20 sa 117 baril ni Bato isinuko na sa PNP
- Published on June 17, 2026
- by Francis Paolo Torres
NASA kustodiya na ng Philippine National Police (PNP) ang 20 sa 117 baril na nakarehistro kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon sa PNP Civil Security Group (CSG), isinuko ng kampo ni Dela Rosa ang mga baril sa Regional Civil Security Unit sa Davao City noong Hunyo 11 kung saan dumaan ang mga ito sa karaniwang proseso bago tanggapin ng pulisya, kabilang ang inventory, beripikasyon ng serial numbers, at pisikal na inspeksyon.
Sinabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na ipinapakita ng hakbang na ito ang patuloy na pagsisikap ng organisasyon na tiyaking propesyonal, transparent, at naaayon sa tamang proseso ang pagpapatupad ng batas. Aniya, patuloy na pinalalakas ng PNP ang mga internal system nito upang matiyak ang pare-pareho at maayos na pagpapatupad ng mga batas hinggil sa mga baril.
Samantala, hinimok din ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag si Dela Rosa na isuko rin ang sarili, kasunod ng pagsuko ng 20 armas nito. Sinabi pa ni Matibag na dapat ay lahat ng 117 nakarehistrong baril ni Dela Rosa ang iturn-over na niya sa PNP.
Si Dela Rosa ay may warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) dahil sa umano’y pagkakasangkot sa extrajudicial killings noong war on drugs ng administrasyong Duterte. (DARIS JOSE)