• March 8, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for January, 2022

Comelec ibinasura ang petisyong ikansela ang COC ni Marcos

Posted on: January 18th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

HINDI ikakansela ng Commission on Elections (Comelec) ang certificate of candidacy (COC) ni dating Sen. Bongbong Marcos para sa eleksyong 2022, ayon sa mga naghain ng petisyon, Lunes.

 

 

Sa isang pahayag na inilabas ng mga abogado ng petitioners, sinabi ni dating Supreme Court spokesperson Theodore Te na dineny ng Comelec Second Division ang kanilang petition for cancellation ngayong ika-17 ng Enero.

 

 

“Service was made by email at 9:50 a.m.,” ayon sa pahayag kanina.

 

 

“Petitioners disagree with the Comelec in its ruling, among others, that the material representations made were not false and will seek reconsideration of the Resolution with the Commission En Banc within the five-day period provided under the Comelec Rules.”

 

 

Aniya, lumabas sa desisyon na sumang-ayon ang poll body nang igiit nila na “material” ang mga representations na ginawa sa Item 11 at Box 22 ng COC ni Marcos Jr. Gayunpaman, sinabi ng division na hindi sila sang-ayon na “false” ito dahilan para kanilang sabihin na walang dahilan para ikansela ang kanyang kandidatura.

 

 

Una nang sinabi ng petitioners na mali-mali ang inilagay ni Marcos sa kanyang COC nang sabihin niyang “eligible” siya sa pagtakbo sa pagkapangulo ng Pilipinas. Aniya, disqualified siya rito bilang bahagi ng parusa ng kanyang 1995 conviction kaugnay ng isang tax case.

 

 

“Counsels are not free to discuss the ground to be included in the Motion for Reconsideration until the same is filed. Additional updates will be provided once the same is filed,” dagdag pa ng pahayag.

 

 

Ang desisyong ito ay hiwalay pa sa kaso ng disqualification laban kay Marcos, na inaasahang ilalabas din ngayong araw(Daris Jose)

Pagsita sa pag-e-exercise, ‘di napigilang patulan: JESSY, inaabangan din ng netizens kung kailan mabubuntis tulad ni HEART

Posted on: January 18th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

TUNGKOL sa pag-e-exercise ang recent Instagram post ni Jessy Mendiola.  

 

 

At sa kabila ng ang daming kapwa celebrities niya ang pumupuri sa katawan ng misis ni Luis Manzano, tulad na lang ni Pia Wurtzbach na ang comment, “Slaaay Jessy!!,” meron pa rin nag-nega rito.

 

 

Para na rin palang si Heart Evangelista si Jessy ngayon.  Inaabangan na rin kung kailan mabubuntis at mabibigyan ng anak si Luis.

 

 

Comment kasi ng isang netizen na kinuwestiyon na kaya raw siguro ito nagpapaganda ng abs, dahil ayaw mabuntis.

 

 

Hindi ito pinalampas ni Jessy at sinagot na, “porket may abs bawal mabuntis?”

 

 

Sabi pa ng isang comment din, “Paano ka magkaka-baby niyan if you always exercise.”  Sinagot pa rin ito ni Jessy na, “iba-iba lahat tayo. Hindi ibig sabihin na it works for you eh ganoon na din sa iba.”

 

 

Sa isang banda, bakit nga ba ang ilang netizens ang may isyu na mabuntis o magka-anak na sina Jessy at Luis kung yung dalawa e, mukhang relax at nag-e-enjoy naman sa pagiging mag-asawa nila.

 

 

***

 

 

MABILIS daw na nawala ang pagka-ilang ni Rhen Escaño at Rita Martinez sa isa’t-isa kahit nga first time lang nagkasama at isang “GL” Girl Love story na ang ginawa nila.

 

 

Ayon kay Rhen, sa workshop pa lang daw ay nawala na agad ang anumang pagka-ilang nila. Actually, ang difference ng Lulu ang GL series na mapapanood sa Vivamax simula sa January 23, written and directed by Sigrid Andrea P. Bernardo, kumpara sa ibang mga actors na gumaganap bilang bading o lesbian, mga straight talaga.

 

 

This time, very open naman si Rita since The Voice pa na miyembro siya ng LGBTQ.

