2 drug suspects, timbog sa pot session sa Valenzuela
- Published on August 14, 2026
- by Francis Paolo Torres
MAGBABAKASYON muna sa loob ng selda ang dalawang hinihinalang drug personalities nang maaktuhan sumisinghot umano ng droga sa Valenzuela City, Miyerkules ng madaling araw.
Nakapiit ngayon sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela City Police Station ang mga suspek na sina alyas “Michael”, 28, at alyas “Francis”, 35, kapwa residente ng Brgy., Ugong ng lungsod.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento na nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation ‘Oplan Galugad’ ang mga operatiba ng Police Sub-Station 8 nang maaktuhan nila ang mga suspek na bumabatak umano ng shabu dakong alas-2:25 ng madaling araw sa loob ng isang bahay sa Villa San Jose Purok 4, Brgy., Mapulang Lupa.
Hindi na nakapalag ang mga suspek nang sunggaban ng mga operatiba at nakumpiska sa kanila ang isang nakabukas na plastic sachet na may bahid ng umano’y shabu at ilang drug paraphernalias.
Ayon kay SDEU investigator PSSg Alfredo Mendoza III, kasong paglabag sa Sections 12 at 15 sa ilalim ng Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isinampa nila laban sa mga suspek sa pamamagitan ng Inquest Proceedings sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.
(Richard Mesa)