Wala ng masyadong magagawa para sa impeachment dala na rin sa naka-recess ang Kamara
- Published on May 10, 2025
- by @peoplesbalita
NILINAW ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na hindi maaaksyunan ng Kamara ang naiulat na impeachment complaint laban kay Presidente Bongbong Marcos habang naka-recess ang Kamara.
“Well, wala pa tayo, we’re not in session right now. So, not much can be done, ‘di ba?” pahayag ni Speaker Romualdez sa isang ambush interview kasunod ng Region 8 unity rally sa pangunguna ng Tingog Party-list niba Reps. Yedda Romualdez at Jude Acidre at Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) para sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas senatorial candidates.
Hindi aniya available si House Secretary General Reginald “Reggie” Velasco na tanggapin ang reklamo dahil dumalo ito ng seminar.
“At sa [pagka] alam ko po, maski ‘yung Sec-Gen nasa seminar sila. So, we may have to wait for the proper time to consider that,” paliwanag ni Speaker Romualdez, Lakas-CMD President.
Nang tanungin ukol sa timing ng complaint, sinabi nito na hayaan na lamang ang naghahain nagreklamo at di niya batid kung ano ang nasa likod nito.
Ang naiulat na impeachment complaint laban sa pangulo ay isinusulong ng Duterte Youth party-list.
Ang reklamo ay dala umano sa paglabag sa konstitusyon at betrayal of public trust kaugnay sa pagkaka aresto at pagpapakulong kay dating President Rodrigo Roa Duterte sa International Criminal Court (ICC).
(Vina de Guzman)