16-anyos pababa bawal sa social media
- Published on March 12, 2026
- by @peoplesbalita
UPANG mailayo sa negatibong epekto ng mga social media, isinulong ni CIBAC Partylist Rep. Bro. Eddie Villanueva ang House Bill 8260 na magbabawal sa mga edad 16-anyos pababa na magkaroon ng access sa social media platform sa Pilipinas.
“The measure responds to escalating global concern over the impact of social media on children’s mental health, safety, and developmental well-being,” paliwanag ni Villanueva sa kanyang HB 8260 o “Social Media Protection for Minors Act”.
Ipinunto ni Villanueva na maraming bansa na ang mayroong ganitong panukala tulad ng Spain, Australia, France habang sa Indonesia ay sinimulan na ang kahalintulad na probisyon.Sa ilalim ng panukala, lahat ng edad 16-anyos pababa ay hindi papayagang magkaroon ng mga account sa lahat ng social media platform tulad ng Facebook, TikTok at iba pa.
Oobligahin ang mga social media platforms na mag-deploy ng mga teknolohiya para alamin kung menor-de-edad o hindi ang may-ari ng accounts para harangin ito o kaya burahin kung meron na.
Sinabi ni Villanueva na may pangangailangan para mapagtibay ang panukalang batas dahil sa panganib sa pagka-adik ng mga bata sa internet kung saan posibleng ma-expose ang mga ito sa mga bayolente, sexual content at maging sa online exploitation.