• March 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

WALANG BATAS NA BAWAL ANG MAKIPAG-UGNAYAN SA ICC- DOJ

BINIGYANG DIIN ng Department of Justice na walang batas na nagbabawal sa gobyerno ng Pilipinas na makipag-ugnayan sa International Criminal Court (ICC) kahit matapos ang pagkalas ng bansa sa Rome Statute.
Ang pahayag ni Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez ay matapos kumpirmahin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na nakipagpulong siya sa mga imbestigador ng ICC upang talakayin ang proteksyon ng mga saksi sa kaso laban sa dating pangulo na si Rodrigo R. Duterte.
Ayon kay Martinez, walang legal na pagbabawal sa ating mga batas na nagsasabing hindi maaaring makipag-ugnayan sa anumang internasyonal na ahensya o tribunal, at ang paggawa nito ay paglabag sa Konstitusyon.

Nang tanungin kung nakipagpulong ang kasalukuyang pamunuan ng DOJ sa ICC, sinabi ni Martinez, “Wala pang ganitong mga pagpupulong.”

Dagdag pa niya, hinihintay ng DOJ ang resolusyon ng Korte Suprema kaugnay ng mga nakabinbing petisyon para sa certiorari at prohibition na kumukwestyon sa legalidad ng pag-aresto kay Duterte at posibleng pakikipagtulungan sa ICC.

“Dahil sa mga nakabinbing petisyon sa Korte Suprema, nararapat na hintayin namin ang resolusyon. Ngunit ang aming posisyon ay, kung makikipag-ugnayan kami sa ICC ngayon, walang legal na pagbabawal,” ani Martinez. (Gene Adsuara)