 

 

At ‘eto na, mukhang sa totoong buhay, si Angel Aquino ang makakapag-test ng friendship ng dalawa na.

 

 

Aba, parehong si Angel ang itinuturing nilang girl crush.  Si Rhen na nagsabing wala siyang any experience pa sa same sex o nanligaw man lang sa kanyang tibo, pero sa crush na babae, Ang Probinsyano pa lang daw ay sinabi na niya kay Angel na crush niya ito at dream din na maka-trabaho.

 

 

“Ako rin, ako rin,” ang hirit ni Rita na gandang-ganda rin kay Angel at tulad ni Rhen, crush niya raw talaga.

 

 

Grabe rin ‘tong appeal ni Angel e, walang kupas, lalo na sa mga babae at lesbian.

 

 

Anyway, light daw ang kuwento at approach ng Lulu as opposed sa mga karaniwang LGBTQ na napapanood natin na madalas, seryoso ang paglalahad ng kuwento.

 

 

***

 

 

NATUWA raw ang Asia’s Multimedia Star na si Alden Richards dahil sa naging bakasyon niya sa America after two years na hindi siya nakalabas ng bansa, pakiramdam daw niya ay bumalik siya sa normal.

 

 

Turista lang daw ang peg niya at talagang nagawa rin niya na mas makapag-spend ng time kasama ang kapatid niya na naka-base ro’n at ibang relatives.

 

 

Pero obviously, mas masaya ito dahil ang tila passion project niya, ang Alden ForwARd online concert na magaganap sa January 30 ay sold-out na ang tickets.

 

 

Kaya siyempre, masaya si Alden dahil marami siyang matutulungan, ang mga beneficiary ng kanyang Alden Foundation.

(ROSE GARCIA)

P1 bilyong ayuda sa workers, nakahanda na

Posted on: January 18th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

AABOT sa 200,000 manggagawa sa pormal na sektor ang mabibiyayaan sa ilalabas na P1 bilyong halaga ng ayuda ngayong katapusan ng Enero, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

 

 

Tatanggap ng tig-P5,000 ang bawat manggagawa na naapektuhan ng ekstensyon ng Alert Level 3.

 

 

Sinabi ni Labor Assistant Secretary Dominique Rubia-Tutay na tinatapos na ang panuntunan sa pamamahagi ng COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP).

 

 

Karamihan umano sa mga naapektuhan at makakatanggap ng ikatlong tranche ng ayuda ang mga nagtatrabaho sa sektor ng turismo, entertainment at pagkain.

 

 

“Instead na bumangon, na-put-on-hold na naman at ngayon ay na-extend tayo hanggang end of the month ang ating alert level 3 at nag-expand pa ‘yong areas covered by alert level 3. So kailangan ‘yong assistance ng ating mga kababayan,” ayon sa opisyal.

 

 

Sa monitoring ng DOLE mula Enero 1-6, nasa 3,284 manggagawa sa 267 establisimyento ang nawalan ng trabaho dahil sa permanenteng pagsasara.

 

 

May 5,762 naman ang binabaan ng suweldo dahil sa pagpapatupad ng ‘flexible working hours’. Karamihan sa kanila ay sa National Capital Region habang ang iba ay sa Region III at IV-A.

 

 

“May iba na kahit Alert Level 3 mas gugustuhin nila na magsara temporarily dahil mas malaki ang gastos nila kaysa sa kikitain po nila,” paliwanag pa ni Tutay.

 

 

Ang mga aplikasyon para sa cash assistance ay maaaring gawin sa pamamagitan ng online ng apektadong kumpanya o indibidwal na manggagawa. (Gene Adsuara)

Pamilya ni ANNE, enjoy kahit sobrang lamig sa Finland at tila wala pang balak na bumalik

Posted on: January 18th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

TILA wala pang balak na bumalik ng Pilipinas ang pamilya ni Anne Curtis dahil mula sa France ay nasa Finland na sila ngayon.

 

At parang hindi apektado si Anne, ang mister niyang si Erwan Heussaff at anak na si Dahlia sa freezing temperature sa Lappi, Finland dahil feeling Christmas vacation pa rin sila.

 

Nag-enjoy kasi si Dahlia sa kanyang Winter Wonderland vacation habang namamasayal ito sakay ng sleigh na hinahatak ng reindeers.

