• April 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2 suspects sa pananaksak at pagnanakaw sa Malabon, timbog

ARESTADO ang dalawang lalaki na suspek sa insidente ng pananaksak at pagnanakaw dahil sa mabilis na pagresponde ng pulisya matapos itawag sa 911 sa Malabon City.

          Sa ulat ni Malabon Police Chief P/Col. Allan Umipig kay Northern Police District (NPD) ActinG District Director P/BGen. Jerry Protacio, nagpapatrulya ang mga tauhan ng Malabon Police Patrol Base 3 nang makatanggap sila ng tawag mula sa 911 dakong alas-2:20 ng hapon hinggil sa nagaganap na kaguluhan sa Rosita St., Barangay Santulan.

          Kaagad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Patrol Base 3 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na si alyas “Willy”, 22, pedicab driver dakong alas-2:24 ng hapon.

          Sa pahayag sa pulisya ng biktimang si alyas “Josh”, 26, factory worker, ng Templora St., Brgy. Santulan, habang nag-iinuman sila ng kanyang mga kaibigan sa nasabing lugar bandang ala-1:40 ng hapon nang bigla na lamang umanong magwala ang suspek.

          Nang tangkain niyang awatin, nagalit umano ang suspek at naglabas ng patalim saka siya inundayan ng saksak at tinamaan siya sa kanang kamay.

          Ani Col. Umipig, alas-2:50 ng hapon nang maaresto naman ng mga tauhan ng Patrol Base 5 sa follow-up operation si alyas “Vic”, 28, ng Caloocan City matapos respondehan ang natanggap na tawag mula sa 911 hinggil sa insidente ng pagnanakaw sa Block 43, Lot 9D, Phase 3, Area 2, Kaunlaran Village, Barangay Longos.

          Narekober sa suspek ang isang cellphone na nagkakahalaga ng P12,000 at iba’t ibang uri ng ID na pagmamay-ari ng biktimang si alyas “Vincent”, 49, freelance manager at residente sa nasabing lugar. (Richard Mesa)