Wala nang ‘palakasan’ system sa farm-to-market road projects- PBBM
- Published on October 15, 2025
- by @peoplesbalita
TINIYAK ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wala nang “palakasan” system na mangyayari sa farm-to-market road projects sa ilang bahagi ng bansa upang maiwasan ang ghost projects.
Sinabi ito ni Pangulong Marcos matapos pangunahan ang inagurasyon ng Union Water Impounding Dam sa Barangays Union at Cadcadir sa Claveria, Cagayan.
Ang proyekto ay alinsunod sa layunin ng administrasyon na paghusayin ang ‘resilience at sustainability’ ng irrigation system sa bansa.
Sa naging mensahe ng Pangulo sa harap ng mga magsasaka, sinabi nito na gumawa na ang administrasyon ng farm-to-market road plan, na may layuning tiyakin ang food security sa bansa.
”Pupuntahan din natin ang mga mayor natin, ang mga governor para itanong kung ‘yung plano namin ay maganda, kung tama ang dinadaanan nung farm-to-market roads, kung ano ‘yung suggestion nila,” ani Pangulong Marcos.
”At ‘yun ang sinusunod natin na plano eh, hindi lang ‘yung kagaya dati na palakasan lang, ‘yung nakikiusap lang, oh lagyan ko farm-to-market ito… Pag medyo kaibigan, pag medyo kapartido, oh sige approved. Walang plano. Kung minsan kung saan-saan napupunta ang farm-to-market roads eh. Hindi naman ito nakakatulong sa ating mga magsasaka,” aniya pa rin.
Nauna rito, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang P105 milyong halaga ng ghost farm-to-market road projects sa Mindanao ay iimbestigahan ng Department of Agriculture at Department of Public Works and Highways.
Ayon sa DA, may pitong “ghost” farm-to-road projects ang nagkakahalaga ng P105 million, na dapat ay ginawa mula 2021 hanggang 2023. Nakatuon ang audit ng ahensiya sa FMR projects na napaulat na kompleto na o tapos na subalit walang makita o mahanap.
Samantala, nakipagtulungan na ang National Irrigation Administration (NIA) sa DPWH sa ilalim ng convergence program na tinawag na ‘Katubigan’ o Kalsada Tungo sa Patubigan Program, naglalayong paghusayin ang irrigation service roads at magbigay ng karagdagang suporta sa local agriculture.
Kabilang sa mga pangunahing mga proyekto ng programa ay Construction of Small Reservoir Impounding Project’ (SRIP) sa Claveria, Cagayan, tinutugunan ang mahalagang pangangailangan sa imprastraktura at environmental challenges. ( Daris Jose)