Yorme Isko ipatutupad tax amnesty
- Published on July 10, 2025
- by @peoplesbalita
MAGPAPATUPAD ng tax amnesty si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa lungsod.
Nabatid na nilagdaan na ni Moreno kahapon ang Ordinance No. 9118 na nagkakaloob ng general tax amnesty sa Maynila.
Alinsunod sa ordinansa, ang lahat ng delingkwenteng tax payers na mag-a-avail ng tax amnesty ay hindi na pagbabayarin ng multa at surcharges mula Hulyo hanggang Disyembre 31, 2025.
Sakop umano ng programa ang mga hindi nabayarang business taxes, delinquent real property taxes, ordinance violation receipts (OVRs), regulatory and service fees at local transfer taxes.
“Despite this situation, everyone in this city, gusto namin iparamdam sa inyo na ang gobyerno ng Lungsod ng Maynila ay nakapagpagaan ng katayuan sa hirap na kinakaharap ng marami nating kababayan na nagbabayad ng buwis,” ayon kay Moreno, sa isang Facebook post.
“Una sa mahinang negosyo, pangalawa sa hirap ng buhay dahil ang ekonomiya’y may mabigat na hamon sa lahat dahil sa nangyayari sa mundo. Mas minabuti naming unawain ang mamamayan at bigyan ng tamang pansin ang hirap na kinakaharap ng ating nasasakupan,” dagdag pa ng alkalde. (Gene Adsuara)