‘Wag mag-iwan ng alcohol sa sasakyan – MMDA
- Published on April 6, 2022
- by @peoplesbalita
PINAYUHAN ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista na iwasang mag-iwan ng mga bote ng rubbing alcohol sa loob ng kanilang mga sasakyan.
Sinabi ng MMDA na maaaring magdulot ng disgrasya ang alcohol kapag naiwanan sa loob ng sasakyan lalo na kung mabibilad ito sa matinding init ng araw.
“Payo lang mga friends ngayong panahon ng summer/tag-init: Iwasan natin na mag-iwan ng bote ng alcohol sa loob ng ating sasakyan para disgrasya ay maiwasan,” anang advisory na ipinaskil sa Twitter.
“Ang alcohol ay flammable kaya mainam na ilagay ito sa mga lugar na ang temperatura ay hindi lalampas sa 30° Celsius,” abiso pa ng MMDA.
Sa pagtataya na inilabas nitong Abril 2 para sa heat index (init factor) sa susunod na limang araw, sinabi ng PAGASA na ang Science Garden sa Quezon City ay makakaranas ng maximum temperature na 33°C sa Abril 3, at aabot sa 38°C sa Abril 6 . Ang heat index ay nagtala ng mataas na 53°C sa Dagupan City, Pangasinan noong Marso 17, ang pinakamataas ngayong taon sa bansa.
Magugunitang noong Setyembre 2020 nang sumabog ang iniwang isopropyl alcohol sa passenger seat na nakaparada sa isang warehouse sa Cainta, Rizal, na nalaman lamang nang magbalik na ang may-ari na si Joyce Canlas.
Nawasak ang bintana ng sasakyan, napunit ang kisame at nasunog ang harapang passenger seat.
Kinumpirma ng Bureau of Fire Protection (BFP) na nag-imbestiga sa insidente na ang alcohol ang sanhi ng pagsabog.
Gayundin ang naging babala ng Food and Drug Administration (FDA) na ang rubbing alcohol at hand sanitizers ay dapat sa maayos na lugar itabi, na hindi lalagpas ang temperatura sa 30’ celsius. (BISHOP JESUS “JEMBA” M. BASCO)