Walang taas-presyo ng basic goods hanggang Abril 16
- Published on April 4, 2026
- by @peoplesbalita
MATAPOS ang kasunduan sa mga manufacturers na nasa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, food and Transport (UPLIFT) program ng gobyerno, tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na hindi magbabago ang presyo ng mga pangunahing bilihin hanggang Abril 16.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, na nakipag-usap ang DTI sa mga pangunahing manufacturers at nangako na pananatilihin ang kanilang mga presyo.
“Nakausap po natin kahapon si Secretary Cris Roque, at nag-report po siya sa Pangulo sa UPLIFT,” ayon kay Castro.
Nangako aniya ang mga manufacturers na hindi magkakaroon ng price increase hanggang Abril 16, 2026.
Maging ang DTI aniya ay nangako na magsasagawa ng lingguhang monitoring ng basic commodity prices at muli silang makikipagkita sa mga manufacturers para masiguro na hindi tumaas ang presyo partikular na sa gitna ng pagsirit sa presyo ng langis.