Wanted na kriminal timbog sa Malabon, shabu, granada, baril nasamsam
- Published on September 23, 2025
- by @peoplesbalita
NAGWAKAS na ang pagtatago ng isang wanted na kriminal matapos maaresto ng pulisya sa manhunt operation at makuhanan ng granada, shabu at baril sa Malabon City.
Ayon kay Malabon police chief P/Col Allan Umipig, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng akusadong si alyas “Regie”, 30, na kabilang sa mga Most Wanted Person ng Malabon CPS.
Katuwang ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS), at Special Weapon and Tactics (SWAT), kaagad ikinasa ng Station Intelligence Section (SIS) sa pangunguna ni P/Lt. Joselito Sunega ang joint operation.
Hindi na nakapalag ang akusado nang makorner siya ng mga tauhan ni Col. Umipig sa kanyang tinutuluyang bahay sa Block 2 Kadima, Brgy. Tonsuya dakong alas-10:10 ng gabi.
Inaresto ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Hulyo 17, 2025 ng Malabon City Regional Trial Court (RTC) Branch 74 para sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa.
Nakumpiska sa akusdo ang humigi’t kumulang 18 gramo ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P122,400, granada, baril at dalawang magazine na kargado ng 13 bala.
Ang akusado ay wanted umano sa pamamaslang sa 50-anyos na babae noong Marso 23, 2025 sa Brgy. Tonsuya na nakuhanan pa ng CCTV sa lugar kung saan nauna ng nadakip ang kanyang noon ding araw na naganap ang krimen.
Ang akusado umano ang tumatayong “hitman” ng sindikato ng ilegal na droga na pumapatay sa mga hindi nagre-remit ng bayad at kinukuhanan pa ng larawan ang biktima matapos nilang paslangin bilang patunay na tapos na ang misyon. (Richard Mesa)