• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 4:50 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Yaya, alagang batang babae utas sa sunog sa Malabon

ISANG yaya at alaga niyang 3-taong gulang na batang babae ang nasawi habang kritikal naman ang 6-anyos na kapatid na babae nito nang ma-trap sa nasusunog na inuupahang bahay sa Malabon City, Lunes ng gabi.
Hindi umabot ng buhay sa Manila Central University (MCU) Hospital ang yayang si Juvy Ventura, nasa 30 hanggang 40–taong gulang, at ang alaga niyang 3-taong gulang na batang babae.
Patuloy namang inoobserbahan sa naturang pagamutan ang anim na taong gulang na batang babae na nagtamo ng 3rd degree burn sa katawan.
Sa ulat ni Malabon City Fire Marshal Supt. Elaine Evangelista, sumiklab ang sunog sa paupahang bahay na pag-aari ng isang Edwin Domingo, 48, sa 15, Sociego St. Brgy. Tinajeros dakong alas-11:50 ng gabi.
Ayon sa mga kapitbahay ng biktima, napansin nila ang maitim na usok na nagmumula sa inuupahang bahay ng mga biktima kaya naglakas-loob silang pasukin ang bahay at pinagtulungang apulahin ang apoy hanggang makita sa ikalawang palapag ang mga biktima.
Unang nailabas ang anim na taong gulang na biktima bago ang yaya na nakayakap pa sa kanyang batang alaga na kapuwa wala ng malay nang isugod sa pagamutan.
Umabot lang sa unang alarma ang sunog bago tuluyang naapula dakong alas-12:38 ng Martes ng madaling araw habang inaalam pa kung ano ang sanhi ng pagsiklab ng apoy at kung magkano ang halaga ng natupok na ari-arian.
Napagalaman na nasa panggabing duty bilang nurse ang ina ng mga bata habang sa ibang bansa nagta-trabaho ang kanilang ama kaya ang yaya lamang ang naiiwan sa mga bata. (Richard Mesa)