 

Postcard perfect nga ang mga pinost na photos ni Anne sa kanyang Instagram ng mga scenic views ng Finland, kasama pa rito ang pagbabad ng aktres sa isang warm pool na naka-bikini kesehodang puti ang paligid niya dahil sa snow.

 

Caption pa ni Anne: “The cold never bothered me anyway.”

 


      Wala namang balita na nagkasakit ang Heussaff family dahil sa Omicron variant.

 

 

***

 

 

NAGULAT si Geneva Cruz nang bigla siyang sitahin ng kanyang anak na si London sa isang eksena niya sa Little Princess.

 

 

Bukod sa kanyang pagiging kontrabida, sinita si Geneva dahil sa paninigarilyo nito sa eksena.

 

 

Pinaliwag ni Geneva na acting lang daw lahat nang ginagawa niya sa teleserye.

 

 

Pero dahil bata ang kausaup, ang tanong ni London sa kanyang mommy a, “Why do you have to be mean?” at sinabi pa nito na, “Smoking is bad.”

 

 

Sagot ni Geneva, “Mommy’s work is to pretend on TV. Mommy doesn’t smoke, okay? I wasn’t really smoking.”

 

 

Natutuwa naman daw si Geneva sa pagiging observant ng kanyang anak. Iniisip din niya kung ang magiging reaction ng mommy niya kung sakaling buhay pa ito. Pumanaw last year ang ina ni Geneva dahil sa COVID-19.

 

 

“My mom was such a big teleserye fan. I can just imagine yung magiging reaction niya kung mapapanood niya ako sa first teleserye ko. I know na magugustuhan niya itong Little Princess if she was still here with us.”

 

 

***

 

 

KINABOG pa rin ni Taylor Swift ang lahat ng female musicians last year dahil siya lang ang kaisa-isang babae na pasok sa listahan ng Top 10 Highest Paid Musicians of 2021 ng Rolling Stone’s magazine.

 

 

Ayon sa music publication, kumita ng $80 million last year si Taylor. Dahil ito sa pag-top sa album charts ng kanyang re-recorded albums na Red (Taylor’s Version) at Fearless (Taylor’s Version) na naging number 2 at number 4 respectively in total sales noong 2021.

 

 

Magkasunod lang sila ng The Voice coach and country singer na si Blake Shelton na may kita na $83 million.

 

 

Ang nasa number one spot ay si Bruce Springsteen with $590 million earnings last year. Kasama rin sa Top 10 ay sina Jay-Z ($470 million), Paul Simon ($260 million), Kanye West ($250 million), Ryan Tedder ($200 million), Red Hot Chili Peppers ($145 million), Lindsey Buckingham ($100 million), at Mötley Crüe ($95 million).

(RUEL J. MENDOZA)

Tsunami dahil sa pagsabog ng bulkan sa Tonga naramdaman sa Japan at California

Posted on: January 18th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NARAMDAMAN ang pagtaas ng tubig sa karagatan ng Japan at California dulot ng bahagyang tsumani dahil sa pagputok ng underwater volcano sa Tonga.

 

 

Unang pumutok ang Hunga-Tonga-Hunga-Ha’apai volcano na matatagpuan sa Fonafo’ou island sa Tonga noong Biyernes na sinunda nitong Sabado.

 

 

Nagpakawala ng makapal na abo, gas at kumukulong usok na may taas na 20 kilometro sa ere ang nasabing sumabog na bulkan.

 

 

Nagdulot din ng tsunami sa Tongatapu ang capital ng Tonga kung saan mabilis naman na inilikas ang mga mamamayan sa mataas na lugar.

 

 

Unang itinaas ang tsunami warning sa Japan at sa western California subalit tinanggal din ang warning matapos ang ilang oras.

US at Canada naghahanda na sa pagtama ng snow storm

Posted on: January 18th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

MARAMING  flights ang nakansela at maraming residente ng US at Canada ang nawalan ng suplay ng kuryente dahil sa banta ng winter storms.

 

 

Nagdeklara na rin ng state of emergency ang Virginia, Georgia, North at South Carolina dahil sa nasabing sama ng panahon.

