• April 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

13 sugarol, tiklo sa anti-gambling ops sa Valenzuela, 4 nakuhanan ng droga

LABING-TATLONG sugarol, kabilang ang apat na hinihimalang drug personalities ang nalambat ng pulisya sa magkahiwalay na anti-gambling operations ng pulisya sa Valenzuela City.
Batay sa ulat ni PSSg Pamela Joy Catalla, kay Valenzuela police chief P/Col. Gerson Bisayas, naaktuhan ng mga tauhan ni Ugong Police Patrol Base-8 Commander P/Capt. Joan Dorado ang anim na lalaki na naglalaro ng sugal na cara y cruz sa magkahiwalay na lugar sa Brgy. Ugong dakong ala-1:30 ng Martes ng madaling araw.
Nakuha sa mga nadakip ang peso-coins na gamit bilang pangara at bet money habang ang isang plastic sachet ng umano’y shabu ay nasamsam kay alyas “Ronel”, 38, ng Brgy. Ugong.
Nauna rito, huli din sa akto ng mga tauha ng Malinta Police Patrol Base-4 ang dalawang kelot na nagka-cara y cruz sa Area 4, Flooring Dumpsite Pinalagad, Brgy., Malinta dakong alas-6:30 ng Martes ng gabi at nakumpiska sa kanila ang tatlong peso-coins ‘pangara’, bet money at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nakuha kay alyas “Win”, 27.
Sa Brgy. Malanday, laglag sa mga tauhan ng Dalandanan Police Patrol Base-6 ang dalawang lalaki matapos maaktuhang nagsusugal ng cara y cruz alas-6 ng Miyerkules ng gabi at nasamsam sa kanila ang peso-coins na gamit sa ‘pangara’, bet money at isang plastic sachet ng umano’y shabu ay nakuha kay alyas “Rafy”.
Sa iba pang operation, naaktuhan din ng mga tauhan ng Paso De Blas Police Patrol Base-1 ang tatlong lalaki na nagka-cara y cruz sa Brgy. Canumay West alas-2:00 ng Huwebes ng madaling araw at narekober ng pulisya ang peso-coins ‘pangara’, bet money at isang plastic sachet ng shabu na nakuha sa isa sa kanila.
Ayon kina P/MSgt Carlito Nerit Jr., mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 habang karagdagan na kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang kakaharapin pa ng apat sa kanila. (Richard Mesa)