11 wanted persons, nalambat ng NPD sa manhunt ops
SA loob lamang ng 24-oras, umabot sa labing-isang wanted persons ang arestado sa manhunt operations na isinagawa ng mga units ng Northern Police District (NPD) at police stations sa magkakahiwalay na lugar sa CaMaNaVa area.
Sa ulat ng tanggapan ni NPD Acting Director P/BGen. Benliner Capili, kabilang sa mga naaresto ang 20-anyos na kelot na nakatala bilang Most Wanted Person sa Manila Police District dahil sa pagkakasangkot sa pagbebenta ng illegal na droga.
Ikinasa ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang operation laban sa akusado nang makatanggap sila ng impormasyon na nagtatago umano ito sa Caloocan City.
Hindi na nakapalag ang akusado nang masukol ng tumutugis na mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 2 sa 3rd Avenue, Brgy. 120, Caloocan City.
Dinakip ang akusado sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Regional Trial Court Branch 38, Manila City noong April 29, 2026 para sa Service of Sentence dahil sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, ng RA 9165 na walang inirekomendang piyansa.
Sa pamamagitan ng Six-Point Strategic Program Thrust nito, pinatitibay ng NPD ang pangako nitong pangalagaan ang mga komunidad, pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, at paghahatid ng mabilis, mahusay, at maaasahang serbisyo ng pulisya sa publiko. (Richard Mesa)