanganib sa mga taong direktang nalantad sa malalaking konsentrasyon na maaaring magdulot ng mga komplikasyon tulad ng pagkabulag, pagkatuyo ng lalamunan at hirap sa paghinga na maaaring ikamatay. (Richard Mesa)

WHO, Qatar at FIFA leaders, nagkasundo sa pagsulong sa kalusugan sa World Cup 2022

Posted on: April 7th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NAGKASUNDO ang World Health Organization, Qatar at FIFA sa pagsulong sa kalusugan sa World Cup Qatar 2022.

 

 

Ayon kay Kathleen Bico Comia, nakipagpulong si WHO Director General Dr Tedros Ghebreyesus, Qatar Ministry of Public Health, FIFA at Supreme Committee for Delivery & Legacy para sa pinakaunang Steering Committee meeting kung saan tema ang “Healthy FIFA World Cup Qatar 2022 Creating Legacy for Sport and Health.”

 

 

Anya, kabilang sa mga napagkasunduan ay ang pagpapatupad ng pag-iingat, pagsugpo sa hawaan ng COVID-19 at pagbibigay ng mga masustansyang pagkain sa stadiums at fan zones.

 

 

Napagkasunduan rin ng Steering Committee leaders ang pagbabawal sa tobacco sa lugar na pagdarausan ng World Cup.

 

 

Ngunit papayagan anya ang pagbebenta ng alcoholic drinks sa mga hotels at restaurants sa lalo na sa mga foreign visitors.

PAGHALIK SA ALTAR AT KRUS, HINDI INIREREKOMENDA

Posted on: April 7th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

HINDI  inirerekomenda  ng Department of Health (DOH) ang paghalik sa altar at krus sa gitna ng COVID-19 pandemic  ngayong panahon ng Holy Week. .

 

 

Ang Holy Week ay mula April 10, Linggo hanggang April 16, Sabado.

 

 

Sinabi ni Health Usec Maria Rosario Vergeire sa media forum na ang nasabing virus ay maaaring maisalin sa pamamagitan ng droplet infection na maari namang maipasa sa iba kung hahalik sa isang puon na hinalikan na ng paulit-ulit .

 

 

Aniya, ang health department ay pinayuhan at hinimok ang mga simbahan na pansamantalang huwag munang ituloy ang kinaugalian .

 

 

“Meron naman po tayong mga iba pang bagay o ano ba ways kung paano tayo makakapag show ng ating devotion sa ating mga santo, sa ating mga pinupuntahang simbahan,” sinabi ni Vergeire.

 

 

“Sana po itong practice na ito maiwasan para hindi na tayo magkaroon ng pagtaas ng kaso kung saka-sakali dahil sa practice na ito,” dagdag pa ni Vergeire .

 

 

Dagdag pa, hindi hinihikayat ng DOH ang pagpapako sa krus dahil maaari itong magdulot ng malaking pinsala sa isang indibidwal.

 

 

Babala ni Vergeire, ang pagpapako sa krus ay magdudulot ng blood loss, tetanus, at ibang uri ng infections.

 

 

“We request and we recommend no, a-advise po natin sa ating mga kababayan, kung maiiwasan naman po, maaari naman po tayo, katulad ng sabi ko, sumamba sa ating Panginoon sa ibang paraan.” (GENE ADSUARA )

Pangangampanya sa Holy Thursday, Good Friday bawal – PNP

Posted on: April 7th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

PINAGBABAWAL ang pangangampanya sa April 14, Holy Thursday at April 15, Good Friday.

 

 

Ito  ang paalala ni Philippine National Police  chief General Dionardo Carlos sa lahat ng mga kandidato ngayong eleksyon.

 

 

Ayon kay Carlos ito ay batay sa calendar of activities na ipinasa ng Commission on Elections (COMELEC) at pagbibigay respeto sa paggunita sa  Holy Week

 

 

Sinabi ni Carlos na mahigpit nilang babantayan ang mga aktibidad sa mga pampublikong lugar sa mga nabanggit na mga araw gayundin ang mga politiko at kanilang mga supporters.

