Waging Best Picture at nag-Best Actress pa si Krystel… SYLVIA, nagkatotoo ang sinabing gagawa ng history ang ‘I’mPerfect’
- Published on December 30, 2025
- by @peoplesbalita
HALOS lahat ay masaya at konti lang kumontra nang manalo ng “I’mPerfect” bilang overall Best Picture sa 51st Metro Manila Film Festival Gabi ng Parangal last December 27, na ginanap sa Dusit Thani Manila, Makati City.
Ito ang official entry ng Nathan Studios sa 2025 MMFF, na tungkol sa pagmamahalan ng dalawang may Down Syndrome, mula ito sa direksyon ni Sigrid Andrea Bernardo.
Ang “I’mPerfect” ang first mainstream Filipino feature na pinagbibidahan ng dalawang baguhang actors with Down Syndrome na sina Krystel Go at Earl Amaba.
Gumawa nga ng history si Krystel sa Philippine entertainment industry nang makamit niya ang first ever best actress na may DS sa yearly film festival.
Sa kanyang madamdaming speech, “Maraming salamat po sa award na ‘to. Hindi po ako makapaniwala na nanalo ako. Mommy, Daddy, para po sa inyo ‘to, Best Actress na po ako.”
Dagdag pa ni Krystel, habang patuloy ang pagluha dahil sa karangalang natanggap…
“Salamat po sa pagkakataong ito para mabigyan kami ng boses at maipakita namin na kaya rin naming umarteng mga persons with Down Syndrome.
“Higit sa lahat, Lord, tinupad Niyo po ang pangarap ko, naming lahat, na maging artista.”
Pahayag naman ni Direk Sigrid, “Inclusivity in one word that’s how I simply described this historic milestone for Philippine cinema. I pushed for this film for several years since 2009, the first time I wrote the script.
“I thought nobody would produce the film. I thanked Nathan Studios for the fantastic opportunity,” say ni Direk Sigrid.
Ka-collab din ng Nathan Studios ang CMB Film Services at VLTF Co Production.
Dagdag pa niya, ilang producers ang tumanggi nang i-pitch niya ang pelikula hanggang sa tanggapin at gawin ito ng Nathan sa pangunguna ni Sylvia Sanchez.
“I doubted myself, but I never gave up on them. It was a big reward that this film had already released in cinemas and saw them dancing on the stage, getting the attention they deserved and being interviewed is an absolute success,” pahayag pa pa ng direktor.
“I am already a big winner as I proved my point. These awards are priceless, and they are the icing on cake. These are the rewards,” sabi pa ni Direk Sigrid na ang tinutukoy ay ang napanalunan nilang Best Picture, Best Actress, at Best Ensemble Performance (Special Jury Prize) awards.
Hanggang ngayon ay emosyonal pa rin ang executive producer ng “I’mPerfect” na si Sylvia Sanchez dahil sa mga parangal na kanilang natanggap.
Sabi nga niya sa kanyang mensahe, “Persons with disability, you made history tonight! Para sa inyo lahat ito!”
Sa isang panayam naman bago ang Gabi ng Parangal, “Ang inisip ko lang talaga ay ipagmalaki sila. Kailangan din silang marinig, makita, at pahalagahan. Ito na ‘yung script for them.
“Bago namin ito binuo, humingi kami ng tulong at nakipag-meet kami sa lahat ng organizations (down syndrome and PWDs) kasi gusto naming gawin nang tama ang pelikulang ito. Gawin na nating tama, big time, lahat.
“‘Yung kumita, ibibigay ng Diyos ‘yun. Maniwala kayo sa akin, itong mga batang ito, gagawa ito ng history sa December 27. Ang galing-galing nila. Kayang-kaya nila,” sabi pa ni Sylvia na nagkatotoo naman sa awards night.
Kaya makikita sa kanyang Facebook post noong December 28 ang labis na pasasalamat sa Diyos.
“Ibang klase ka LORD [folded hands praying emojis]
“Maraming, maraming salamat po!! [yellow and blue heart emojis].”
Congrats Team ‘I’mPerfect’!