Yulo babawi sa 2024 Paris Olympics
- Published on August 6, 2021
- by @peoplesbalita
Ngayon pa lang, maghahanda na si Carlos Edriel Yulo sa pagresbak nito sa 2024 edisyon ng Olympic Games na idaraos sa Paris, France.
Bigo si Yulo na makasungkit ng medalya sa kanyang unang Olympic Game sa Tokyo, Japan.
Hindi ito nakapasok sa finals ng kanyang paboritong men’s floor exercise — ang parehong event na pinagharian nito noong 2019 FIG World Championships sa Stuttgart, Germany.
Aminado si Yulo na dinamdam nito ang masamang performance sa floor exercise. Inamin nitong ibinuhos nito ang lahat sa pamamagitan ng pag-iyak.
“Umiyak po talaga ko. Iniyak ko po talaga. Hindi ko po siya kinaya na pigilan. Tsaka ayaw ko ring pigilan. Feeling ko lalakas pa ko kung ilabas ko siya,” ani Yulo.
Kaya naman nagdeklara na agad si Yulo na babalik ito sa Paris Olympics nang mas malakas.
“Babalik po kaming malakas (sa Olympics po sa Paris),” ani Yulo.
Nagpasalamat din si Yulo sa lahat ng sumuporta sa kanya partikular na sa kanyang mga coaches at pamilya na patuloy na gumagabay sa kanyang lakbayin.