2 durugista, tiklo sa sugal at pot session sa Valenzuela
- Published on October 13, 2026
- by Francis Paolo Torres
SWAK sa kulungan ang dalawang hinihinalang drug personalities nang maaktuhan nagsusugal at gumagamit umano ng droga sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat, nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento sa Casa Rival Northville 1, Brgy. Bignay nang maaktuhan nila ang tatlong individuals na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa harap ng NHA Building alas-9:15 ng gabi.
Kaagad silang nilapitan nina P/MSgt. Conge at PSSg Herrera saka nagpakilala bilang mga pulis na nakatalaga sa Police Sub-Station 7 bago inaresto ang mga ito.
Nakumpiska sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nasamsam umano sa factory worker na si alyas Jericho, 29, ng Brgy. Bignay.
Pasado alas-3:20 ng madaling araw nang mahuli sa akto ng mga operatiba ng Police Sub-Station 1 si alyas “Kenet”, 36, na gumagamit umano ng shabu sa isang abandonadong bahay sa F. Santiago St., Brgy., Parada.
Nasamsam sa kanya nina PCpl Laredo at Pat Valencia ang isang nakabukas na plastic sachet na may bahid ng hinihinalang shabu at ilang drug paraphernalias.
Nahaharap sina ‘Jericho’ at ‘Kenet’ sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Richard Mesa)