 

 

Babala ng US National Weather Service (NWS) na tatamaan ang malaking bahagi sa silangan parte ng bansa sa darating na dalawang araw.

 

 

Inaasahan kasi ang pagdating malaking yelo na lubhang delikado sa mga motorista.

 

 

Nagbabala rin sila ng posibleng pagbaha sa ilang lugar gaya ng New York, Connecticut at ilang kalapit na lugar nito.

CINDY, kinikilig nang sobra na masabihang ‘prime actress’ na ng Viva at makasama ang magagaling na artista

Posted on: January 18th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

FASTEN your seat belt at I-ready na ang GPS dahil parating na ang Reroute sa Vivamax ngayong January 21, 2022.

 

 

Isa na namang sexy-suspense thriller ang masasaksihan sa iba’t-ibang panig ng mundo na pinagbibidahan ng ilan sa mga pinakamahuhusay na mga aktor sa Pilipinas, sa pangunguna ng Venice Film Festival Best Actor na si John Arcilla.

 

 

Ang Reroute ay kwento ng mag-asawang si Trina (Cindy Miranda) at Dan (Sid Lucero) na nagkakaroon ng problema dahil pinaghihinalaan ni Dan na may iba si Trina.

 

 

Sa gitna ng problemang ito, napagpasyahan ng mag-asawa na bumisita sa nag-aagaw buhay ng tatay ni Dan sa probinsya Sa kanilang pagbyahe, mahaharang sila ng isang roadblock at aabisuhan na sumubok ng ibang daan at mag-reroute.

 

 

Sa pagod sa pagmamaneho, maiinis na si Dan dahil aabutin pa ulit ng isang oras kapag nagbago sila ng ruta, dito niya mapapagpasyahan na dumaan sa isang shortcut, sa isang masukal at malubak na daan.

 

 

Sa pinagkamalas-malasan ay masisiraan pa ang kanilang sasakyan sa gitna ng daan, dito nila makikilala ang isang misteryosong lalaki na aalukin silang tulungan, si Gemo (John Arcilla). Iimbitahan ni Gemo ang mag-asawa na magpalipas ng gabi sa kanyang bahay at kinabukasa’y tutulungang ipaayos ang nasirang sasakyan.

 

 

Sa pagod ay papayag ang dalawa kahit na pinaghihinalaan na ni Trina ang mga galaw at mga pagtatanong ni Gemo tungkol sa buhay nila ng kanyang asawa. Sa pagdating nila sa bahay ni Gemo, makikilala rin nila ang asawa nito, si Lala (Nathalie Hart), na misteryosa rin at bihira lang kung magsalita.

 

 

Sa pagtuloy ni Trina at Dan sa bahay ni Gemo ay siya ring patuloy nitong pagtatanong ng mga personal na bagay tungkol sa buhay nilang mag-asawa, at lalo nang maghihinala ang dalawa.

 

 

Ang kakaiba at misteryosong kwento ng Reroute ay nangangailangan ng mahusay na pagganap. Kasama ni John sa pelikula ay si Sid na may makailang ulit nang nanalo ng best actor awards at mayroon ding nominasyon sa International Emmy Awards.

 

 

Parte rin ng Reroute ang mga prime actresses ng Viva na sina Cindy Miranda at Nathalie Hart, na gumagawa na rin ng kanilang sariling pangalan sa larangan ng pag-arte at patuloy na pinapatunayan na karapat-dapat sila sa mga role na ginagampanan nila.

 

 

Kasama ng mga batikang aktor ay isa ring award-winning director, ang pelikulang ito ay sa direksyon ni Lawrence Fajardo na nagdala sa atin ng internationally-acclaimed movie na Amok.

 

 

Si Fajardo rin ay nanalo na ng iba’t ibang awards para sa pagiging direktor at editor, dalawa rito ay mula sa Gawad Urian. Noong nakaraang taon ay binahagi rin ni Fajardo ang mga pelikula niyang Nerisa na pinagbidahan din ni Cindy, Mahjong Nights, at ang MMFF entry na A Hard Day.

 

 

Natanong naman si Cindy sa virtual mediacon ng movie nila, kung ano ang reaction niya na tina-tag na nga siya bilang isa sa prime actresses ng Viva Films at pawang award-winning pa ang nakasama niya sa Reroute.

