• August 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

VP Sara may 400 security na bakit ginamit pa confidential funds – prosec

“Bakit ginamit ang confidential funds para sa sinasabing mga operasyon para sa seguridad ni Vice President Sara Duterte gayong mayroon nang mahigit 400 tauhan na nakatalaga para sa kanyang proteksiyon?”

Ito ang tanong ni Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., counsel at tagapagsalita ng prosekusyon sa Kamara, matapos ang testimonya ni Xylene Mae del Campo ng COA-ICFAO hinggil sa paggastos ng Office of the Vice President (OVP) ng confidential funds.

Ayon kay Tolosa, tungkulin na ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) ang pagbibigay ng proteksiyon kay Duterte.

Sa cross-examination kay Del Campo, binanggit ng depensa na ginamit ang confidential funds para sa mga operasyon gaya ng pagmamanman at iba pang hakbang sa seguridad sa biyahe ni Duterte sa iba’t ibang lugar. Ngunit kinuwestiyon ni Tolosa kung bakit kailangan pang gumastos ang OVP para rito gayong may nakatalagang security group na.

Itinuro rin ni Kabataan Party-list Rep. Renee Louise Co na may ­sariling pondo ang VPSPG na hiwalay sa OVP. “Sa puntong iyan pa lamang, kailangan nating tanungin kung usapin ba talaga ito ng seguridad, kung OVP ba ang dapat gumastos para sa ganitong bagay, o kung may ibang tanggapan na dapat sumagot dito,” ani Co.

Binanggit din ni Co ang confidential funds ng DepEd na umabot sa P112.5 milyon noong si Duterte ang Education Secretary. Aniya, tungkulin ng DepEd na maghatid ng dekalidad na edu­kasyon, kaya’t kinuwestiyon kung paano nakatulong sa mandatong ito ang mga operasyon kontra insurhensiya at terorismo.

(VINA de GUZMAN)