• February 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

YORME ISKO, NAIS DALHIN SA MAYNILA ANG URBAN FARMING TECHNOLOGY NG SINGAPORE

IPINAHAYAG ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na nakikipagtulungan ang pamahalaang lungsod sa Bureau of Plant Industry (BPI) upang pag-aralan ang pag-angkop ng mga teknolohiyang pang-urban farming ng Singapore bilang bahagi ng pagpapalakas ng food sufficiency sa kabisera.

Sa kanyang talumpati sa ika-96 na anibersaryo ng BPI nitong Pebrero 11, sinabi ni Domagoso na layunin ng ugnayang ito na maisulong ang lokal na produksyon ng pagkain sa isang mataas ang urbanisasyon na lungsod, sa pamamagitan ng pagkuha ng mga aral mula sa karanasan ng Singapore bilang isang masikip ngunit maunlad na lungsod-estado na malaki ang pamumuhunan sa teknolohiya para sa agrikultura.

“Pinili ko ang Singapore dahil sa heograpiya at pisikal na kalagayan nito—maliit ang Singapore, ngunit highly urbanized at fully developed. Kung kaya nilang magprodyus ng sarili nilang pagkain, kaya rin nating gawin iyon,” ani ng alkalde.
Binanggit ng alkalde ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang institusyon sa Singapore na may kinalaman sa agrikultura, teknolohiya, at skills training bilang batayan sa pagpaplano ng Maynila.
Matatandaang bumisita si Domagoso, kasama ang mga opisyal ng BPI, sa ilang pasilidad tulad ng Horticulture Technology Hub ng Institute of Technical Education (ITE) College East, Republic Polytechnic, at National University of Singapore (NUS) upang pag-aralan ang indoor farming, automation, data analytics, at resource-efficient growing systems.
“Sa pamamagitan ni Director Glenn at ng kanyang team mula sa BPI, kasama ang team ng inyong city government, nagpunta kami sa ITE, Republic Polytechnic, NUS, at sa private sector upang pag-aralan ang tinatawag na food production sa isang highly urbanized setting,” aniya.

“Sinisikap ngayon ng inyong city government na pagsama-samahin ang national government bureaus, local government, at private sector upang makabuo ng sistema para sa food production,” dagdag ni Domagoso, na nagsabing layunin nitong makalikha ng balangkas na maipagpapatuloy ng mga susunod na lider ng lungsod.
“Ang food insecurity ay banta sa pambansang seguridad. Patuloy na lumalaki ang populasyon, lumiit ang espasyo, at ang lupang maaaring gamitin ng susunod na henerasyon para magprodyus ng pagkain ay patuloy na nababawasan,” aniya.

Ayon pa kay Domagoso, mahalaga ang papel ng BPI, kasama ang mga siyentipiko at espesyalista sa ilalim ng Department of Agriculture, sa pagbuo ng praktikal at maka-agham na solusyon para sa urban agriculture, partikular sa mas epektibong paggamit ng limitadong espasyo para sa produksyon ng pagkain.
“Para sa hinaharap, sa pamamagitan ng BPI at ng mga siyentipiko at espesyalista nito, maaari ninyong mailigtas ang kinabukasan sa pagiging praktikal sa paggamit ng espasyo,” wika niya.

Idinagdag ng alkalde na kaakibat ang inisyatibang ito sa mas malawak na papel ng Maynila bilang distribution hub ng mga produktong agrikultural. Inalala rin niya kung paano napanatiling umaandar ang daloy ng pagkain sa kasagsagan ng pandemya ng COVID-19 nang pahintulutan ng lungsod ang mga magsasaka at negosyante mula sa Luzon na makapagbenta ng kanilang ani sa Maynila sa kabila ng mga lockdown sa ibang lugar.
“Ito ay simula pa lamang ng mahabang paglalakbay ng inyong city government at ng BPI nang magkasama, upang ang mga susunod sa atin ay mayroon nang gabay kung paano titiyakin ang food security sa Lungsod ng Maynila,” aniya. (Gene Adsuara)