• April 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

1 sa 2 sakay ng inanod na sasakyan sa Caloocan, nakita na

NATAGPUAN na ng mga awtoridad ang isa sa dalawang sakay ng isang multi-purpose vehicle (MPV) na iniulat na tinangay ng malakas na agos ng baha sa kasagsagan ng pananalasa ng Habagat sa Caloocan City, Lunes ng gabi.

Martes ng hapon nang makita sa bahagi na ng ilog sa may Barangay 176, Bagong Silang ang bangkay ng 60-anyos na lalaki na isa sa dalawang sakay ng itim na Mitsubishi Xpander na tinangay ng malakas na agos ng tubig baha patungo sa kanal sa Dona Aurora sa Brgy. 177, Camarin sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan.

Napag-alaman na mataas at malakas na ang ragasa ng tubig-baha sa lansangan nang tangkain pa rin umanong tahakin ng driver ng MPV hanggang sa lumutang at tinangay na ng agos patungo sa kanal sa Dona Aurora.

Ilang mga residente ang nagtangka pang iligtas ang dalawang sakay ng MPV subalit nabigo na rin sila nang tuluyang tangayin ito ng malakas na agos.

Makaraang ang mahigit isang oras, nakuha ng Rescue Team ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang sasakyan sa ilalim na ng Durian Bridge na ayon sa alkalde ay may kalayuan na mula sa pinaghulugang kanal sa Dona Aurora.

Sinabi naman ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na hindi sila titigil, kasama ang iba pang ahensiya ng pambansang pamahalaan sa paghahanap sa kasama ng natagpuang biktima habang nakikipag-ugnayan na rin sila sa kaanak ng mga ito.

(Richard Mesa)