 

 

“Sobrang nakakakilig ‘yun kasi dream ko lang dati,” pahayag ni Cindy.

 

 

“Naaalala ko pa kung paano ko pinangarap na matawag nga lang na isang aktres at nagpapasalamat talaga ako na ang dami ng blessings na dumarating.

 

 

“I’m willing to work harder para mapabilang dahil of course gusto maging level nina Sid, Sir John at Nathalie.  You know, I can’t wait to be like them. Sobrang iniidolo ko talaga sila.

 

 

“At siyempre, nandun ang pressure talaga kapag nakaka-work ka nang ang gagaling na actors, but I’ve learned a lot from them.

 

 

“Sobrang suwerte ko lang, nabigyan ako ng pagkakataon na matuto, ‘yun talaga ‘yun eh.  Ang importante talaga ‘yun naka-work mo sila.  Imagine that, napapanood mo sila before, pero ngayon nakaka-eksena at nakaka-usap mo na sila.

 

 

“So, it’s dream come true. Sana lang, mas gumaling pa ako and thank you sa Viva for giving me this kind of project at makasama ang magagaling na artista.”

 

 

At mula nga sa kaabang-abang na mga aktor at kahanga-hangang direktor, walang duda na isa na naman ang Reroute sa magiging trending at pag-uusapang pelikula sa pagpasok ng 2022.

 

 

Mula sa Viva Films, markahan na sa kalendaryo ang pagdating ng Reroute sa Vivamax ngayong January 21, 2022.   Mag-subscribe na sa Vivamax sa halagang P149 kada buwan, at P399 naman para sa tatlong buwan. Bisitahin ang web.vivamax.net o i-download ang app at mag-subscribe sa Google Play Store, Huawei App Gallery and App Store.

 

 

Mapapanood din ang Vivamax sa Europe sa halagang 8 GB kada buwan. Ang Vivamax ay mapapanood na sa Hong Kong, Japan, Malaysia, and Singapore, Indonesia, Thailand, South Korea, Taiwan, Brunei, Macao, Vietnam, Maldives, Australia, New Zealand, at pati na rin Canada at United States of America.   Vivamax, atin ‘to!

(ROHN ROMULO)

DEEP INSIDE MY HEART (Chapter 8)

Posted on: January 18th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

ISANG hindi inaasahang pagbaha dahil sa bagyo ang naranasan ng mga taga San Gabriel partikular ang mga taga- Villa Luna Subdivision na siyang naging sentro ng malaking baha.

Habang ang mag-inang Angela ay kapwa takot na nilalabanan ang lupit ng kanilang kapalaran sa bawat agos ng tubig, si Bernard naman ay matapang na hinaharap ang mga humaharang sa kanya para makapasok sa subdivision. Ngunit ano nga ba ang magagawa ng kanilang paglaban kung ang mapait nilang kapalaran ay nakaguhit na?

 

Ang paghupa ng bagyo at baha ay nangangahulugan ng isang malaking pagbabago sa buhay nina Bernard at Angela. Si Lola Corazon ang naging takbuhan ni Bernard sa mga pagkakataong iyon.

 

“Bernard, hijo, anong balita?” tanong ni Lola Corazon nang bumungad ang lalaki sa pintuan.

 

“H-Hindi ko sila matagpuan lola…wala sila sa mga na-rescue, wala sa mga ospital, wala sa mga casualties…”

 

Damang dama ng matanda ang bigat ng damdamin sa gumagaralgal na tinig ni Bernard.

 

“Kung gano’n, posibleng buhay pa sila!” pagbibigay pag-asa ni Lola Corazon.

 

“Kung buhay pa sila, nasaan sila lola? Nasaan ang mag-iina ko? Buntis pa naman ang asawa ko…” pabagsak na naupo si Bernard sa sofa at sapo ang noong napayuko.

 

“Huwag tayong mawalan ng pag-asa apo. Hindi sila pababayaan ng Diyos.”

 

“Hindi ko alam kung bakit kailangang mangyari sa amin ito lola…bakit kailangan nilang mawala sa akin?”

 

“May dahilan ang Diyos at malalaman din natin ‘yon.”