 

 

Agad nilang ipaaalam ito sa Comelec upang  mabigyan ng  kaukulang parusa.

 

 

Ang paalala ay ginawa ng PNP chief kasabay ng paghahanda ng PNP para sa darating na Semana Santa.

 

 

Una nang binilinan ng PNP chief ang lahat ng field commanders na siguraduhin ang police visibility at magtatag ng mga police assistance centers sa mga lugar na tradisyunal na dinudumog ng mga tao sa panahong ito, partikular sa mga transportation hubs at sa mga major highways patungo sa mga lalawigan.

 

 

Kamara naghahanda na sa canvassing of votes

 

 

Naghahanda na ang Mababang Kapulungan ng Kongreso para sa Consolidation and Canvassing System (CCS) sa posisyon ng presidente at bise presidente sa bansa.

 

 

Sinabi ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza na ang canvass of votes ay kabilang sa pinakamahalagang constitutional mandate ng Kongreso.

 

 

Nitong Lunes ay nagsagawa ang ilang mga mambabatas sa Kamara ng executive session para sa briefing ng Comelec sa National Board of Canvassers-Congress para sa paggamit ng CCS sa halalan.

 

 

Samantala, tiniyak naman ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo sa publiko partikular na sa mga botante na bawat boto ay mabibilang ng tumpak.

 

 

Ang deployment ng CCS equipment ay inaasahan sa huling linggo ng Abril.

Russia, hindi papayagan ng Amerika na bayaran ang utang gamit ang mga dolyar na naka-imbak sa US banks

Posted on: April 7th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

HINDI  na papayagan ng US ang Russia na bayaran ang utang nito gamit ang mga dolyar na nakaimbak sa mga bangko ng Amerika, isang pagbabago na naglalayong magdagdag ng presyon sa Moscow.

 

 

Sinabi ng press secretary ng White House na si Jen Psaki na layunin nito ay upang maubos ang mga mapagkukunang pinansyal ng Russia.

 

 

Ayon kay Psaki, dahil dito ang Russia ay wala nang unlimited resources lalo na ngayon, dahil sa nakapipinsalang mga parusa na inilagay ng Amerika at mapipilitan silang pumili sa pagitan ng pag-drain ng natitirang mahahalagang dollar reserves, o bagong kita na papasok, o default.

 

 

Dagdag pa nito na ang pinakamalaking bahagi ng kanilang layunin dito ay upang maubos ang mga mapagkukunan na kailangan ni Putin upang ipagpatuloy angkanyang digmaan laban sa Ukraine.

 

 

Magugunitang, dati nang pinahintulutan ng US Treasury Department ang Russia na gamitin ang mga naka-frozen na foreign currency reserves upang bayaran ang utang na nagpapahintulot sa Russia na maiwasan ang isang default.

Gun ban violators, pumalo na sa higit 2.3-K – Comelec

Posted on: April 6th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

PUMALO  na sa mahigit 2,300 ang bilang ng mga lumabag sa Commission on Elections (Comelec) gun ban.

 

 

Ayon sa Philippine National Police (PNP) kabuuang 2,313 na katao na ang lumabag sa nationwide election gun ban ng komisyon.

 

 

Nasa 2,249 ng mga violators ay sibilyan, 40 ang security guards, 14 ang police officers, at 10 military personnel.

 

 

Nakumpiska naman sa mga lumabag sa isinagawanf 2,209 police operations ang 1,785 firearms, 10,157 piraso ng bala at 826 deadly weapons.

 

 

Ayon sa PNP, karamihan sa mga violators ay mula pa rin sa National Capital Region na mayroong 854, Calabarzon, 250 at Central Visayas na may 241.

 

 

Sa ilalim nga ng Resolution No. 10728, ipinagbabawal ng Comelec ang pagbitbit ay pagbiyahe ng mga baril at deadly weapons sa labas ng kanilang bahay mula Enero 9 hanggang Hunyo 8.

 

 

Exempted sa gun ban ang mga law enforcers, pero dapat ay otorisado ng Comelec at dapat ay nakasuot ang mga ito ng agency-prescribed uniform habang nakaduty sa kasagsagan ng election period.