• January 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

15.6M na pagdating ng pasahero noong 2025, iniulat ng BI

INIULAT ng Bureau of Immigration (BI) na umabot sa kabuuang 15.6 milyong pasaherong dumating sa iba’t ibang panig ng bansa noong 2025, na nagpapakita ng patuloy na paglago ng internasyonal na paglalakbay papasok at palabas ng Pilipinas.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, nakapagtala ang mga opisyal ng imigrasyon sa lahat ng internasyonal na pantalan ng pagpasok ng 15,608,868 na pagdating mula Enero hanggang Disyembre 2025, kabilang ang 6,704,007 dayuhang mamamayan.
Ang naturang bilang ay kumakatawan sa halos anim na porsiyentong pagtaas kumpara sa 14,733,597 na pagdating na naitala noong 2024.
Ayon pa sa BI Chief na nananatiling nakatuon ang ahensya sa pagsuporta sa mga layunin ng pamahalaan sa turismo at ekonomiya sa pamamagitan ng patuloy na modernisasyon.
“Aktibo naming isinusulong ang modernisasyon ng aming mga proseso sa imigrasyon—pinapalawak ang mga automated system, ina-upgrade ang mga pasilidad, at pinatitibay ang aming lakas-tao—upang matiyak ang mas mabilis, mas ligtas, at mas maginhawang serbisyo sa imigrasyon para sa mga biyahero,” pahayag ni Viado. “Mahalaga ang mga repormang ito upang mapadali ang lehitimong paglalakbay ng mga turista at iba pang manlalakbay,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Viado na ipagpapatuloy ng BI ang pag-aayon ng mga programa nito sa pagtulak ng pambansang pamahalaan para sa digitalisasyon at episyenteng paghahatid ng serbisyong publiko, habang nananatiling mapagmatyag laban sa mga transnasyonal na krimen at mga pang-aabusong may kaugnayan sa paglalakbay. (Gene Adsuara)