 

Hindi huminto si Bernard. Araw-araw siyang naghahanap sa kung saan-saan at matiyagang naghihintay sa pagbabalik ng kanyang mag-ina sa kanilang bahay. Nanatiling marumi at may bakas ng trahedya ang kanilang tahanan. Ni ayaw niya iyong bigyan ng panahon para linisin. Ang buong isip at atensyon niya ay nasa paghahanap niya sa kanyang pamilya. Naging sumbungan din niya ang alak ng kanyang mga hinaing at sama ng loob sa mga pangyayari. Walang segundo na nawaglit sa kanyang isip ang kinakaharap na problema. Maging ang trabaho ay napabayaan na niya. Ang inaasahang promotion noon ay naging demotion. At wala siyang pakialam do’n.

 

Si Lola Corazon. Ayaw talaga niyang silipin man lang ang bahay mula nang mawala sina Angela at Bela. Hindi niya kaya. Pero isang araw ay nagpasundo siya kay Mang Delfin at nagpahatid sa Villa Luna. Nanginginig ang kanyang mga paa sa paghakbang papasok sa loob nito. Agad siyang binalot ng kalungkutan na hindi niya mawari. Noon pa mang hindi pa nagkakatuluyan sina Angela at Bernard ay napamahal na sa kanya ang babae at itinuring na sariling apo dahil sa ka-inosentehan at kabaitan nito. Kaya nga ito ang napili niya para sa kanyang nag-iisang apo na si Bernard. Nang magkaayos na at makabuo ng sariling pamilya ang dalawa ay siya ang unang unang natuwa. Kaya ngayon na nangyayari ito ay para bang hindi rin niya matanggap. Pilit lamang siyang nagpapakatatag para sa kanyang apo na alam niyang pinanghihinaan na rin ng loob.

 

“ANGELAAAAA!”

 

Napatingala si Lola Corazon nang marinig ang malakas na sigaw ni Bernard mula sa itaas. Dali-dali siyang umakyat.

 

“ANGELAAA, NASAAN KA NA, NASAAN NA KAYO NI BELA?”

 

Nakalugmok sa kanilang silid si Bernard. Larawan ng isang lalaking tinalikuran ng mundo. Balbas sarado na at halatang wala ng interes na ayusin ang sarili.

 

“Uho! Uho!”

 

“Bernard…apo. Paano mo mahahanap ang iyong mag-ina kung hahayaan mo na pati ang sarili mo ay mawala?”

 

Unti-unting nag-angat ng mukha si Bernard.

 

“L-Lola Corazon?”

 

“Nagpasundo ako kay Delfin. Dito na muna ako. Sasamahan kita. Tutulungan kita hanggang sa makita mo na ang iyong pamilya?”

 

Hindi na umimik si Bernard. Sa halip ay isang mahigpit na yakap ang naging tugon niya sa kanyang lola. At sa mga balikat nito ay pinili niyang ilabas ang mga luha. Humagulgol siya na parang batang inagawan ng kendi.

 

Sa bawat gabi ay patuloy na nilulunod ni Bernard ang sarili sa alak habang sa umaga bago pa man tumilaok ang manok ay inihahanda na niya ang sarili sa paghahanap kina Angela at Bela. Nakailang pa-print na siya sa larawan ng kanyang mag-ina pero wala pa ring nakakilala sa mga ito. Bawat tao sa kalye na makasalubong niya ay kinakausap at tinatanong niya tungkol dito. Umupa na rin siya ng detective kahit pa patuloy naman siyang tinutulungan ni SPO2 Marcelo sa paghahanap kina Angela. Lahat ng paraan na maisip niya ay sinusubukan niya makita lang silang muli. Pero bigo pa rin siya.

 

Kinausap mabuti ni Lola Corazon ang kanyang apo. Sinabihan niya ito na bago pa man maubos ang ipon nila ni Angela ay makakabuting bumalik na siya sa trabaho at magsipag muli. Nang sa gayon ay magkaroon siya ng panibagong lakas at pera na magagamit niya sa patuloy na paghahanap sa kanyang pamilya.

Nakinig naman sa kanya si Bernard. Kahit pa labag na labag sa kalooban nito ang magpatuloy sa buhay nang wala ang kanyang mag-ina.

