2 Chinese nationals, kalaboso sa “carnap me”
- Published on August 25, 2025
- by @peoplesbalita
ARESTADO ang dalawang Chinese national na nagsabuwatan umano para palabasing na-carnap ang sasakyan ng isa upang makakolekta ng salapi sa insurance company sa Valenzuela City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento ang mga dinakip na negosyanteng Chinese na sina alyas “Wang”, 43, ng Brgy. Santol. Balagtas, Bulacan at alyas “Yang”, 52, ng Numancia St. Binondo, Manila.
Sa imbestigasyong pinangunahan ni P/Maj. Jose Hizon, Chief of Police for Operation, natanggap nila ang ulat ng umano’y naganap na insidente ng pagtangay sa isang Toyota Fortuner na may plakang (NCN 8299) na pag-aari ni ‘Wang’ noong Linggo, Agosto 17, sa harap ng Jade Garden Subdivision sa Brgy. Marulas.
Lumabas sa imbestigasyon na ang iniulat na na-carnap na sasakyan ni ‘Wang’ ay natuklasang nawasak sa isang aksidente sa trapiko at nasa isang autor repair shop sa 2nd Avenue, Caloocan City.
Nitong Huwebes ng gabi, nadakip ng pulisya si ‘Yang’, habang nagmamaneho ng isang Toyota Fortuner na may plakang LAC 5525 na napagalaman inilipat muna rito pansamantala ang plaka ng nawasak na sasakyan bago iniulat na na-carnap.
Natuklasan na pag-aari rin ni ‘Wang’ ang naturang SUV at nais lamang kumulekta sa insurance kaya dito muna inilagay ang plaka ng nawasak niyang sasakyan na kunwari ay na-carnap, kasabuwat ang kababayang si ‘Yang’.
Sinampahan ng pulisya ang dalawa ng mga kasong perjury, illegal transfer of license plates, at insurance fraud sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)