Walang kailangang budget para sa ‘Pamilya Pass 1+3’ fare promo – Malakanyang
- Published on June 6, 2025
- by @peoplesbalita
WALANG nakikitang dahilan ang gobyerno para maghanap ng pondo para sa implementasyon ng “Pamilya Pass 1+3 Promo” sa Metro Rail Transit (MRT)-Line 3 at Light Rail Transit (LRT)- Lines 1 at 2.Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na walang kailangang pondo para simulan ang inisyatiba, naglalayon na pagaanin ang pasanin sa pananalapi sa pagbyahe ng pamilya na naglaan ng oras para magsama-sama tuwing araw ng Linggo.
“Government-run po ito at karaniwan naman po kapag Sunday ay hindi naman po napupuno ang LRT at MRT natin. So, wala pong budget na required for this,” ayon kay Castro.
Sa ilalim ng Pass 1+3 Promo, ang MRT-3, LRT-1 at LRT-2 ay nag-aalok ng libreng sakay para sa tatlong miyembro ng pamilya kung saan ang isang miyembr nito ay magbabayad ng pasahe tuwing araw ng Linggo.
Ang miyembro ng pamilya, kabilang na ang magulang at mga anak, lolo’t lola at mga apo, kapatid, tiyuhin at tiyahin o guardians na may dependents ay maaaring mag- avail ng promo.
Ang promo ay tatakbo hanggang sa huling Linggo ng June 2028.
Tinuran pa ni Castro na may opsyon ang susunod na administrasyon kung itutuloy pa ang inisyatiba o hindi.
“At bakit hanggang last Sunday ng June 2028? Dahil nais po ng Pangulo na bigyan din po ng karapatan ang susunod na administrasyon kung ano po ang nanaisin nilang programa patungkol po dito,” aniya pa rin.
“Iyan po ay respeto lang po ng Pangulo sa susunod na liderato,” ang sinabi ni Castro. ( Daris Jose)