Kung minsan nga ay naiisip na rin ni Bernard ang magpakamatay pero napipigilan ito ng isiping baka buhay pa sina Bela at Angela. Sa isiping ito siya kumukuha ng lakas sa bawat araw.

 

Hanggang isang umaga. Habang pilit niyang inaabala ang sarili sa trabaho ay nakatanggap siya ng tawag mula kay Marcelo.

 

“Bernard, may nakausap ako. Nung ipinakita ko sa kanya ang picture ni Angela, natatandaan daw niya ito!”

 

“H-Ha? Sino ‘yan, pupuntahan ko ngayon!”

 

“Kaibigan ng kapitbahay namin. Buti pa nga puntahan mo. Hindi ko pa siya masyadong nakausap kasi bigla akong tinawagan ni chief. Isesend ko sa’yo ang address.”

 

Hindi na nagpatumpik tumpik pa si Bernard. Dali-dali niyang kinuha ang gamit at nagmamadaling lumabas ng opisina. Muntik pa silang magkabanggaan ng isa sa mga staff ng kumpanya.

 

“Bernard, saan ka pupunta? Parating na ang new client!”

 

“May importante lang akong pupuntahan!” sagot ni Bernard habang lumalakad na palayo sa babaeng staff.

 

“Pero paano ang meeting?”

 

“Cancel mo!”

 

“WHAT?”

 

Sa labas ng company ay agad pumara ng taxi si Bernard. Wala na kasi siyang kotse.

Habang nasa byahe ay hindi mapakali si Bernard. Sobra siyang kinakabahan at panay ang dasal niya na sana nga ay matagpuan na talaga niya ang kanyang mag-ina.

 

Nang mamataan niya si Cecilia. Naglalakad ito sa kalye at bigla na lang nawalan ng malay. Napaangat ang likod ni Bernard mula sa pagkakasandal sa upuan ng taxi.

 

“Ihinto mo!”

 

(ITUTULOY)

Booster shot sa mga COVID survivors mas pinaaga – DoH

Posted on: January 18th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

MAAARI nang magpaturok ng booster vaccine ang mga breakthrough COVID-19 patients o fully vaccinated ngunit tinamaan pa rin ng naturang virus.

 

 

Matatandaang dati ay naghihintay muna ng ilang buwan, bago mabakunahan ang isang nagpositibo sa SArS-CoV 2.

 

 

Pero sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na kapag nawala na ang sintomas at natapos na ang isolation period ay maaari na itong tumanggap kaagad ng booster shot.

 

 

Sa isang Inter-Agency Task Force (IATF) resolution, ang sinumang tinamaan ng mild Coronavirus symptoms, mapa-healthcare worker man o hindi, kinakailangan itong mag-isolate ng pitong araw mula sa dating sampung araw.

 

 

Kapag moderate cases, sampung araw habang kapag severe infections naman ay 21 araw simula nang maramdaman ang sintomas.

 

 

Dagdag pa ni Vergeire, mahalaga ang agarang booster shot upang magkaroon muli ng proteksyon laban sa COVID-19 lalo na’t hindi nawawala ang banta ng reinfection.

Unvaccinated vs COVID-19 puwede pa ring bumiyahe pero bawal sa pampublikong transportasyon – DOTr exec

Posted on: January 18th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NILINAW ng Department of Transportation (DOTr) na walang direktiba silang inilalabas na pumipigil sa mga hindi pa bakunado kontra COVID-19 na bumiyahe.

 

 

Ayon kay DOTr Undersecretary for Legal Affairs Reinier Paul Yebra, maari pa rin namang makabiyahe ang mga unvaccinated persons gamit ang ibang pamamaraan.

 

 

Sa mga pampublikong transportasyon lamang kasi aniya ipinagbabawal ang pagsakay ng mga ito base na rin sa nakasaad sa Department Order na inilabas ng DOTr hinggil sa “No Vaccine, No Ride” policy.

 

 

Dapat aniyang maintindihan na ang karapatan para makasakay ay dapat banlanse rin sa responsibilidad nila bilang transport regulator hinggil sa pagpapanatili at tiyakin ang ligtas na pagbiyahe.

 

 

Iginiit ni Yebra na ang paglabas nila ng No Vaccination, No Ride policy ay hindi paglabag sa Republic Act No. 11525 o COVID-19 Vaccination Program Act. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)