• August 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

13 saksi sa kasong confidential funds 

NASA 13 saksi ang nasa listahan ng House prosecution panel para sa kasong maling paggamit umano sa P612.5

confidential funds ni Vice President Sara Duterte na maaaring mabawasan kung mayroon nang sapat na ebidensiya.

Paglilinaw naman ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na “hindi naman po ibig sabihin ‘pag sinabi nating ma-limit [ang number of witnesses], e magsa-suffer ‘yung tibay ng ebidensya.” 

Nakapaloob sa Article I ang alokasyong maling paggamit umano ni Duterte sa P612.5 million na confidential funds na natanggap ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong 2022 at 2023.

Sinimulan na ng prosekusyon ang presentasyon ng ebidensiya sa naturang article nitong nakalipas na Miyerkules sa pamamagitan ng pagtestigo ng dalawang dating Land Bank of the Philippines branch managers.

Simula Lunes, inaasahang ipiprisinta ng prosekusyon ang dalawang Commission on Audit auditors at House records custodian.

Ganito rin aniya ang ginawa sa naging presentasyon sa Article IV, ukol sa naging pagbabanta umano ni Duterte kina President Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Inisyal na nakalinya ang nasa 11 saksi para sa nasabing article pero nabago matapos ang pagtestigo ng tatlong saksi.

“Kagaya po doon sa threat, mga 11 po yata ’yung mga testigo. Pero after presenting three witnesses, napatunayan na namin ’yung purpose na gusto naming makuha. So tumigil na po kami,” aniya.

(VINA de GUZMAN)