VP Sara, nanawagan para sa ‘community action’ laban sa dengue NANAWAGAN si Vice President Sara Duterte, araw ng Lunes sa publiko na sumunod sa tamang pamamaraan para labanan ang paglaganap ng dengue sa bansa.
- Published on June 3, 2025
- by @peoplesbalita
Sa pagdiriwang ng Dengue Awareness Month ngayong buwan ng Hunyo, binigyang diin ni VP Sara ang kahalagahan ng pagsuporta sa kampanya ng Department of Health’s (DOH) laban sa dengue—isang mosquito-borne viral infection na karaniwan sa mga bansang may ‘tropical climates’ gaya ng Pilipinas.“Nakakamatay po ang sakit na dala ng lamok na may dengue na maaaring namumugad sa ating mga pamamahay at mga komunidad. Lahat tayo ay nanganganib na maging biktima ng sakit na ito,” ang sinabi ni VP Sara sa isang video message.
“Magkaisa po tayo sa adhikain na makontrol ang pagdami o paglaganap ng mga lamok na may dalang dengue,” aniya pa rin.
Bilang bahagi ng hakbang sa pag-iwas laban sa nasabing sakit, hinikayat ni VP Sara ang publiko na tiyakin na ang mga mosquito breeding grounds gaya ng mga drum at paso ay malinis at walang nakaimbak na tubig.
Hinikayat din niya ang mga ito na magpartisipa sa clean-up drives sa mga komunidad.
Sinabi pa niya na mapipigilan ng mga tao na makakuha ng dengue sa pamamagitan ng paglalagay ng ‘window at door screens’ at mosquito nets (kulambo) at magsuot ng pantalon at t-shirt na may mahabang manggas.
Nito lamang Abril, sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na ang Pilipinas ay nahaharap sa dengue outbreak ngayong taon.
Ang pinaka-karaniwan na sintomas ng dengue ay ang pagkakaroon ng mataas na lagnat, matinding sakit ng ulo, muscle at joint pains, pagduduwal at rashes.
May ilang tao naman ang makararanas ng pananakit sa gilid ng mata, pagsusuka at pamamaga ng glandula (glands).
Ang mga sintomas, sinabi ng DOH na magsisimula sa apat hanggang 10 araw matapos ang exposure mula sa kagat ng lamaok at tatagal ito ng hanggang dalawa hanggang pitong araw.
( Daris Jose)